|
(Kolum)
Pasintabi
“Bulaklak sa Tubig”
By Rolando B. Tolentino ⋅ September 1, 2010 ⋅
Rolando B.
Tolentino
Kung hindi ako nagkakamali, ang makata ng bayan ng Chile—si Pablo Neruda–ang
nagsabi ng ganitong alituntunin: kung nais tumula ng pag-ibig, kailangang
marunong tumula ukol sa rebolusyon; kung nais gumawa ng rebolusyonaryong
tula, kailangang marunong tumula ng pag-ibig.
Matutuwa ang yumaong makata na namatay sa kamay ng fasistang militar at
CIA na dito sa Pilipinas, sa patuloy na pag-igting ng makauring digmaan,
sa patuloy na paghahanap ng politika ng pag-asa—ng wagas at dalisay na
pag-ibig sa tumitinding karahasan ng at neoliberal na estado—ay sabayang
nakakatula ng pag-ibig at pakikibaka ang Darna ng panulaang Filipino na
ang libro ay matagumpay na nailunsad ngayong hapon.
Kung tutuusin, hindi hiwalay ang pag-ibig at pakikibaka. Kailangang may
pag-ibig para sa bayan para makibaka sa pagpapalaya nito. Kailangang may
pakikibaka ng pag-ibig bilang tuntunan ng higit pang pagyabong ng mismong
pakikibaka at pag-ibig. Kung walang makauring pag-ibig, walang tunay na
pakikibaka. Kung walang pakikibaka, walang tunay na pag-ibig.
Sa tulang, “Muli, Sa Tag-araw,” isinasaad ang pana-panahong pagtatagpo ng
manaka-nakang pagdapo at ipuipo ng pag-ibig: Bawat pagsinta’y tag-araw./
Pawisang noo, anong init/ Kahit ang sorbetes sa aking labi’y/ Anong lamig[….]/Muli
at muli akong nagmamahal./ Pagkat bawat pagsinta’y/ biyaya ng tag-araw.
Hindi kalukringan ang umibig, o umasa sa pagdating at pagnatili ng
pag-ibig. Bahagi ito ng sikliko ng buhay at pakikibaka—na ang pag-ibig ay
nakakapangyari sa pana-panahon. Tulad ng pakikibaka, kahit planuhin at
plantsahin sa pinakamasinop na paraan, pinag-iibayuhan para sa inaasam na
resulta.
Sa tulang “Ang Paborito Mong Produkto,” tinatangi ang politika ng
konsumerismong nagbubura sa paggawa, lalo na ang militanteng paggawa:
Ang kape sa iyong tasa,/ Ang gatas sa iyong kape,/ Ang tubig sa pagtimpla,/
Ay gawa ng manggagawa/ sa pabrika ng Nestle[….]/ Tandaan. Kahit ang Alpo
Dry Dog Food/
Para sa minamahal mong si Bantay/ Ay may dugo ng lider-manggagawang
pinaslang./ Ay may dugo ng lider-manggagawang pinaslang.
Maalaala ang panlipunang realismo ng panitikan sa Latin Amerika. Ang
hiwaga ng kapital na kinakailangang lusawin ang paggawa sa produkto at
unyonismo sa pagawaan ay integral sa lifestyle na ibinebenta sa pang-araw-araw,
at sa araw-araw na pagtangkilik ng mga tao sa produkto ng kapitalistang
binahiran ng literal at figuratibong dugo ng manggagawa.
Dito sa Bulaklak sa Tubig, ang pinakabagong koleksyon ng tula ni Joi
Barrios,–organisadong guro, feminista, labor support organizer, at
cultural worker—malikhain at kritikal na nagtatagpo ang mga tula ng
pag-ibig, bulaklak at kilig sa isang banda, at mga tula ng pakikibaka para
sa P125 dagdag pasahod o pilak na anibersaryo ng Kilusang Mayo Uno, laban
sa politikal na pagpaslang at sindak, at para sa rebolusyon, sa kabilang
banda.
Hindi nangingiming tumula si Joi para sa bayan at o namimilipit sa pagtula
sa pag-ibig. Bakit hindi, kung ito ang proyekto ng paglikha ng espasyo ng
panitikan ng pakikisangkot labas sa chika ng liberal na feminismo na ang
personal at politikal ay magkakasalikop. Mahaba na ang pinagdaanan ni Joi
sa sabayang larangan ng pag-ibig at pakikibaka. At ang leksyon ng lahat ng
ito ay sa paglalahad ng mas matalas na alituntunin: ang pakikibaka ay
pag-ibig at ang pag-ibig ay pakikibaka, na ang pakikibaka ay ang pagtataas
ng kamulatan, pagpapakilos at pag-oorganisa ng pag-ibig para sa
pagpapalaya ng bayan.
Naalaala ko si Joi sa isang SONA na nakatap shoes, kasama ang pinilit na
pamangkin na saluhan siya sa kanyang aktibidad, may bitbit na flag at
umaariba sa harap ng hanay ng riot police. Naalaala ko si Joi na
nahihibang kapag umiibig, at kahit nahihibang ay nakakadalo ng pulong at
sumasama sa pagkilos. Naalaala ko si Joi na nagpapadala ng bitamina at
pagkaing niluto niya sa kanyang iniirog gaya ng pag-ibig sa kasama sa
pamimigay ng ensaymada sa mga pagkilos. Naalaala ko si Joi na nakakagawa
ng tula para sa SONA at mga pagkilos sa gitna ng tambak na trabaho.
At inaalala ko si Joi ngayong hapon, nag-aalay ng libro ng tula para sa
bayan. Mabuhay ka Joi, at mabuhay ang sambayanang nakikibaka at umiibig.
From:
www.pinoyweekly.org
|
 |