Press Statement January 30, 2008 Ilulunsad na Serye ng Balikatan sa Mindanao, Tutulan! Sigaw ng Kabataang Moro, Edukasyon hindi Gyera! Mahigpit na naninindigan ang Liga ng Kabataang Moro (LKM) laban sa napipintong paglunsad ng Balikatan Exercises sa iba’t-ibang parte ng Mindanao ngayon 2008. Para sa Kabataang Moro, Edukasyon hindi Gyera ang dapat na prayoridad ng administrasyong Arroyo sa Mindanao sapagkat magdudulot lamang ito maraming bilang ng human rights violations. Hindi kaila sa aming mga kabataang Moro na ang presensya ng mga sundalong Amerikano sa Mindanao ay nangangahulugang dagdag na deployment ng mga sundalo sa aming mga lugar, at kahit na nagsasagawa sila ng mga “humanitarian missions” para sa amin ito ay parte lamang ng kanilang panawagan para sa gyera. Matagal ng humihingi ng hustisya ang hanay ng kabataang Moro para sa mga kapatid at mga magulang na naging biktima ng iba’t-ibang porma ng paglabag sa karapatang pantao. Subalit, tilang paslit na bibigyan na lamang ng kendi upang matigil sa iginigiit na hustisya sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga “humanitarian missions” na dala ng Balikatan. Magmula sa “all-out war policy” sa Mindanao ng mga rehimeng Estrada at Arroyo na nailunsad partikular sa mga lugar ng mamamayang Moro, hindi na mabilang ang mga paglabag sa karapatang-pantao. Ang mga nailunsad na Balikatan sa mga nakalipas na taon sa mamamayang Moro tulad ng Sulu, Basilan at Carmen, North Cotabato ay lumikha lamang ng maraming kaso ng paglabag sa karapatang-pantao sa mga mamamayang Moro. Hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nabibigyan ng hustisya ang mga biktima. Malinaw sa LKM na ang Balikatan ay katumbas din ng all-out war sa sambayanang Moro. Hindi na makakapayag ang hanay ng kabataang Moro na muling maranasan pa ang hagupit ng mga anti-Moro policies at “war games” ng rehimeng US-Arroyo. Tinadtad na ng bala at bomba ang komunidad ng mamamayang Moro sa panahon ng all-out war. Sa taong 2007 pa lamang, malaking bilang ng mga biktima dulot ng forcible evacuation o displacement na umabot sa bilang na 77,701 ay ang mga kabataang Moro. Dulot ng gyera ng sundalong Pilipino at Amerikano ang maraming bilang ng mga eskwelahan sa Mindanao na ginawang mistulang mga detachment o kampo kung saan lagi pinaglulunsaran ng Balikatan at all-out war laban sa mga “teroristang grupo”. Ang ilan naman ay nagsilbing evacuation center na syang dahilan ng pagkaantala o pagtigil sa pag-aaral ng maraming bilang ng kabataan apektado ng operasyon. Hanggan sa ngayon, wala pa rin malinaw na programa ang rehimeng Arroyo para sa Edukasyon ng mga Kabataan. Malinaw na ang pagliit ng bilang ng mga State Universities and Colleges (107 SUCs na lamang ang bilang sa ngayon) at kakarampot na badyet para sa mga ito at sa kabuuan ng basic education ay indikasyon lamang ng pagtalikod sa kanyang responsibilidad sa edukasyon at mga kabataan. Malinaw sa mga kabataang Moro na hindi kasagutan sa problema ng sambayanang Pilipino at Moro ang panghihimasok ng Estados Unidos sa larangan ng militar, politika at ekonomiya. Hindi Balikatan ang tunay na hinihingi ng kabataang Moro sa kanilang mga lugar bagkos kabuhayan at edukasyon para sa lahat. ### Labanan ang Interbensyon ng Estados Unidos! Tutulan ang Balikatan! Edukasyon para sa lahat! For reference: Michael Dumamba and Fahad Macarimbor