UPDATES # 02 December 6, 2007 Lalong umaani ng suporta ang Kampanya laban sa mapaminsalang dayuhang pagmimina ng Lafayette. Maraming tao ang pumupunta sa Kampong Bayan na nakikiisa at o nagiging interesado sa pag-alam ng tunay na kalagayan ng mamamayan ng Rapu-Rapu. Pangunahin dito ay ang hayagang pagsuporta ng halos lahat ng mga pari ng Dioceses ng Legazpi at Sorsogon at iba’t ibang kongresasyon nito. Gayundin, ang ilang taong simbahan mula sa Diocese ng Caceres ay sumusuporta sa kampanya. Nagpahayag sila ng pagbisita mismo sa kampuhan pana-panahon liban pa sa pagbigay ng mga suportang pagkain ng mga tao. Ngayong araw na ito ay darating sa kampuhan si Rev. Fr. Ricardo B. Barquez, Jr. ng St. Lawrence the Martyr Parish sa Tiwi, Albay. Ang iba naman ay inaasahan ngayong weekend. Ang Redemptorist Community naman ay full support maging sa laging pagpunta sa kampuhan at suportang materyal at paggamit ng kanilang lugar gayundin sina Fr. Rex Arjona ang Chancellor-Secretary ng Diocese of Legazpi. Ang mga estudyante at guro naman mula sa Bicol University (BU) at Aquinas University ay tuloy-tuloy na pumupunta at nakikisalamuha at nakikipagtalakayan sa mga taga Rapu-Rapu. At ang iba pa ay galing sa iba’t ibang organisasyon ng magsasaka at mangingisda sa probinsya ng Albay sa pamumuno ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP-Bikol) at LAMBAT – Bikol. Sila ay may sarili na ring itindig na tent sa kampuhan. Pumunta rin ang mga manggagawa ng gobyerno at mga manggagawa ng Liberty Commercial Center (LCC). Ang mga mangagawa sa capitol ay tuwang-tuwang sa polyetong ipinamamahagi lalo na sa isyu ng pagpapatalsik kay Aytona. Tuloy-tuloy ang programa sa kampuhan at kahapon (dec. 6) ay nagkaroon ng mga sectoral orientation (magsasaka at mangingisda) na ibinigay ni Felix Paz (tagapangulo ng KMP-Bikol), group discussion at pagpapatugtog ng mga kantang pangkalikasan. Nagpahayag ang isang lola (Mely) ng Barangay Viga na namatayan ng apo noong Nob. 21 habang siya ay umiiyak. Sinabi niya na namatay ang kanyang apo (7 years old) dahil sa kagutuman. At ang kagutumang ito ay dahil wala silang napagkakakitaan at napagkukunan ng pagkain dahil sa epekto ng pagmimina ng Lafayette. Hindi na sila nakakain ng sapat partikular ng isda na karaniwan nilang ulam. Lalong tumataas ang moral ng mga taga Rapu-Rapu dahil sa inaaning suporta nila laban sa Lafayette. Partikular ang mga bata at kabataan na nakapagbuo ng grupong kultural dahil sa isyu ng Lafayette na tinatawag na nilang “LAYAG” ay nanatili sa kampuhan kahit sila ay lumiban sa kanilang klase. Alam nila na mahalaga ang bahagi nila sa Kampong Bayan dahil kinabukasan nila ang nakataya sa labang ito. Ngayong araw na ito (dec. 7) ang nakatakdang cte. Meeting ng Environment ng SP kung saan dadalo ang mga taga Rapu-Rapu. Ang pagtawag na ito ng kagyatang meeting ay ibinunsod ng kampuhan at para sa taga Rapu-Rapu ito ay isang tagumpay. Inaasahang dadalo si BM Celso Aytona na hayagan na ngang pinapatalsik ng mga taga Rapu-rapu sa SP dahil sa pagkatuta nito sa Lafayette. Ito pala si Aytona ay ang nagsusuplay ng isda sa Lafayette. 0 comments share