 |
Kilusang Magbubukid – Lupa Para sa Magsasaka, Hindi Militarisasyon!
October 19, 2009 by
baretangbikolnon
Sa buong linggong ito ng Oktubre mula a-15 hanggang 21 ay huhugos ang
masang magsasaka sa buong bansa mula sa kanayunan hanggang sa kalunsuran
upang tuloy-tuloy na ipaglaban at ipanawagan ang daan-taong ng kahilingan:
LUPA PARA SA MAGSASAKA!
Dito sa Bikol, magkakaroon ng malawakang mga pagkilos sa 6 na probinsya
mula Okt. 20-21. Ang Lakbayan sa Camarines Sur at Albay ay mag-uumpisa ng
Okt. 20 hanggang 21. Mula sa 4 na distrito ng CamSur ay magtatagpo-tagpo
ang lahat ng kalahok sa syudad ng Naga habang ang Lakbayan naman sa Albay
ay mag-uumpisa mula sa mga komunidad na apektado ng Bicol International
Airport at magtatagpo-tagpo ng iba pang kalahok mula sa 3 distrito nito sa
Penaranda Park sa harap ng kapitolyo at dito na magkakampuhan sa gabi ng
Okt. 20. Ang koordinadong pagkilos ng lahat ng probinsiya kung saan
magkakaroon ng martsa-rali ay sa Okt. 21.
Ang Linggo ng Magsasaka ay nag-umpisa nitong Oktubre 15 bilang paggunita
sa “World Food Day” sa buong mundo. Ngunit, sabi nga ni Tata: “Sa aming
mga magsasaka, World Foodless Day ito at hindi lang isang araw ito
nagugunita kundi araw-araw dahil maraming mamamayan ang halos hindi na
kumakain sa sobrang kahirapan lalo na kaming maliliit na magsasaka. Gayung
kami ang nagtatanim at lumilikha ng pagkain, kami ang walang makain.”
Ang Linggo ng Magsasaka ay Paniningil sa Gobyerno at Pagdiriwang sa Walang
Humpay na Pakikibaka ng Magbubukid.
Paniningil sa papet na Rehimeng US-Macapagal Arroyo na nanuhol at
nagmaniobra upang maipasa at maaprubahan nito lamang Agosto 2009 ang
ekstensyon ng hungkag na programa sa lupa, ang Comprehensive Agrarian
Reform Program o CARP. Hungkag at bigo ang implemetasyon ng CARP sa
Kabikolan dahil hanggang sa ngayon, , sa 1.5M magsasaka sa Bikol, 7 sa
bawat 10 ay walang sariling lupa at nananatiling tenante o buwisan at
tagapangalaga lamang sa bukid habang libo-libong ektaryang lupain ang
nananatiling asyenda na kontrol ng mga Panginoong Maylupa o PML na
karamihan ay pulitiko (na nakakonsentra lamang sa halos 200 pamilya),
developer at dayuhang kapitalista. Walang suportang serbisyo at subsidyo
sa agrikultura mula sa gobyerno.
Paniningil ito sa pagprayoridad ni GMA sa rehiyon para sa dayuhan at
malakihang pagmimina sa ilalim ng kanyang Mining Revitalization Program na
ibinatay sa Mining Act of 1995 kung kaya’t parang kabuteng nagsulputan ang
napakaraming Transnational Corporations o TNCs at lokal na korporasyon
para sa pagmimina. 5 sa 23 priority mining projects sa Pilipinas ay nasa
Bikol at 2 nito ay nasa Rapu-Rapu, Albay. Ang 3 ay ang Masbate, Nalesbitan
at Del Gallego Gold Project. Dagdag pa dito ang Paracale Gold Proj.,
Geograce Mining Corp., Coal Mining, PNOC at Good Found Cement Factory. Sa
karanasan sa lahat ng pagmiminang ito ay hindi naging kapakipakinabang sa
mga apektadong komunidad bagkus ay lalong nasadlak sa kahirapan, pagkasira
ng kapaligiran at paglabag sa karapatang pantao sa mamamayan ang
nangyayari at ang tanging naiiwan ay LASON.
Paniningil ito sa walang habas na kumbersyon ng produktibong lupaing
agrikultural tungo sa komersyal, industriyal at eko-turismong gamit.
Hinahambalos ang mga magsasaka ng samu’t-saring mga programa at proyekto
ng gobyerno (nasyunal at lokal) na lalong nagpapalala ng kawalan ng lupang
binubungkal at dislokasyon sa kabuhayan. Halimbawa nito ay ang Bicol
International Airport Bicol Bicol River Basin Proj. at mga Dam tulad ng sa
Sipocot. Paniningil rin ito sa korupsyon ng pera na dapat sana ay nakalaan
sa agrikultura tulad ng Fertilizer Scam (P728 M), humigit kumulang P150
Bilyon Coco Levy Fund, bilyong pondo ng CARPs, P43.7M para sa Balikatan,
at iba pa.
“Militarisayon, OPLAN BANTAY II at SOT, Bala, Bomba, Pandarahas at
Pananakot hanggang sa Pagpatay sa pangunguna ng AFP!, Ito ang nangyayari
at ginagawa sa buong Bikol – sa aming magbubukid at sa buong mamamayan.”
Dagdag pa niya.
Gayunpaman, kahit pasistang inaatake ay matatag at mapagpasyang hinaharap
ng magbubukid ang laban para sa Tunay na Reporma sa Lupa, Ipinagtatanggol
ang mga tagumpay na sa lupang sakahan habang Isinusulong ang HB 3059/
GARB.
“Walang maaasahan na pag-unlad ang magbubukid at pagbabago sa lipunan sa
ilalim ng gobyerno ni GMA. Tanging ang mahigpit at sama-samang pagkilos
lamang ang solusyon sa daan-taong nang problema sa lupa. Kailangang
pukawin, organisahin at pakilusin ang magbubukid at mamamayan upang
patalsikin ang Rehimeng US-Arroyo at labanan ang imperyalismo, pyudalismo
at burukrata kapitalismo na pinag-uugatan ng suliranin ng uring magsasaka
at ng mamamayang Pilipino.” Pagtatapos ni Tata.###
|