MENSAHE NG PAKIKIRAMAY SA PAGPANAW NI KA BEL, TUNAY, PALABAN AT MAKABAYANG LIDER MANGGAGAWA May 21, 2008 Taos kamaong pakikiramay ang ipinaaabot ng All UP Workers Union at All UP Academic Employees Union sa kay Ka Osang, sa mga anak at apo at sa lahat ng nagmamahal sa kay Crispin “Ka Bel” Beltran, tunay, palaban at makabayang lider manggagawa. Nagpupugay kami kay Ka Bel sa mahigit na limang dekadang walang pasubaling paglilingkod sa sambayanang Pilipino at sa uring manggagawa. Inspirasyon sa amin, mga unyonista sa Unibersidad ng Pilipinas, ang ipinakita ni Ka Bel na katatagan, militansya at katapatan sa uri at sa bayan. Mula sa pagiging organisador ng mga kapwa taxi drivers noong kanyang kabataan tungo sa pagiging Tagapangulong Tagapagtatag sa militanteng Kilusang Mayo Uno sa gitna ng diktadurang US-Marcos, dinanas ni Ka Bel ang panunupil, tortyur at pagkakakulong. Katulad ng asero, lalo lamang tumigas ang paninindigan ni Ka Bel sa apoy ng pagsubok na kanyang dinaanan sa panahon ng diktadura. Nanatili siyang nasa unahan ng papaigting na pakikibaka para sa tunay na kalayaan at demokrasya hanggang sa kanyang kamatayan. Nasa unahan siya ng panawagan sa pagpapatalsik sa peke, pasista at papet na Gloria Macapagal Arroyo at dumanas muli ng panunupil, tortyur at pagkakakulong. Tulad ng mga naunang bayani ng kilusang manggagawa, ang kamatayan ni Ka Bel ay kasimbigat ng Bundok Sierra Madre. Magsisilbing maningning na inspirasyon sa amin ang kanyang buhay . Ipinangangako naming ipagpatuloy ang laban para sa sahod, trabaho at karapatan ng uring manggagawa sa pamamagitan ng pagtataguyod sa militante, progresibo at makabayang unyonismo sa Unibersidad ng Pilipinas. Ibaling ang pighati sa militanteng katapangan!! Ipagpatuloy ang laban ni Ka Bel!! Mabuhay ang uring manggagawa!!