|
Gabi ng Parangal para kay
Ka Bel mula sa Roma
Nagtipon-tipon ang mga migrante sa Roma para alayan ng isang gabi ng
parangal ang natatanging lider obrero at bayani ng masa na si Ka Bel.
Halos di pa rin makapaniwala ang mga kasama at mga migranteng pinoy sa
Roma sa di napapanahon na pagpanaw ni Ka Bel. Laman ng usapan sa mga
umpukan ng mga pinoy at talakayan maging sa radyo ang biglaang pagyao ng
isang mabuting lider, kasama at ama ng tahanan sa katauhan ni Ka Bel.
Sa gabi ng parangal nagtipon ang mga lider at kasapi ng UMANGAT, MIGRANTE
at SOLIDMOVE para talakayin at pahalagahan ang buhay at pakikibaka,
layunin at mithiin ng isang tunay na lider obrero.
May mga kasama na nagbahagi ng karanasan at mga aral na natutunan nila
mismo sa piling ni Ka Bel at may mga kasama rin na di man personal na
kilala si Ka Bel ay maraming natutunan sa pagsubaybay sa buhay, pakikibaka
at karanasan ng isang tanyag na mambabatas at lider ng bayan. Kahit sa
magkaibang antas ng kamalayan at karanasan sa pagkakilala kay Ka. Bel,
iisang tinig ang nagpupuri sa kadakilaan ni Ka Bel bilang isang tunay na
bayani na isinasabuhay niya sa lahat ng oras, pagkakataon at panahon ng
kanyang buhay, mapasa lansangan o sa kapulungan o sa tahanan. Tunay at
dakila ka kasamang Beltran.
Kasama rin sa gabi ng parangal ang ilang lider simbahan at sila man ay
nagbigay din ng kanilang pahayag ukol sa mga maningning na ala-ala ni Ka
Bel. Ilan sa kanila ang nagpahayag ng kanilang karanasan kasama mismo ni
Ka Bel sa piling ng isang komunidad na sinalanta ng sunog sa Pinyahan, Q.C.,
at nabanggit ang ginawi ni Ka Bel sa paghawak ng isang piraso ng kahoy na
nagbabaga at tinuran na "sa pamamagitan ng bagang ito ay lalong mapatibay
ang ating pagkakaisa."
Kaya't sa pagtatapos ng gabi ng parangal ang lahat ay nagkaisa sa
pagsasabing TULOY ANG LABAN NI KA BEL!!! MABUHAY ANG MANGGAGAWANG
PILIPINO!!!!
Roma, 25 Mayo 2008
|
 |