BALITA Pebrero 27, 2006 Labanan ang PD 1017 Dalawa pang lider-KMU, dinampot Kinondena ng militanteng grupong Kilusang Mayo Uno (KMU) ang pagkakadampot sa dalawa pang lider mula sa pederasyon ng sentrong unyon na Kilusang Mayo Uno (KMU) matapos na itaboy ng mga pulis ang mga magpoprotesta sana sa harap ng Camp Crame ngayong araw. Ang kilos-protesta ay para hilingin ang pagpapalaya kay KMU Chairman Emeritus at Anakpawis Rep. Crispin Beltran at para labanan ang anila'y "martial law" sa ilalim ng state of national emergency ng Malakanyang. Dinampot sina Dennis Maga, Pangkalahatang Kalihim ng Association of Genuine and Nationalist Labor Organizations-Kilusang Mayo Uno (ANGLO-KMU) at Tagapagsalita ng Gloria Step Down! Movement (GSM) kasama si Marcial Dabela, Vice-President for Organization ng ANGLO-KMU. Ayon sa ulat, naglalakad pa lamang sa kahabaan ng EDSA sa Santolan ang mga magpoprotesta nang harangin na ng hanay ng mga pulisya. Nakiusap ang mga lider ng mga raliyista na patuluyin na lamang ang mga tao para dumalaw kay Beltran. Nagsimulang itaboy ng mga pulisya ang mga raliyista patungong northbound. Habang itinataboy, dinikitan at dinampot ng isang nakasibilyan na ahente si Maga. Hindi naman humiwalay si Dabela sa kasama nito kaya pati ito'y dinampot na rin. Sa kasalukuyan ay dinala na sa Camp Caringal ang dalawang lider-manggagawa. Nanawagan sa taumbayan ang Tagapangulo ng KMU na si Elmer Labog para labanan ngayon pa lamang ang PD 1017 o ang deklarasyon ng state of national emergency. Aniya, unti-unti nang nagkakaparehas ng mukha ang PD 1017 sa PD 1081 ng dating diktaduryang Marcos "Ang gusto yata ng gobyernong ito ay ipiit ang lahat ng kanyang kritiko," giit ni Labog. Ayon sa lider-manggagawa, maraming Pilipino kung gayon ang maaaring malagay sa kalagayan ni Beltran na iligal na inaresto at kinasuhan dahil tinatayang 80% ang aniya'y sukang-suka na sa kasalukuyang administrasyon at gusto na itong palitan. Binanggit ni Labog ang isang sarbey kung saan walo sa sampung Pilipino ay gusto nang mapaalis si Gng. Arroyo mula sa Malakanyang. Sinabi rin ni Labog na matapos ang deklarasyon sa PD 1017 ay sunod-sunod na ang "sightings" ng mga ahenteng may nakasuksok na baril na umaali-aligid sa opisina ng KMU sa Proj.3 Quezon City. Noong Linggo lamang, isang araw matapos dakpin si Beltran ay may namataan nang apat na ahente sa labas ng opisina ng grupo. Kaninang umaga, bago ang pagkakadakip kina Maga at Dabela, may namataan ding ahente sa labas ng opisina ng ANGLO-KMU sa may Kamuning. ###