|
KARANGALAN
by Monico M.
Atienza
Sa ngayon ang tao sa lusak lugami
Walang tinitingnan kundi ang salapi,
Upang lumigaya'y nagsisilbing binhi
Ang kinang ng pilak: pansilaw-pighati.
(Naitatanong ko: sapat na nga kaya
Na ang yaman lamang ang gawing adhika?)
Walang alinlangang -- una'y karangalan...
At bago hangarin yaong kayamanan
Kailangan muna'y magandang pangalan.
Kadakilaan nga ang maging marangal
Ginto ma't salapi'y di makakapantay
Tataglayin ito hanggang kamatayan.
Maging marangal ka't pagdating ng araw
Ay dadakilain ng sangkatauhan
Nang taos sa puso't may lawrel na taglay.
Nick wrote the above poem when he was a high school senior at the Far
Eastern University. This was published in the school paper, The Advocate.
|
KAIBIGAN II
by Monico M.
Atienza
Pagtula'y pagdama, pagwari, pag-isip;
Pagbasa't pagbigkas ng loob at gilid,
tinipong salitang sinulat ding nais...
laging may pagpili't iwi ang pag-ibig,
at kung may pagyapos, pag-igkas ding pilit.
Pangusap nga ito, walang pagdududa
at tiyakang sabi ng isip at dama...
di nga paghahabi ng mga pantasya;
tumatanaw ito mula sa tuntungan
ng mundo't lipunan ng tula't pag-alam,
naghuhumindig ngang pagtuklas ng paham,
na kung umaawit tiyakan ang laman.
Pagtula'y maganda kung laging masinop.
Pinagsulsing dama at isip sa mundo
ng mga payaso't mga pilosopo,
umiibig manding sumpa ng pagbago.
Pangarap panimdim...nililikha'y tao.
Published by Bulatlat
in 2002 |
|
Monday, 22 January 2007
Ang Katapangan ni Monico M. Atienza
http://pangkulitan.motime.com/archive/2007-01
Hanggang sa sinusulat ang artikulong ito, hindi pa rin gumigising si sir
Monico “Nic” Atienza. Hindi na siya naka-respirator pero wala pa ring
malay, hindi namin alam kung nakakarinig siya o nakadarama. Gayunman, may
mga pagkakataong kapag kinakausap, laluna ng malalapit sa kanya, may
luhang gumigiti mula sa kanyang mata.
Gabi ng Disyembre 23, 2006, sa burol ng isang dating kasapi ng Panday
Sining sa Loreto Church sa Bustillos, Maynila, nabahala ang kanyang mga
kasamahan sa First Quarter Storm Movement nang si sir Nic ay hindi na
makahinga. Isinugod siya sa kalapit na Mary Chiles Hospital, at doon
inatake. Noon din lang nalaman na may tumor na nakabara sa kanyang
lalamunan, ang sanhi ng santaong pagkawala ng kanyang boses at hirap sa
paghinga, na inakalang hika. May 25 minutong sinikap ng mga doktor at nars
na maibalik ang tibok ng kanyang puso.
Humugos ang tao sa Mary Chiles. Maging nang ilipat siya sa Philippine
General Hospital, walang tigil ang dating ng mga bisita. Takang-taka ang
mga guwardiya at kawani: Sino ang pasyenteng ito na hindi namin kilala
pero mukhang importanteng tao? Hindi kataka-takang dagsa ang mga
nagmamalasakit, pagkat pambihirang tao si sir Nic.
Marami na ang nasabi ukol sa kanya nitong mga nakaraang linggo. Kuwento ni
Hermie Garcia, kababata at aktibista noong dekada 60, si sir Nic ay
presidente ng klase at konseho at valedictorian noong 1964 sa kanilang
batch sa Far Eastern University Boys’ High School. Tinitingala siya ng mga
kapwa mag-aaral at guro, at inaasahang magtatagumpay sa karerang pipiliin
niya.
Ngunit kaibang karera, kung matatawag mang ganoon, ang pinili niya. Tulad
ng maraming kabataan noong panahong iyon, naakit siya sa aktibismo – sa
isang paraang hindi natularan sa kanyang henerasyon. Sa hayskul, sineryoso
ni sir Nic ang pag-aaral ng kasaysayan. Paborito niyang personahe sina
Rizal, Bonifacio, Del Pilar. Binabasa niya sina Recto, Agoncillo, Tañada.
At nagsimula na rin siyang magbasa ng mga akda nina Marx at Lenin, kahit,
pagtatapat niya, hindi niya masyadong naiintindihan.
Nang magkaroon ng pagkakataong magbiyahe sa ibang bansa, sinunggaban niya
iyon, kasama ng dalawang kabarkada. Noon, 1965, walang relasyong
diplomatiko ang Pilipinas sa nasabing bansa. Katunayan, bawal magpunta sa
bansang iyon, na walang iba kundi ang Komunistang Tsina. Doon namulat si
sir Nic sa isang lipunan at ideolohiyang “bawal ngunit bakit makatao at
makatarungan.” Matapos ang dalawang buwan, bumalik sila sa Pilipinas at
sumapi sa Kabataang Makabayan (KM).
Lumipat si sir Nic sa Unibersidad ng Pilipinas, itinuturing noon bilang
sentro ng militanteng aktibismo. Isinapuso at isinabuhay niya ang
nasyonalismo. Naging presidente siya ng Student Cultural Association of
the University of the Philippines at pangkalahatang kalihim ng KM. Nang
suspendihin ang writ of habeas corpus, 1971, kasama siya sa 63 wanted ng
militar. Nang ideklara ang martial law, 1972, isa na siya sa mga
namumunong kadre ng pambansa-demokratikong kilusan. Katunayan, sa
pagpupugay ni Prop. Jose Maria Sison mula sa The Netherlands, sinabi niya
na si sir Nic ay isa sa mga tagapagtatag ng Partido Komunista ng Pilipinas
noong Disyembre 26, 1968 at miyembro ng Komite Sentral hanggang 1974 nang
madakip ng militar.
Ibayong katapangan ang ipinakita ni sir Nic sa harap ng kahayupan ng
militar. Sa isang panayam ng PINOY WEEKLY, ikinuwento niya ang mapait na
karanasan: “(S)a CSU o Constabulary Security Unit sa Kampo Crame . . .
ginamitan (ako) ng physical at psychological torture. Sa isang pagkakataon,
kaharap ko ang mga koronel, tinyente, kapitan, walang enlisted man . . .
ako’y hubo’t hubad, ako’y nakaposas.…”
Buong rehimen, hindi lamang iilang opisyal, ang maysala sa malawakang
pagpapahirap noong batas militar. Mga tulad ng isang Col. Guzman, ang
humuli kay sir Nic at sa mga kasamahan niya, at ng noo’y Lt. Rodolfo
Aguinaldo, na nanggulpi at nag-umpog ng kanyang ulo sa filing cabinet.
Bumalik sa pag-aaral si sir Nic noong 1982 sa UP. Pagkatapos, nagturo siya
sa Departamento ng Filipino at Panitikan sa Pilipinas. Sa akademya,
pangunahing pokus ng pag-aaral niya ang wika at panitikan ng
pambansa-demokratikong kilusan. Nagbunga ang pag-aaral na ito ng isang
libro, Kilusang Pambansa-Demokratiko sa Wika noong 1992.
Muli niyang dinanas ang lupit ng estado nang tambangan ang sasakyan nila
nina Bernabe “Kumander Dante” Buscayno noong Hunyo 1987. Sugatan siya at
si Dante, at patay ang dalawang kasamahan nila.
Taong 1998 o 1999 ko na ata naging guro si sir Nic. Masipag at aktibo siya
sa klase, isang bagay na hindi masasabi sa akin. Gayunpaman, sinikap kong
paminsan-minsang makipagtalastasan sa kanya, hinggil sa mga pag-aaral niya
sa wikang Filipino, panitikan at pulitika. Nang sabihin niyang ang mga
makabayang estudyante ay dapat na aktibong nakikilahok sa mga klase para
mahikayat ang iba pa sa aming adhikain, sinikap ko nang maging aktibo.
Nakakahiya, pero nakakataba ng puso nang, sa pagtatapos ng semestre,
makita ko ang gradong 1.25 sa aking class card. Katabi ng grado, ang
dedikasyon: “Salamat, Kenneth.” Nakakahiya, dahil palagay ko noon, mababa
dapat ang nakuha kong grado dahil sa ipinakita ko sa klase. Isa pa, ako
nga ang dapat magpasalamat sa kanya, sa kanyang walang-sawang pagbabahagi
ng mga kaisipan, ideya at opinyon.
|
 |
|
Siyempre, seryoso si sir Nic sa kanyang
paninindigan at pag-aaral, bagay na palaging napagkakamalan bilang
“pagkamainit ng ulo.” Minsan, isang estudyante ang namilosopo sa klase.
Tumaas ang boses ni sir Nic: “Dapat panindigan mo ang sinasabi mo! Anumang
sinasabi mo, dapat pinapaniwalaan mo!”
Ikinagulat namin ang emosyon ni sir Nic. Pero ngayong inaalala ko iyon,
naiintindihan ko na kung bakit. Buong buhay niya, naging tapat siya,
isinabuhay niya ang mga salitang para sa ibang tao ay salita lamang. Tulad
ng “pakikibaka” at “paglilingkod sa bayan” at “sakripisyo” na para sa
iba’y retorika lamang na ipinalulutang sa hangin. Para kay sir Nic, dapat
pinaninindigan mo ang binibitawan mong mga salita. Maging tapat ka. Bilang
manunulat, lalo itong tumingkad sa akin, dahil, wika nga ni Petronilo
Daroy, kaibigang malapit ni sir Nic: “It takes courage to be a writer.”
Ibayong tapang ang kailangan natin para maging isang Monico M. Atienza.
|