|
IBASURA PATAKARAN NG POEA SA DIRECT HIRING!!
LIBO-LIBONG APLIKANTENG PINOY SA DECRETO FLUSSI NANGANGANIB!!!
KILOS PROTESTA – 14 PEBRERO 2008
Nagdaraos ng isang malawakang kilos protesta ang mga migrante ng Italya sa
pamumuno ng MIGRANTE at UMANGAT laban sa di-makatarungang Memorandum
Circular No. 4 ng POEA. Higit sa isang daang migrante at iba’t ibang mga
kinatawan ng mga organisasyon (SOLIDMOVE, Filipino Alliance, Kapakanan at
mga Filipino communities) na nanggagaliiti sa galit ang lumusob sa harap
ng embahada ng Pilipinas sa Roma, Italya. Bagamat sinabi sa mga pahayagan
na expempted ang Italya sa MC-04, di pa rin nagpadala ang mga migrante sa
mga panglilinlang ng kurakot na gobyernong Arroyo. Kasabay sa panawagan ng
mga migrante ang PAG-RESIGN na ni MRS. ARROYO, bilang pakikiisa sa isang
pandaigdigan protesta laban sa katiwalian at pang-aabuso sa karapatang
pantao ng mga Pilipino. Ito ang kanilang pahayag:
Isang dagok na naman sa ating mga migrante ang bagong patakarang
nakapaloob sa Memorandum Circular No. 4 ng Philippine Overseas Employment
Administration (POEA) na inilabas noong Enero 15.
Nagkakahalaga ng US$ 8,000 ang magagastos ng employer upang makapag-hire
ng Filipino mula sa Pilipinas at dagdag pa dito ang bayarin sa insurance
at mga certifications. Sa bagong patakaran, kailangan ang $5,000 na
repatriation bond at $3,000 performance bond (3 buwang sahod ng employee)
na ipapadala ng employer. Mahigpit ang bagong patakaran sa direct hiring,
kinakailangan ang mahabang proseso mula sa embahada ng Pilipinas hanggang
sa ating bansa na kung saan doon makukuha ang final approval ng aplikante.
Makamandag ang bagong patakaran. Papatayin nito ang pangarap at pag-asa ng
libo-libong kababayan na nais takasan ang matinding kahirapan sa ating
bayan. Maraming employer at mga direct hiring agencies ang uurong sa
ganitong palakad. Halos kayod- kalabaw ang mga migrante upang makuha ang
mga kamag-anakan nila sa Pilipinas. Malinaw naman sa atin na ang ating mga
kababayan mismo ang pumapasan ng mga bayarin. Dito sa Italya, tinatayang
nasa 25,000 aplikante sa bagong flussi ang direktang tatamaan ng bagong MC
04, di pa kasama rito ang mga aplikante nuong nakaraang flussi na bago pa
lang nakakuha ng nulla osta. Kaya maliwanag na dito pa lang sa Italya ay
nasa 90milyong euro na ang kikitain ng gubyernong Arroyo.
Isang kaululan ang paliwanag ni Labor Secretary Arturo Brion na ang bagong
patakaran raw sa direct hiring ang magbibigay ng proteksyon sa mga OFW’s.
Ilan bang bangkay kada araw ang inuuwi sa Pilipinas dahil sa kawalan ng
proteksyon ng ating pamahalaan? Ilan bang kababayan ang ang nabubulok sa
bilangguan sa iba’t ibang panig ng mundo dahil sa kapabayaan ng
kinauukulan? Ilang dekada na ba tayong ginagatasan ng pamahalaang
Pilipinas? Bilyong bilyong dolyar na ang pumasok sa kaban ng yaman ng
bansa mula sa ating mga remittances ($15 bilyon kada taon), ngunit
hanggang sa ngayon walang pa ring konkretong serbisyo ang pamahalaan para
sa mga migrante. Kung mayron man, ay konkretong ebidensya ng kasuwapangan
ng kasalukuyang pamahalaan.
Kabayan, huwag nating pahintulutan na ipatupad satin ang bagong patakaran
ng POEA. Ito’y panibagong negosyo ng Pamahalaang Arroyo. Hindi proteksyon
kundi korupsyon sa mga migrante!!
IBASURA ANG MEMO CIRCULAR NO. 4!!
KUNDENAHIN SI ARROYO NA MASTERMIND NG PANGUNGURAKOT!!
NAGTAGUMPAY TAYONG MAIPABABA ANG PRESYO NG PASSPORT AT CERTIFICATES... SA
MAHIGPIT NA PAGKAKAISA MULI NATING MAIBABASURA ANG BAGONG PATAKARAN SA
DIRECT HIRING!!
UMANGAT-MIGRANTE Rome ... MIGRANTE PARTYLIST Italy... Ika-14 Pebrero, 2008
Download press release
|
 |