ANAKPAWIS NATIONAL HEADQUARTERS 56 K-9 Street, West Kamias, Quezon City anakpawis2003@yahoo.com, website: www.anakpawis.tk Tel blg. 4269442, 4359402 Dalawang lider ng Anakpawis natagpuang patay sa Cagayan Valley; Pulitikal na pagpaslang sa mga progresibong partylist, mariing kinondena. Mas pinatitindi ng militar at ng gubyernong Arroyo ang atake laban sa mga progresibong partylist habang palapit na ang eleksyon. Ito ang sinabi ni Cherry Clemente, pangkalahatang kalihim ng Anakpawis hinggil sa ulat ng pagpaslang sa dalawa nilang kasamahan na pinaghihinalaang kagagawan ng mga lemento ng militar. Batay sa ulat ng Anakpawis sa Cagayan Valley, noong Marso 27, nagpaalam sina Arthur Orpilla at Dionisio Battad ng Bagunut, Baggao, Cagayan Valley na magtutungo sa kampo ng 17th IB-PA 5th ID. Napag-alaman mula sa asawa ng dalawa na araw-araw pinagrereport ang mga nasabing lider-magsasaka tuwing alas-8 n.u. at alas-4 n.h. Mula noon ay hindi na muling nakita ng kanilang mga pamilya sina Orpilla at Battad kung kaya’t agad silang nagpa-blotter sa pulisya. Marso 29, natagpuan ang bangkay ng isang lalaki na posibleng pinatay sa saksak at Abril 3, natagpuang nakalutang ang isang bangkay na may tama ng bala sa ulo sa Magapit Bridge, Lallo, Cagayan Valley. Kanina lamang alas-8 ng umaga nakumpirma ng mga asawa ng dalawang nawawalng lider-magsasaka na ang mga natagpuang bangkay ay ang kanilang mga asawa. Mariing kinondena ni Clemente ang pagpaslang sa kanilang dalawang kasamahan. Ayon sa kanya, ginigipit ang mga lider ng Anakpawis at Kagimongan-KMP sa Cagayan Valley dahil sa aktibong kampanya ng mga nasabing organisasyon laban sa pangangamkam ng lupa, usura, pagmimina at militarisasyon. Dagdag pa ni Clemente na ang papatinding atake sa karapatang pantao ng mga mamamayan ay mas magiging masahol sa mga darating pang araw dahil papalapit na ang eleksyon. ”Layunin ng militar at ni Gloria na tiyakin ang pagkapanalo ng kanyang mga galamay mula sa pambansang antas hanggang sa mga probinsya para seguruhin ang kanyang pananatili sa pwesto. Magagawa lamang niya ito sa pamamagitan ng pandarahas sa mga kilalang kritko ng administrasyon gaya ng Anakpawis at ng mga organisasyong masa.” Sinisi rin ni Clemente si Gng. Arroyo dahil sa mga deklarasyon nitong mahusay na nagagampanan ng mga sundalo ang kanilang tungkulin. Ani Clemente, parang pinatutulis pa ni Arroyo ang mga pangil ng berdugong kinokondena na ng buong mundo sa walang-habag na pamamaslang sa mga aktibista. Samantala, idadagdag ng Anakpawis ang mga kaso nina Orpilla at Battad sa marami pang kaso na maaaring isampa sa pandaigdigang korte para tuluyan ng maparusahan ang gubyernong Arroyo. ### Reference: Cherry Clemente: 09219922380