|
Tatakbo na naman kami at hindi
ko alam kung saan papunta.
Nandyang sasakay kami sa kariton na hinihila ng kalabaw,
o kaya ay sa traysikel, sa dyip o Ford Fiera at makikisakay
na lang sa kahit anong sasakyan na mapadaan basta't makalayo
lang sa putukan. "Digmaan, digmaan," naririnig kong sigaw
ng mga tao sa aking paligid.
Ano ba itong Digmaan? Ano man ito, nalulungkot ako. Alam ko, matatagal na
naman bago ako muling makapaglaro. Iiwanan na namin namin ang aming maliit
na bahay, ang aking saranggola, bola at aking mga aklat.
Nag-iisip nga ako, muli ko pa kayang makikita ang aking
manika sa aking pagbabalik?
|
Hindi ko maintindihan ang
digmaan.
Pinagmamasdan ko at tinitingnan ko na lang. May mga sundalo at rebelde.
Parang sine, o kaya'y
tulad sa telebisyon. Naglalaro kaya sila? O umaarte lang? Pero may mga
baril sila at tangke de gyera pa. Tiyak mayamaya biglang may sasabog na
naman at kami ay muling magtatakbuhan.
Kung minsan, hindi ko mapigilan ang umiyak. lalo na kung naiisip ko ang
kaibigan kong si Khalil na nawalan ng kamay dahil sa digmaan.
Makakapasok pa kaya siyang muli? Paano kaya niya gagamitin ang kanyang
lapis at krayola? Ewan ko. Hindi ko talaga maintindihan.
|
Hindi ito ang buhay na
nakagisnan ko. Dahil sa digmaan, nagtatago kami ng matagal, palipat lipat
sa ibang bayan. Akala ninyo madali?...
Nakakapagod. Naghahanap kami ng lugar, o ng gusaling masisilungan, at
kalimitan ay mga paaralan.
Ang daming tao, sama-sama kaming natutulog sa isang silid-aralan. Hindi
kami magkakakilala. Maraming lamok, wala kaming kumot, walang kulambo at
walang banig. Nakahiga ako sa semento, ang lamig sa likod. sina Ama at
Toto? Sa labas sila natutulog.
Dahong niyog ang banig.
|
Kadalasan sa aking pagtulog,
nagigising ako
at nagugulat sa malaksa na pagsabog. Minsan,
ginising ako ni Ina. "Gising anak! Binabangungot ka."
Sabi ko sa kanya, "ang laking baril, hinahabol ako....
tumakbo ako ng mabilis upang makapagtago....natatakot ako."
|
|
Hindi kami makapagpalit ng damit at wala kami ni isang gamit.
Hindi nga kami makapaligo dahil wala ring tubig. Kaya siguro marami ang
nagkakasakit sa amin. Nakita ko pa nga, may isang ina, nanganak siya. Kaya
lang ang sanggol ay hindi gumagalaw. Sabi nila, wala raw kasing doktor
nanag-aasikaso sa kanya.
|
Dahil
sa digmaan sumasakit ang aking tiyan. Pero ang sakit,
tinitiis ko na lang. Wala kasi kaming pagkain kahit na kapirasong tinapay
man lang. Minsan wala akong agahan o pananghalian. Buti na lang may
mabubuting tao na napapadaan at may dalang pagkain tulad ng noodles, tuyo,
sardinas o kaunting bigas. Naririnig kong sabi nila, donasyon daw yun.
Pero kulang na
kulang. Hindi magkasya para sa lahat. Pero anong magagawa
namin kundi makuntento na lang.
|
Malungkot ako kapag may digmaan. Nakikita ko may mga taong nasusugatan o
kaya ay namamatay. Sumusigaw ang mga tao. May nadadapa, may umiiyak, at
mayroong hindi na kumikilos.
Habang si Ina, sa kamay ako ay hila-hila. Nababangga pa ako
at naaapakan ng kahit sino. Pero kahit mahirap, kailangan na ako ay
tumakbo at humakbang kahit ako'y nakapaa lamang.
|
Ang lalo kong ikinatatakot ay ang isiping, sina Ama, Ina, Toto
at Nene... paano kung isang araw sila ay mawala o dili kaya'y biglang
magkasakit? Kaya't sa palda ni Ina, mahigpit akong kumakapit. Baka kasi
ako ay mawala at maiwan.
|
|
Ako ay nalilito, nalulungkot at nanghihina. Wala na bang
katahimikan? Wala na bang Kapayapaan? Kailan titigil ang putukan? Kailan
ba matatapos ang digmaan? Hindi ko na alam ang aking gagawin. Nagtataka
bakit ang mga tao'y nagkakaganito. ang dami kong tanong ngunit hindi
kayang sagutin ni Ama sa akin.
|
Pagod
na ako... Gusto ko nang umuwi... gusto ko nang magpahinga...
maglaro...kumain ng maayos..at..bumalik sa paaralan. Tumawa at maging
masayang muli. Hindi kaya nararamdaman ni Digmaan na ako ay nahihirapan?
Hindi ko na talaga maintindihan.
|
Kaya
dasal ko sa Diyos Amang Makapangyarihan na nagmamahal
sa mga batang tulad ko, na kami sa ay kaawaan. Kasi nalulungkot
kami kapag may digmaan. Susubukan kong itong hilingin. Sana pakinggan Niya
ako. Magdadasal ako na kapayapaan na lang ang umiral sa pusot' diwa
ng buong sangkatauhan.
|
|
 |
 |
These photos were taken last
Sept. 30, 2008 at the canteen on the west wing of the UP College of
Engineering Building in Diliman.
Photos 1,2,3: A boy was given
half of the meal that a student had bought from the canteen and
immediately went to eat it..
Photos 4, 5: Two boys try
their luck with other students.
The boys live in the Old
Balara community at the back of the UP; other boys like them regularly
pass by the canteen around noontime.
|