Moro Resistance and Liberation Organization Press Statement March 18, 2006 Jabiddah Massacre: Pagpupugay sa naging hudyat ng Armadong Pakikibaka ng Mamamayang Moro Nagpupugay ang makabagong rebolusyonaryong mamamayang Moro mula sa hanay ng Moro Resistance and Liberation Organization (MRLO) sa halos tatlong dekadang pakikibaka ng mamamayang Moro laban sa kamay ng diktaduryang gubyerno ng Pilipinas. Nananawagan ang MRLO sa libo-libong mamamayang Moro na matuto sa kasaysayan ng Jabiddah Massacre, at muling paigtingin ang armadong pakikibaka ng mamamayang Moro laban sa mapanupil na rehimeng US-Arroyo. Ginugunita ngayong araw, March 18, ng mga mamamayang Moro ang Araw ng Jabiddah Massacre, ang pagpaslang sa may 24 kabataang Moro na ginamit ng rehimeng Marcos noong 1968 sa isang sikretong operatibang militar upang manghasik ng terorismo sa Sabah, Malaysia na siyang magiging daan upang maagaw ito mula sa pamumuno ng Malaysia. Ang March 18 ay tinagurian ding Kamahardikahan o Bangsamoro Freedom Day, hudyat ng armadong pag-aklas ng libo-libong mamamayang Moro laban sa gubyerno ng Pilipinas sa pamumuno ng Moro National Liberation Front (MNLF) laban sa diktaduryang rehimeng US-Marcos. Di matatawaran ang naging ambag ng MNLFsa pamumuno sa armadong pakikibaka ng mamamayang Moro laban sa diktaduryang Marcos at mapanlinalang na pamunuan ng rehimeng US-Aquino. Ngunit, malaki rin ang naging epekto nang pagpasok ng MNLF sa mapanlinlang na usaping pangkapayapaan ng rehimeng US-Ramos na nagdulot sa pagkawatak-watak ng armadong kilusan ng mamamayang Moro. Ito rin marahil ang kahahantungan ng Moro Islamic Liberation Front kung patuloy nilang tatahakin ang pakikipag-neogsasyon ng usaping pangkapayapaan sa mapanlinlang na rehimeng US-Arroyo. Layunin ng Moro Resistance and Liberation Organization na ipagpatuloy ang diwa ng armadong pakikibaka ng mamamayang Moro sa landas ng pambansang demokrasya upang makamit ang tunay na kalayaan at demokrasya sa lipunang Pilipino na siyang magbibigay daan upang makamit ng mamamayang Moro ang karapatan sa tunay na sariling-pagpapasiya. Tangan-tangan ng MRLO ang mga aral mula sa pakikibaka ng MNLF at MILF, gayundin ang nalihis na pinagmulang organisasyon, ang Moro Revolutionary Organization noong dekada 80. Paborable ang pampulitikang sitwasyon sa ngayon upang pamunuan ang diwang mapanlaban ng mamamayang Moro laban sa pasista at mapanlinlang na rehimeng US-Arroyo. Tulad ng sirkumstansya ng pagkakabuo sa MNLF noong panahon ng diktaduryang Marcos, tumitindi ang panunupil ng rehimeng Arroyo laban sa mamamayang Pilipino at tumatagos ito sa mamamayang Moro. Gamit ang listahan ng Order of Battle laban sa mga kilalang kritiko, nagsasagawa ang rehimeng ito ng arbitraryong pandurukot at pang-aaresto at pagpaslang sa mga lehitimong lider ng mga lehitimong organisasyon. Sa Mindanao, patuloy ang paggamit histeryang terorismo ng Abu Sayyaf upang maipagpatuloy ang militarisasyon sa Mindanao at bigyang basehan ang panghihimasok ng gubyernong Amerika sa Pilipinas. Bukod sa pagbibigay training sa mga mersenaryong sundalong Pilipino, nagsasagawa ngayon ng mga inprastruktura sa Sulu, Zamboanga at Saranggani ang mga tropang Amerikano na naghuhudyat ng kanilang permanenteng pagbabase sa Mindanao. Sa mga lugar na nagpapatuloy ang pakikibaka ng mamamayang Moro tulad sa Sulu, pumapasok ang tropang U.S. upang tuluyang durugin ang mga armadong grupo na lumalaban na nagtatanggol sa kanilang komunidad. Kitang-kita ito ng mamamayang Tausug ng Sulu ang pagsama ng mga U.S. troops sa isinasagawang opensibang militar ng mersenaryong AFP laban sa MNLF. Lumalabas din sa imbestigasyon ng Commission on Human Rights sa Western Mindanao na mga namuno sa anti-Balikatan rally ang mga sunod-sunod na pinapaslang sa Sulu mula nang magsimula ang Balikatan ngayong taon. Itinuro ng kasaysayan na kahit kailanman ay hindi papayagan ng reaksyunaryong gubyernong Pilipinas ang tunay na kalayaan para sa mamamayang Moro. Layunin ng gubyernong ito na patuloy na gawing lunsaran ng digmaan ang mga komunidad ng mamamayang Moro hanggang magapi nito ang mga armadong kilusan sa pamamagitan ng pag-ubos ng lahi at sapilitang pagpapasuko sa kanila sa pamamagitan ng usaping pangkapayapaan. Paborable ang sitwasyon sa ngayon upang paigtingin muli ang armadong pakikibaka laban sa pasista at berdugong rehimeng US-Arroyo at pinagsanib na pwersa ng mersenaryong AFP at sundalong Amerikano laban sa nakikibakang mamamayang Moro. Hassan Al-Bannah Tagapangulo Moro Resistance and Liberation Organization