KILUSANG MAYO UNO (May First Labor Center) TAGAPAMANDILA NG TUNAY NA UNYONISMO No. 63 Narra St. Bgy. Claro, Proj. 3 Quezon City Telefax 421-0768, 421-0986 Email: kilusangmayouno@gmail.com, Website:www.kilusangmayouno.org BALITA Agosto 28, 2007 Protesta sa Dutch Embassy ikinasa Paghuli kay Joma Sison, utos ng gobyernong U.S. at Arroyo -- KMU Agad na kinondena ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang ginawang paghuli kay Propesor Jose Maria Sison ng Dutch National Criminal Investigation Department kaninang umaga sa Utrecht, The Netherlands. Bukod sa paghuli kay Sison, ni-raid din ang opisina ng National Democratic Front of the Philipines at mga tinutuluyang bahay ng iba pang istap ng NDFP sa Utrecht at Abicoude. Madalian namang magpo-protesta sa harap ng Dutch Embassy sa Makati City bukas, Agosto 29, ang mga progresibong grupo sa pangunguna ng BAYAN, KMU at International League of Peoples Struggles. Sinabi ng KMU na di makatarungan ang ginawang paghuli kay Prop. Sison dahil nito lamang Hulyo 11, 2007, pinawalang sala ng European Court of First Instance (ECFI) sa Luxembourg ang desisyon ng European Union Council na blacklisting at terrorist listing kay Prop. Sison. Pinagtibay ng ECFI na nilabag ng EU Council ang mga karapatan ni Prop. Sison na ipagtanggol ang sarili niya at wala ni anumang imbestigasyong criminal o pagdinig ng kaso ang ipinatawag kaugnay sa mga bintang kay Sison. "Si Prop. Sison ay lehitimo at kinikilalang political refugee batay na rin sa Article 1 A ng Refugee Convention," ayon kay Elmer Labog, Tagapangulo ng KMU. "Walang mga ebidensya na may kinalaman si Prop. Sison sa pagpaslang kina Arturo Tabara at Romulo Kintanar. Ginawa lang itong dahilan ng Dutch government, sa udyok na rin ng GRP at U.S. para patuloy na gipitin si Sison. Malaki ang posibilidad na may direktang kinalaman ang U.S. sa paghuli kay Sison. Ang gobyernong U.S. at Arroyo ang may malaking motibo laban kay Sison na kilalang kritiko ng mga patakaran ng gobyerno nina Bush at Arroyo," giit pa ng lider manggagawa. Isinisisi ng KMU sa gobyernong Bush ang paghuli kay Prop. Sison at sinabi na di dumaan sa proseso ang paghuli kay Sison at nilapastangan ang mga karapatan nito bilang isang political refugee sa The Netherlands. Matapos ang September 11 World Trade Center bombings, ang GRP at gobyernong U.S. ang nagbansag kay Prop. Sison at sa CPP-NPA-NDF bilang mga terorista. Pero taliwas dito, tagapagtanggol ng kalayaang sibil at demokrasya si Prop. Sison." Ayon sa KMU, malaking bigwas ang pagkakahuli kay Sison sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP. "Malinaw na gera laban sa mamamayan ang gusto ni Arroyo." Binatikos rin ng grupo ng mga manggagawa ng gobyernong Arroyo na nakikipagsabwatan sa gobyerno ng Estados Unidos para gipitin si Sison at iba pang lider ng progresibong kilusan na nakabase sa ibang bansa. "Napilitan si Prop. Sison na manirahan at mag-apply ng political asylum sa The Netherlands dahil sa ginawang pagpapakulong at pagtugis sa kanya ng mga gobyernong Marcos at Aquino noon. Ngayon, si Arroyo naman ang pursigidong maikulong si Sison." "Kahit pa makulong si Prop. Sison, hindi titigil ang mga kritiko ng gobyerno na ilantad ang mga krimen na ginagawa ng gobyerno at militar laban sa mga aktibista." ### Reference: PRESTO SUYAT, KMU SPOKESPERSON 0915-6029211, 421-0896 --