|
Pananalita
sa Paglulunsad ng Publikasyong Iglap
ni Prof.
Roland Tolentino
Mapagpalayang hapon sa ating lahat.
Ang Publikasyong-Iglap ay kinonseptwalisa ng kagurong si Joi
Barrios na ngayo’y itago na lang natin sa pangalang Gng. Josephine
Leblanc, dakilang maybahay sa Boston, bilang mabilisan at malikhaing
pagtugon ng hanay ng guro at manunulat sa umiigting na politikal na
kaganapan. Una sa seryeng ito ang “Pakikiramay” ng mga tula ng
pakikidalamhati at pakikiisa sa mga naging biktima ng marahas na dispersal
ng piketlayn ng mga manggagawang bukid sa Hacienda Luisita. Ikalawa ang
“Truth or Consequence” ng mga tulang naglalayong magtanggal sa pekeng
pagkapangulo ni Gloria Macapagal Arroyo.
Ngayong hapon ay dalawa pa ang ipinagmamalaking madaragdag sa
serye, pawang may inobasyon sa pagpapabuti ng Publikasyong Iglap.
Naglahok ng pormang kritikal na sanaysay para sa Kontra-Gahum na
nagbibigay-diin sa napakahalagang papel ng akademiko sa paglilinaw ng mga
disiplina at interdisiplinang lapit sa paglaban sa politikal na pagpaslang.
Naglahok naman ng pormang kwento para sa Subverso na pumapaksa naman
hinggil sa pakikibaka laban sa politikal na pandarahas ng rehimeng
Arroyo.
Kung sisipatin ang mga bagong guro at manunulat na lumahok sa
dalawang proyekto, masasabing lumalawak ang ating hanay. Mas marami ang
gustong magdagdag ng kanilang tinig sa karumaldumal na kaganapan sa ating
kasalukuyang kolektibong karanasan sa rehimeng Arroyo.
Ang dalawang karagdagang libro ay inihahandog sa kulang na 800
biktima ng politikal na pagpaslang ng estado. Sa kanilang alaala at sa
patuloy na pakikibaka ng kanilang mga kapamilya, kaibigan at kasama
iniaalay ang paglulunsad ngayong hapon.
Sinabi na ni Pilosopo Tasyo ang rasyonal kung bakit ginagawa
ang ginagawa natin, para masabing “hindi lahat ay natulog sa magdamag.”
Marami ang nanatiling gising, nababahala at napapasulat, kundi man, nag-aaral
at nagpupulong, naglulusad ng mga taktikang pagkilos, nagsusuma, nagtatasa,
o nagpupuna sa sarili.
Mahalaga ang papel ng guro at manunulat bilang kaisang-hanay
sa intelektwal na gawain. Inilalapit ng guro sa mga estudyante ng kanyang
klasrum ang mga karanasan politikal ng nakikibakang mamamayan, kung bakit
pinapaslang ang mga pinapaslang, kung bakit ipinagpapatuloy ang pakikibaka
kahit na napakaraming pinapapaslang. Kaya may teacher’s guide ang mga
libro ng Publikasyong Iglap, nagmumungkahi ng lapit sa pagtuturo ng mga
panitikan hinggil sa politika ng pagbabago.
Ang manunulat naman ay mas kumplikadong nilalang. Mag-isa
siyang nagtitika ng kanyang akda, at kalimitan ay bitbit ang burgis na
pananaw hinggil sa mga politikal na karanasan. Ang ipinagkaiba, wish ko
lang, ay pinaglimian di lamang ng mga manunulat ang kanilang mga talinhaga
at mga salitang ginamit gaya ng nararapat na paglilimi sa politikal na
pananaw, kasama ang partisanship at pang-uring pagsusuri, sa mga paksang
piniling talakayin.
Ang CONTEND ay grupo ng progresibong akademiko rito sa UP,
kasapi ng Alliance of Concerned Teachers. Nilalayon ng mga libro na hindi
lamang manimbang hinggil sa kaangkupan ng pagsusuri at pagkamalikhain sa
politika ng akda, kundi bilang pagtataya, hindi man buhay, sa giyerang
intelektwal na nagaganap sa akademya. Kasama rito ang pagbabato ng mga
itlog sa bugok at pag-heckle sa mga galamay ng rehimen. Marami sa mas
malaking hanay ng guro sa UP ay naging buruktrata ng mga nauna’t
kasalukuyang rehimen, tinubigang gaas ng mga think-tank ng rehimen para
rasyonalisahin ang pasismo at neoliberalismo nito, at ang iba ang kasamang
nangliligwak sa Kaliwa na tila mayroon pinauusbong na bagong kilusang masa
kahit wala naman.
Patuloy na tataya ang CONTEND sa pagigiit hindi lamang ng
usaping disiplinal sa akademya kundi ng paggigiit ng mapagpalayang
posisyon bilang tampok na diwa kung bakit kami nagtuturo at nanghihimok ng
pakiisa sa mas malaking hanay ng kilusang masa.
Nagpapasalamat kami sa mga kapwa akademiko at manunulat na
nakitaya, kasama ng Ibon Publishing at ACT, at sa mga kasama at bisita,
kaguro at kamag-aaral sa pakikibaka. Naituro na sa atin ng kasaysayan ang
aral ngayong hapon, humayo at magparami; tibayan ang hanay, gapiin ang
kaaway; hanggang sa tagumpay ng tunay na kalayaan! Mabuhay tayong lahat.
|