|
SONA NG BAYAN
Damang-dama
mo pa ba ang kahirapan o namamanhid ka na sa tila kawalang lunas ng ating
kalagayan? Sukang-suka ka na ba sa pagmumukha ng pinakabulok at
pinakamabahong pangulo sa ating kasaysayan? Kaya mo pa bang pagtiisang
pakinggan ang kanyang SONA na litanya ng pambobola't kasinungalingan?
Mantakin mong pampitong taon na ni GMA sa kapangyarihan! Totoo nga
talagang mas humahaba ang panahon kapag naiinip at kapag nabubuwisit,
lalung-laluna kapag tulad ngayon na nanggagalaiti na ang sambayanan.
Walang kahit anumang konswelo de bobo sa mahahabang taon ng pagkapit-tuko
ng pekeng pangulo sa pwesto. Patuloy niyang nilulustay sa pag-ja-junket at
pagpapasikat ang pondong magagamit sana sa pagmatrikula, pambaon,
pampamasahe, pang-aklat ng mga kabataan.
Binubulsa ang dapat mapunta sa naghihingalong serbisyong panlipunan at
nagpapakasasa sa kinurakot sa kabang-yaman habang naghihigpit ng sinturon
tayong wala nang mabiling bigas na karamihan. Naghehelikopter paparoo't
paparito para gumawa ng kung anuanong ma-anomalyang transaksyon
samantalang wala nang pambayad ang mga pasahero para sa apat na kilometro.
Umuupa ng mga mamamatay-tao at nagpapa-kawala ng mga sundalo upang
mandahas, magkidnap at pumatay ng mga mamamahayag, abogado, aktibista at
ordinaryong tao.
Isang daang taon na ang Unibersidad ng Pilipinas!
Pero imbes na isabuhay ang progresibo nitong tradisyon upang singilin at
papanagutin si Arroyo at ang kanyang pangkat ng magnanakaw ay
pinagpaparaya sila ng mga patakaran sa pagtaas ng matrikula at sagadsarang
komersyalisasyon.
Tulad din ng pambansang pamahalaan ay walang transparency sa maraming
antas ng pangangasiwa ng pamantasan at hinaharangan pa nga ang
kasalukuyang pakikibaka ng mga unyonistang manggagawa, REPS, guro at
mag-aaral para sa higit na demokratiko at makataong pamamalakad ng
pamantasan.
Ginigiba ang mga bahay ng mga maralitang naninirahan sa kampus na walang
maayos at makataong plano para sa kanilang pagtitirahan.
Pinahihintulutan ang lahat nito ng bagong UP Charter na pangunahing
kasangkapan sa pagtransporma ng pamantasan patungo sa pagiging isang ganap
na korporasyon. Ang UP ay hindi na isang serbisyo kundi isa nang tuwirang
negosyo.
Maghihintay pa ba ng dagdag na mga taon ng pagtitiis? Ramdam na ramdam na
ngayon ang trahedya ng Unibersidad at ng bansa. Sumama na sa dumadagundong
na sigaw ng nagagalit na mamamayan.
SUMALI NA SA SONA NG BAYAN
Presyo ng langis, ibaba at kontrolin! VAT, tanggalin!
Isabansa ang industriya ng langis!
P125 ATB, nationwide, ipaglaban
P3,000 ATB dagdag na sahod, ibigay na!
Badyet para sa edukasyon, dagdagan huwag bawasan!
Patalsikin si Gloria!
Pahayag ng UP Alliance Working for Arroyo’s Removal (UP AWARE) Ang UP
AWARE ay itinayo noong Hunyo 16, 2005 bilang alyansa ng iba't ibang
progresibong samahan at indibidwal sa UP
Download statement
|
|