 |
Calamba 7 pinalaya, pagbasura sa kaso
iginiit
By Kenneth Roland A. Guda
June 22, 2011
Ang Calamba 7 at mga tagasuporta, matapos makapagpiyansa sa Calamba,
Laguna. (Kontribusyon)
Pinalaya na ang tinaguriang “Calamba 7” o ang pitong aktibista nagprotesta
kontra kay Pang. Benigno Aquino III noong Hunyo 19, matapos magbayad ng
P12,000 piyansa.
Malugod na tinanggap ng mga tagasuportang mag-aaral sa Unibersidad ng
Pilipinas sa Los Baños, Laguna (UPLB) ang pitong aktibista, lima sa
kanila’y mag-aaral sa naturang pamantasan.
Nakulong nang 58 oras at 30 minuto sa Calamba Police Station ang pito.
Nanawagan sila na tuluyang ibasura ng korte ang kaso laban sa kanila.
Martsa-protesta sa Calamba, sa kabila ng malakas na pag-ulan. (Kontribusyon)
Sinabi ni John Paulo Bautista, tagapag-ugnay ng Kabataan Party-list sa
Timog Katagalugan, na wala pang hustisyang nakakamit ang pito dahil
nananatili ang “gawa-gawang” kaso laban sa kanila.
“Hindi nagtatapos sa pagpapalaya sa Calamba 7 ang laban para sa ating
kalayaan sa pagpapahayag,” sabi ni Bautista.
Nanawagan naman si Julienne Urrea, tagapagsalita ng Kabataan Party-list sa
UPLB, sa komunidad ng pamantasan na paigtingin ang kampanya laban sa
pampulitikang panunupil sa mga aktibista at idugtog ito sa isyu ng
“tumitinding krisis sa edukasyon.”
Ang Calamba 7, habang nakapiit sa Calamba Police Station, noong Lunes,
Hunyo 20. (Kontribusyon)
“Nakatakdang ihayag ni Aquino ang kanyang State of the Nation Address sa
susunod na buwan. Ito ang tamang panahon para ihayag ang ating pagkondena
sa ginawa sa ating mga kapwa iskolar. Hindi na bago ang pasismo ng estado
sa atin pero may iba sa ating tinatanggap na lamang ito na normal,” sabi
pa ni Urrea.
Sinabi naman ni Bautista na patuloy nilang igigiit ang pag-imbestiga sa
ilegal umanong pag-aresto at detensiyon sa pitong aktibista. “Iaangat
natin ito bilang isyu na may pambansang halaga,” ani Bautista.
Isang programa para suportahan ang Calamba 7 ang isinagawa sa harap ng
Calamba City Hall noong gabi ng Hunyo 21. Kabilang sa lumahok ang mga
estudyante, magsasaka, manggagawa, kababaihan at maralita, na nagmartsa sa
kabila ng malakas na ulan.
Inaresto ang Calamba 7 matapos magprotesta habang nagtatalumpati si Aquino
sa Calamba noong Hunyo 19 kaalinsabay ng ika-150 araw ng kapanganakan ng
pambansang bayani na si Jose Rizal.
Lima sa pito ay miyembro ng Kabataan Party-list: sina Michael Jayson Mozo,
Catherine Gigantone, Ynik Ante, Bhen Aguihon at Ruffa Solano. Sina
Joeffrey Barreto at Rodel Badayos naman ay mga manggagawa at miyembro ng
Anakpawis Party-list. |