TATLONG TULA PARA SA MARSO 14 Sinulat ni Joi Barrios, Kasapi, BAYAN, TOWNS Batch 2004 LONGHINO Longhino, Longhino! Sundalo kang Romano. Ikaw na pumukol ng sibat, Sa tagiliran ni Kristo, Pagkat nais matanto Kung ang hininga niya?y Tuluyan nang napugto. Ikaw na bulag, Ngunit sa tilamsik ng dugo, Ay nakakita ng liwanag. Ay, Longhino! Ngayo?y Semana Santa na naman Sa aming bayan. Masdan ang mamamayang ipinapako Sa krus ng kahirapan. Duguan ma?y di bulag, Pagkat nais ay katotohanan, Sibat ang katulad, Sugatan ngunit sumusugat. Longhino, Longhino! Taumbayan kaming Di na makasapat ang milagro. Laon nang tumilamsik ang dugo, Laon nang di makasapat ang sibat, Laon nang naghahanap, Naniningil ng hustisya, At ngayong Semana Santa, Bumabangon kami?t nabubuhay, Hiningang di mapupugto! Handang ipaglaban Ang matwid at tutuo! ANG NUNAL Ang nunal. Masdan ang nunal niyang Malaki?t maitim. Ano kaya ang tinatago Nitong lihim? Shhhhhhhhhh! Ang nunal. Ang sabi ng iba, Ang nunal daw, ay tanda ng ganda. Ang sabi ko naman, Aba, kumporme sa bida. May babaeng gaya-gaya, Kamukha daw ng artista, Nang tumakbo sa halalan, Nunal ay ipinangalandakan. Ang nunal! Ang sabi ng Medical Encyclopedia, Maaring mag-iba Ang hitsura ng nunal. Maaring magpalit ng hugis, Lumaki, anong kahindikhindik, Lumolobo sa kanyang kananakaw, Sa kanyang kauumit! Nunal na nagbabago ng kulay, Nagmimistulang may buhay! Itong nunal kaya?y nangingitim Sa dami ng pinaslang, Ng budhi niyang anong dilim? Mga kababayan! Masdan ang nunal! Hindi ito palaisipan, Wala nang maililihim Ang nunal na sakim. Sa nunal na ito, anong dapat gawin, Kung pagsisimulan ng kanser na kumakalat, Kanser na pumapatay, kanser na pahirap? Tanggalin natin ang nunal! Sunugin kung kinakailangan! Sa nunal na kanser ang siyang katulad, Bayan natin ay iligtas! Ito ang tawag, ang hamon sa ating lahat! ANG BABAE SA ILOG PASIG (PARA SA IKA-8 NG MARSO 2008) Ang babae sa Ilog Pasig Ay isa raw mutya na sawi sa pag-ibig, kung kaya?t sa gabing madilim ay umaawit ng kay lumbay na himig mula sa pusod ng ilog na marikit. Ngunit ang huling larawan ng mutya Ay hindi sirena, Di multo, o maligno, Kundi ina, inang sa anak na nabuwal Ay kumakalinga, at nagbibigay-buhay. Ang babae na nakatira, Sa palasyo sa tabi ng Ilog Pasig, Ay hindi tunay na mutya, hindi sinta, Hindi paralumang may pusong dakila, Pagkat babaeng mandaraya! Umaawit ng kasinungalingan, Nalulunod sa kasakiman, Babaeng gahaman! Patay na ang Ilog Pasig! Lason at basura ang lumulutang sa tubig, Tulad ng lason at basura Na hatid ng sirenang malansa. Babaeng mapamuksa! Tayong mga babae, na ngayon ay nakatindig Sa tarangkahan ng palasyo Sa tabi ng Ilog Pasig, Tayong mga ina, na nagbibigay-buhay. Tayong nagsisikhay sa paggawa, Ngunit lubog pa rin sa kahirapan. Tayong gising, kumakalampag, sa gabing anong dilim, Hanap ay liwanag! Hanap ay katarungan! Ang kadalisayan ng Ilog Pasig, ay di na muling mababalik, Ngunit ayon sa alamat, ang lakas ng mutya ay nalilipat sa lahat. Tayo ang umaawit, agos ng tubig ang ating mga tinig. Tayo ang mga babaeng magkakapit-bisig, mga babaeng mapagkalinga kung kaya?t nakikibaka, At nakikibaka, nakikibaka, Hangga?t ang bayang minumutya, Ay ganap na lumaya!