|
NEWS RELEASE
22 August 2008
KATARUNGAN PARA SA MGA BATANG BIKTIMA NG GIYERA SA MINDANAO, IGINIIT
KAPAYAPAAN, PANAWAGAN NG MGA BATANG BIKTIMA NG GIYERA SA MINDANAO
Mariing kinondena ng Children’s Rehabilitation Center (CRC) ang patuloy na
giyera sa Mindanao sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at
mga Moro Islamic Liberation Front (MILF). “Sa unang putok ng giyera, mga
bata at kababaihan agad ang siyang naging mga biktima at libo-libong mga
pamilya ang nawalan ng tahanan at lumikas,” pahayag ni Ma. Esmeralda
Macaspac, Executive Director ng CRC, isang NGO na nagbibigay ng
siko-sosyal na tulong sa mga batang biktima ng paglabag sa karapatang
pantao. “Habang tumatagal at tumitindi ang giyera, lalong dumadami ang
biktima at lumalalim ang siko-sosyal na sugat ng mga mamamayan sa
Mindanao.”
Sa aktibidad na ginawa ng CRC-Southern Mindanao sa evacuation site sa Bgy.
Batulawan, Pikit, North Cotabato, mababakas ang matinding takot at
pangamba na nararamdaman ng mga bata. “Hindi nakakatulog ang mga bata sa
takot na maaring may mangyari sa gabi. Hindi sila nakakakain ng maayos at
syempre, nahinto ang pag-aaral nila,” dagdag ni Macaspac.
Maging ang mga bata ay nagtatanong din kung kailan matatapos ang digmaan
at nagpapahayag ng pagnanais na magkaroon na ng kapayapaan sa kanilang
komunidad. Marami sa kanila ang nakakaalala pa ng giyera noong 2003 kung
saan lumikas din sila sa mga kanilang komunidad. “Paulit-ulit na ang
giyera sa Mindanao at hindi mapapanatag ang mga pamilya sa mga komunidad
sa Mindanao habang hindi nahahanapan ng solusyon ang kahilingan ng
mamamayang Moro para sa kanilang ancestral domain. Tama lamang na
pakinggan na ang panawagang kapayapaan ng mga bata sa Mindanao,” ani
Macaspac.
Ayon sa datos na nakalap ng CRC-SMR Office kasama ang Kabiba Alliance for
Children’s Concerns, sa North Cotabato pa lamang, mayroon nang 17,099
pamilya sa 56 barangay ang apektado ng labanan. Lagpas sa 20,000 mga bata
ang tinatayang apektado sa mga munisipalidad ng Pikit, Tulunan at Aleosan.
|
Kasabay nito, nanawagan si
Macaspac sa AFP na itigil na ang aerial bombing na isinasagawa sa mga
komunidad dahil ito ay magdudulot ng malaking pinsala sa buhay at
ari-arian ng mga sibilyan. “Iresponsable at mas malaking pinsala ang
kahahantungan ng indiscriminate bombings na ginagawa ng military dahil
walang sinisino ang kanilang mga bomba. Mas lalong malaking takot at
pangamba ang idinudulot nito dahil walang ligtas ang sinumang tamaan nito.”
Samantalang maging sa mga evacuation centers, hindi pa din ligtas sa
panganib at sakit ang mga bata dahil sa kakulangan ng mga serbisyong
ibinibigay ng pamahalaan. Kadalasan ay nagugutom at nagkakasakit ang mga
bata dahil sa kakulangan ng pagkain at disenteng panirahan. “Dahil sa
kadalasan ay hindi naman handa ang mga ahensya ng gobyerno sa mga
opensibang ng AFP, hindi rin naisasaayos ang paglikas ng mga sibilyan at
hindi nasisiguro ang kapakanan ng mga pamilya, lalo na ng mga bata,” aniya.
Samantala, nanawagan ang Salinlahi Alliance for Children’s Concerns na
imbistigahan ng pamunuan ng MILF ang pagpatay sa mga sibilyan, kabilang na
ang mga bata at kababaihan. Gayundin, kailangan ding imbestigahan ang mga
alegasyon ng MILF na paglabag ng AFP sa karapatan ng mga pamilya sa mga
komunidadn. “Dapat mabigyan ng katarungan ang mga pamilyang naging biktima
sa giyerang ito. Parusahan kung sino man ang may kagagawan ng mga
karumal-dumal na paglabag sa karapatang pantao,” wika ni Alphonse Rivera,
tagapagsalita ng Salinlahi, isang alyansa ng mga organisasyong
nagtataguyod ng karapatan at kagalingan ng mga bata.
Ayon pa sa kanya, hindi solusyon ang pag-aarmas ng gobyerno sa mga
sibilyan o ang paghikayat sa mga grupong vigilante tulad ng Ilaga, sa
nagaganap na giyera. “Lalo lamang papaypayan ng mga ganitong panukalang
hakbang ng gobyerno ang sumisiklab na digmaan. Mas lalong dadami ang
magiging biktima ng giyera.”
Nananawagan ang mga organisasyong pambata na pangunahan ng gobyernong
Arroyo ang inisyatiba sa tigil-putukan at pagbalik sa negosasyong
pangkapayapaan sa MILF. “Kung talagang sinsero ang gobyerno sa pagsusulong
ng kapayapaan sa Mindanao, marapat lamang na sila ang gumawa ng unang
hakbang para ditto. Pakinggan naman nila ang mga panawagan ng mga bata,”
pagtatapos ni Rivera. ###
References: MA. ESMERALDA
MACASPAC, CRC Executive Director (09209102927)
ALPHONSE RIVERA, SALINLAHI Spokesperson (0929 6076157)
|