|
x
TATLONG YUGTO NG PAG-IBIG
O PAANO BA MAGMAHAL NANG WAGAS
by Nonilon Queano
September 28, 2010
(Sa alaala ni Kasamang Aileen)
Una, kailangang ikampay ang isip nating
Nagmahal nang wagas
Sa imperyong kalawakan,
Tulad ng bulalakaw,
Gumuhit ng liwanag sa gaano man kapusikit na dilim,
Upang puso'y bolang apoy na itanim sa gubat,
O kung saan ang sinta'y napapadpad,
Tumutubo lamang ang pag-ibig sa liwanag.
Ikalawa, ang pagkilos na lagi'y buhay sa loob,
Pagmumulat sa masa
Ukol sa imperyalismong sanhi ng hirap at inhustisya
Kahit saang mundo,
Kahit saang kalawakan,
Gaano man katagal,
Pagbuwag sa metapisika
Na nagsabing lahat ng hirap, dusa't kamangmangan
Ay tadhana ng Diyos sa langit,
Kahit malinaw na ang Diyos ay negosyanteng
Humakot ng yaman sa pangungulimbat
Sa minahan, pananiman, patahian, paminggalan
Nating nagdasal, sumimba, siniphayo, sinalanta
Sa kahangalang ipinakalat nila --
Lulan ng lagim ng giyerang kanilang dala-dala saanman --
Na mapalad ang mahirap at nagugutom
Dahil pagpapalain sa kabilang buhay.
Ang bulalakaw na isip lamang ang nakakagagap nito.
Ikatlo, ang pag-aarmas,
Dahil walang tatapos sa salot ng imperyalismo
Kundi rebolusyon.
Tatawagin natin itong pagmamahal nang wagas,
Mula sa pusong nagliliyab,
Pagkaraang payabungin ang kamalayan ng masa,
Ang pag-aalsa,
Pagkaraang pamukadkarin ang pag-ibig sa laya,
Ang digmang bayan na pinanday tuwina
Ng awit, pananalig, at pangarap
Gaano man kapanganib, kalayo, katagal,
Ganoon magmahal nang wagas,
Guguhit ng apoy at liwanag sa kalawakan at gubat,
Yayabong ang pag-ibig,
Tulad n g pag-aalsa.
Wala namang halaga ang buhay kung hindi magmahal,
At paano ba kaya magmahal kung hindi nga wagas.
---------
Dr. Queano teaches comparative literature at
UP Diliman
|
 |
|
AILEEN
by Rommel Rodriguez on Monday, September 27, 2010 at 6:54pm
Naging estudyante ko sa Humanidades at
Malikhaing Pagsulat si Aileen sa unang taon ko ng pagtuturo sa kolehiyo.
Tahimik lang si Aileen noon pero sumasagot naman sa klase kapag tinatanong.
Tulad ng kanyang mga ka-block, masipag silang mag-aral at masayahin.
Makikita sila sa pasilyo ng FC na nagsusulat ng term papers o kaya naman,
simpleng tumatambay lang habang nagkakantahan. Saka ko na malalaman na
sumali sa Alay Sining si Aileen pati ang ilan sa kanyang mga kaklase.
Paminsan-minsan, nakikita ko si Aileen sa mga rali at pagkilos sa loob at
labas ng unibersidad.
Noong mag-thesis presentation ang mga ka-batch ni Aileen, nakita ko siyang
dumalo para sumuporta. Hindi na siya enrolled noon dahil ft na siya sa
pagiging organiser at human rights advocate sa mga lalawigan. Tinanong ko
siya kung kelan siya babalik sa pag-aaral. At ang sabi niya, “E sir, doon
ako ang guro, bakit pa ako babalik?” sabay ngiti.
Minsan nakatanggap ako ng text message na gustong makipagkita ni Aileen.
Kamustahan lang daw. Pumunta kami sa isang kapihan. Agad kong napansin na
nag-iba ang kanyang itsura; nag-mature ang mukha niya, iba na ang tipo ng
pananamit, pati ang shoulder bag na gamit, pinansin ko dahil dati’y laging
back pack ang kanyang dala-dala. Pero nag-iba man ang kanyang panlabas na
kaanyuan, kapag tumatawa siya’t nagku-kuwento, bumabalik ang kanyang
pagiging kabataan. Excited siya sa pagku-kuwento. Sa mga pagkakataong iyon,
ako na ang kanyang naging estudyante habang masayang ibinabahagi ang
kanyang mga di malilimutang karanasan.
|
Ikinuwento niya ang pagkain nila ng exotic food,
kung paano nila nalalaman ang mga halaman at ugat na pwedeng kainin at
yung mga nakakalason. Inilarawan niya sa akin mga magandang tanawin na
kanyang nasaksihan, na marunong na siyang mag-acupuncture, na marunong na
siyang magsalita ng Itawis, na minsan siyang nagkasakit at kung paano siya
inalagaan ng mga kasama. Ikinuwento niya ang pag-uwi niya sa kanilang
bahay sa Maynila at kung paano niya ipinapaliwanag sa kanyang pamilya ang
kanyang gawain. Ikinuwento niya ang pagiging maingat kapag bumababa dahil
sa mga umaaligid na tao na hindi kanais-nais. Ikinukuwento niya ito nang
buong sigla habang nakangiti.
Sa isang paglulunsad ng aklat para sa mga desap kami ulit nagkita ni
Aileen. Masaya niyang ipinakilala ang kanyang kasintahan. Natuwa ako para
sa kanya. Bukod sa mayroon siyang pag-ibig na maituturing, patuloy ang
paggampan niya sa gawain tungo sa pagpapaunlad ng buhay ng mga magsasaka
sa kanayunan.
Naikuwento ni Aileen na minsa’y nasasabihan siya ng kanyang pinsan na
doktor dahil uuwi siya na maysakit o kaya nama’y bumaba ang timbang. Saka
niya sasabihin na kailangan niyang magpagaling at manatiling malakas
sapagkat hindi biro ang sakit ng lipunan na nais niyang bigyan ng lunas.
-------
Prof. Rodriguez is with the Dept of Filipino and Philippine Literature,
UP Diliman
|
 |
Parangal
ni Sarah Raymundo kay Aileen
Meron kaming joke ni Arnold tungkol
sa kamusmusan. Siya nga yata ang nagimbento nito. Ang sabi niya kapag
marami ka raw baby pictures ibig sabihin love na love ka ng mga magulang
mo, yung tipong ikaw ang paborito, ikaw ang bida. Wala naman kaming hard
evidience para rito pero pareho kaming maraming baby pictures. Kagabi, sa
parangal para kay Aileen, gustong-gusto kong i-text si Arnold para sabihin
na "hoy, tinalbugan tayo ni Aileen kung baby pictures din lang ang labanan!"
Hindi ko pa nga nakunan sa lagay na ito ang lahat ng larawan niya bilang
bata. Sa totoo lang, wala naman siyang larawan na matanda na siya. Sa
totoo lang, sino ba ang anak na tumatanda para sa mga magulang nito? At sa
totoo lang, bata ang 24 years old. Maikli ang buhay ni Aileen. Pero para
sa maraming nagmamahal sa kanya (siksikan kagabi sa Claret), makabuluhan
ito at tila hinding-hindi malilimutan.
Noong isang taon ko lang nakilala si Aileen. Hindi ko pa nga siya nakilala
agad bilang aktibista at volunteer ng Karapatan. Isang araw sabi ng
matalik kong kaibigan na si Kuramz, pumunta ka rito sa office, may mga
ipapakilala ako sayo, tapos kung pwede, sumulat ka naman tungkol sa kanila.
Isa sa gusto niyang ipakilala si Noriel, isang aktibistang biktima ng
abduction at matinding torture ng mga militar na noong mga panahong yun ay
kakalaya lamang mula sa malagim na karanasan. Bakas na bakas pa noon ang
torture sa mukha at katawan niya. Ni hindi ko siya kayang tingnan ng
diretso, ng mata sa mata. Kapag meron kasing pinahirapan, parang meron
kang responsibilidad na hindi mo nagawa. Parang gusto kong magpaumanhin sa
kanya o kaya sabihin na I'm sorry for what happened to you pero baket, eh
hindi pa naman kami close nung mga panahong yun. At dahil siguro mas baliw
talaga ako kay Noriel, siya na ang lumapit at nagsimula ng chika. Hi
teacher, alam mo kinukwento ka sa akin ng girlfriend ko. Sa isip-isip ko,
hala, may girlfriend siya? Ano na lang kaya ang nararamdaman ng mga taong
may karelasyon na tinorture? Eh ako nga, ni hindi ko pa kilala itong si
Noriel wafaz na wafaz na ko. Sabi niya sa UP rin si Aileen. Kilala mo yun,
sabi niya, pag nakita mo makikilala mo.
At siyempre pa, nakilala ko na nga sa wakas si Aileen. Akala ko nag-aaral
pa rin siya kaya ang feeling ko ano ba itong si Noriel, cradle snatcher.
Hanggang sa luminaw na sa akin na pareho pala silang full time na
aktibista ni Noriel. Nung una kong pagpunta sa Morong 43, sa Camp Capinpin
pa sila noon, kasama ko si Noriel at Aileen sa jeep. Tinanong ni Noriel
kung dala ko ang malaki kong camera. Kunan ko daw silang mag-joa ng
picture. Sabi ko, ayoko nga, masira pa camera ko sa inyo noh. Hanggang sa
nung kukunan ko na sila, iiwasan na nila, hanggang sa naging laro na ito
ng pagkuha ko at pag-iwas nila, hanggang sa nakatulog na kami sa biyahe.
Naka-score ako dun kasi nung nakatagilid sila nakunan ko sila ng picture
na hindi nila alam. Ito yun,
http://www.facebook.com/photo.php?pid=1030652&id=1022200286&ref=fbx_album
Sabi nila, Weh panget naman, di kami
sweet. Tse! sabi ko na lang.
Bukod sa mga rally kung saan lalapitan ako ni Noriel at Aileen para asarin
lang ni Noriel "Uy grabe Sarah, ano na, Aileen tingnan mo o... "
Iipaparamdam lang niya na malapit na niyang sabihin na tumataba ka pero
siyempre pa, yung kabaligtaran noon ang sasabihin niya. So, tatawa lang
ako sabay "talaga, Noriel?" at sususugan naman ito ni Aileen with matching
facial expression na "pinagbibigyan ko lang kayo mga baliw, I'm above
this."
Huli kaming nagkita-kita na walang ibang ginagawa kundi ang kumain at
maghang-out ay noong Sabado de Gloria. Nagkita pa kami makailang beses
pagkatapos noon pero busy na ang konteksto. Sa araw na iyon ng Sabado, sa
bahay kami ni Roland. May feeding program kasi siya para sa Karapatan
folks. Party ito, yeah! Doon excited na sinabi ni Noriel sa akin na
pagkatapos ng task nila ni Aileen sa Morong 43 campaign balak nilang
bumalik sa probisnya kung saan mas kailangan ang mga guro para sa literacy
at numeracy program ng Kilusan, kung saan mas kailangan ng mga magsasaka
ang mga mananaliksik tulad nila na tutulong din sa produksyon.
Isa si Aileen at Noriel sa pinakasulong na mga taong nakilala ko at tiyak
kong isa sa pinakasulong na love team sa mundong ito. Pagkatapos naming
mapanood ang play na Information for Foreigners, umiiyak si Gurley at di
ko naiwasang makiiyak nang sabihin niya na alam mo Sarah, paborito kong
magkarelasyon si Aileen at Noriel, ang gaan-gaan nila, ang huhusay nila.
Sa kasalukuyan, nasa hospital pa rin si Noriel, isa siya sa dalawang
survivors ng malagim na vehicular accident na naganap noong September 23
sa Alcala, Cagayan Valley. Hindi pa niya alam na wala na si Aileen matapos
ang aksidenteng ito. Bagamat, sabi nila Olive, tinatawag niya si Aileen sa
kanyang pagdedelirio "Aileen, humawak ka sa akin, Aileen nasaan ang kamay
mo..."
Siguro ganyan din ang gustong sabihin ng mga kasama, mahal sa buhay at
kaibigang naiwan ni Aileen.
Tiyak na nagpapasalamat tayo para sa ambag ni Aileen sa kilusan bilang
isang human rights worker. Isa na rito ang kanyang mahusay na paggawa ng
menu para sa pamilya ng Morong 43 noong ilang buwan silang tinipon ng
Karapatan sa safehouse habang nakakulong ang kanilang mga kaanak sa Camp
Capinpin, at habang ang marami sa kanila ay hinaharass ng mga militar sa
kanilang mga pamamahay. Istratehiya nila ito upang takutin ang Morong 43
na kapag di sila umano umamin ay malalagot ang kanilang mga pamilya. Si
Aileen at Noriel ang cook para sa mahigit kwarenta katao. Madalas,
yayayain ko si Kurams na mag-lunch. Pero nung mga panahong yun hindi mo
siya mayayaya kahit saan. May pagkain daw sa opisina luto ni Aileen at
Noriel, mahusay daw silang magluto, magbudget, mamalengke at mang-aliw ng
mga kaanak ng Morong 43.
Nilapitan ako ni Lorraine kagabi sa parangal. Si Lorraine ang dala-dalang
bata ni Noriel at Aileen nung huli kaming magkita. Siya yung bata na may
kakaibang version ng Bahay Kubo na tinuro ng Nanay niyang health worker na
dinakip kasma ang 42 na iba pa sa Morong. Tinabihan lang niya ko,
tiningnan, niyakap. Wala siyang sinabi at bukod sa namumugto niyang mga
mata, at kalmadong diwa (dahil madalas hyperactive ang bata) wala naman
akong kakaibang napansin sa kanya. Wala rin akong masabi. Hindi ko
masabing nakikiramay ako sa pagkawala ng kanyang Ate Aileen kasi
pakiramdam ko kaya siya lumapit ay dahil alam niyang pareho kaming nawalan.
Kaya sabi ko na lang, may picture ako, ikaw, si Ate Aileen at si Kuya
Noriel, nasa likod niyo yung malaking painting na kinunan mo ng picture ng
paulit-ulit. Saan na nga yun, tanong niya. Sa bahay ni Tito Roland. Heto
ang mga larawan:
http://www.facebook.com/photo.phppid=1128444&id=1022200286&ref=fbx_
album
http://www.facebook.com/photo.php?pid=1128477&id=1022200286&ref=fbx_album
Saan ko makikita ang picture namin,
nakangiti na niyang tanong. Sa facebook sabi ko naman. Naka-itim na
t-shirt si Aileen sa larawang iyon, may print na "The Clash." Ang ganda ng
t-shirt mo sabi ko sa kanya, eh kung sa akin na lang kaya yan? One word
lang ang sagot niya "Sana" na ang ibig niya talagang sabihin ay "asa ka
pa." "Tse!" sabi ko na lang.
Ang banggit ng mga kasama sa Karapatan, andun pa rin ang table ni Aileen
sa office. Siguro sa files niya andun pa rin ang mga naiwan niyang gawain.
Siguro isa sa mga araw na ito, yayayain ko si Omeng na pumunta sa opisina,
sa naging corner ni Aileen.
Estudyante ni Omeng si Aileen, at nung una pa niyang taon ng patuturo.
Pero wala namang nanatiling estudyante para kay Omeng, karamihan sa kanila
nagiging kaibigan niya. Yung iba sa kanila hinahayaan niyang siya naman
ang maturuan. May sinulat na note dito sa facebook si Omeng tungkol kay
Aileen, maganda, basahin ninyo ang parangal ng isang guro para sa isang
kasama na naging guro rin niya. Ganito nalulusaw ang hirarkiya sa kilusang
mapagpalaya, lagi akong namamangha sa ganyang pangyayari. At lagi rin
akong tiwala na ipagpapatuloy ng mga kasama ang kung anumang gawaing
naiwan ni Aileen http://www.facebook.com/notes/rommel-rodriguez/aileen/438140470686.
At sa mga hindi nakakaalam, mahilig magpakuha si Aileen at Noriel ng mga
larawan bilang joke at lagi po silang nage-emote ng todo, okay ba' okay ba,
pang-parangal ba ang level?
Kwelang-kwela talaga. Pero sabi nga nila hindi lang naman lokohan parati
ang mga jokes. Alam kong isa ito sa mga paboritong joke ng mga kabataang
aktibista. Sila na todo-todo kung magdiwang ng mga napanalunang kampanya
at todo-todo kung tumawa at magsaya, sila na laging magaang kahit
bonggang-bongga rin kung magalit at sila, kagaya ni Noriel, ni Aileen, na
laging handang harapin hindi lamang ang saya, gaang kundi pati ang
panganib sa pakikibaka. Sila na nakakaalam na pag andiyan na ang panganib,
swerte ka kung makaligtas. Sila na sa pamamagitan ng mga jokes hinggil sa
mga pictures, ang page-emote sa harap ng camera, siguro ay gusto lang,
kagaya ni Aileen, na maalala siya sa mga larawang talaga namang
pagkagaganda na parang kinarir ng husto. Dahil ganon din kaganda ang
kanyang pakikibaka na kinarir niya ng husto. Aileen, alam kong hindi mo na
ako maririnig, pero gusto ko pa ring sabihin na kung nakita mo lang ang
exhibition ng mga larawan mo sa loob at labas ng iyong lamayan, mygad,
tunay kang nagtagumpay! Paalam at maraming, maraming salamat.
|
Re: Huling Liham kay Aileen
ni Shayne Garcia
Mahal na Aileen,
Kahapon pagkatapos ng libing mo, sumakay kami sa ikot dyip na inarkila
ng pamilya mo para sa mga nakipaglibing sayo. Kasama namin ni Candice
sina James at Poy ng HLI. Nasa burol mo kahapon sina Nong, Jef atbp.
Ilang araw akong hindi makatulog. Nag-aalala akong baka hindi sila
makapunta. Yan ang parati mong sinasabi sa akin noon—na kung mawawala
ka, gusto mong iburol ka o kahit idaan man lang sa HLI. Ikinwento nila
sa akin noong magpunta ka doon nitong Nobyembre lang noong isang taon.
Usapan nating sabay tayong pupunta kaso hindi na ako nakasama dahil nasa
labas ako ng bansa para sa ilang mga gawain. Hindi ka raw nila nakilala—iba
ang bihis, iba ang itsura at kung hindi ka pa nga raw nila titignan ay
hindi ka nila makikilala. Ikinwento nila kung papaano ka biglang
susulpot at mawawala. Biglang tatabihan mo na lang daw sila at
tatanunging ‘kilala mo pa ba ako?’ Si Nanay Leonor lang daw ang
nakakilala sayo.
Mula Himlayang Pilipino hanggang UP, naaalala ko yung mga panahong
sumasakay tayo sa ikot dyip. Naisip kong kakaunti lang din pala ang
alaala natin sa ikot, mas gusto mo ang naglalakad. Bukod sa sayang ang P
3.50 (pamasahe sa ikot dyip noon), gusto mo ang scenery, gusto mo ang
naaarawan. Parati mong sinasabi sa akin kapag pinipilit kitang sumakay
na ‘ayan kasi ang puti-puti mo kaya madaling naiirita ang balat mo.’
Dinaanan namin ni Candice ang mga lugar na dating pinupuntahan natin—mga
lugar na naging bahagi ng buhay mo. Naaalala ko kung papaano mo
ikinikwento yung mga simbang gabi niyo nila ate lani. Ang sabi mo,
tuwing simbang gabi ka lang nagsisimba kasi pwede kang mag-wish.
Dinaanan din namin ang bahay niyo dati sa may area 2. Naaalala ko yung
mga gabing pinatuloy niyo kami tuwing kailangan nating mag-overnight.
Huminto kami sandali at sa mga sarili namin, taimtim kaming nagpaalam.
Nagbago na rin pala ang track oval ano? Marami nang mga upuan at
bulaklak. Ikaw ang unang nagpakilala sa akin ng ganda ng track oval
tuwing sunset. Umupo kami sandali para magpahinga. Si Candice, ganon pa
rin, parang ikaw, hindi mapakali sa kanyang camera. Pinicturan niya ang
mga bulaklak, ang mga paru-paro at tutubi. Noon lang daw siya nahilig sa
nature bilang subject. Naaalala kita. Noong nagsisimula ka palang sa
photography. Paborito mong subject ang iyong sarili. Kaya nga parati
kitang sinasabihang ang narcissistic mo naman, pabiro lang naman.
Magpipicturan tayo sa CAL gamit ang SLR mo. Yung unang kuha ko nga pala
sayo gamit ang SLR nasa pamilya mo na. Isinama namin sa exhibit noong
burol mo, pagkatapos ibinigay naming lahat sa pamilya mo. Gusto kong
ipagmalaki sa lahat na ikaw ang unang nagtyagang magturo sa akin ng
photography noong di pa uso ang DSLR--sipatin ang problema ng lipunan sa
pamamagitan nito at kahit papaano'y makatulong sa pagbabago nito. SLR pa
lang ang gamit noon. Naaalala ko kapag isinasama mo akong magdevelop sa
Film, parati mo akong kinukwentuhan ng mga nakakatakot dahil alam mong
matatakutin ako, pagkatapos bigla kang tatawa at sasabihing parang baliw
ako (at tulad nga ng pabirong sabi ng nanay mo sa libing kahapon, wag mo
kaming tatakutin ha?).
Nagpunta kami sa Trigo para magkape (wala na pala ang Oz Café, alam mo
na?). Bigla naming napagkwentuhan ni Candice na hindi pala tayo nakapag-Starbucks
kahit minsan? Masaya ka na dati sa Jollibee. Paboritong-paborito mo ang
spaghetti nila. Tapos kapag umoorder ka ng burger, parati mong
pinapaalis ang ketchup at ang mayonnaise. Para kang batang parang na-solve
na ang problema makarating lang sa Jollibee. :p Naalala ko nung SONA
2009 (o 2008?). Kumain tayo sa Jollibee nila Noriel at Aie tapos
hiyang-hiya kayong dalawang magpalibre. Sabi mo ganon lang talaga si
Noriel, mahiyain sa mga di pa niya kakilala. Tapos nagsimula na akong
magkwento, at ibinulong sayo ni Noriel na ‘baliw din pala yang kaibigan
mo no?’
September 8 sa film center nung huli tayong magkasama nila Candice at
Cheng. Doon ka rin nagpaalam nung unang beses kang umalis para
makipamuhay sa mga magsasaka noong 2007. Ako lang ang nakakaalam na
aalis kayo noon. Sabi sa akin ni Candice, ‘ganon pa rin si aileen no?
hindi nagpapaalam kapag aalis.’ Tinatanong kita kung kailan tayo
magkikita ulit, ang sabi mo matagal na matagal pa, matagal na matagal.
Naaalala ko yung mga kuha natin habang nagtatalunan. Tawa ka pa nga nang
tawa sa isa kong kuha na mukha akong palaka. Hindi ako makatalon nang
mataas. Pero ikaw, parating ikaw ang pinakamataas tumalon sa ating lahat.
|
Huling beses tayong nagyakapan sa tapat ng bahay ng alumni. Huminto kami
ni Candice habang inaalala yun. Napakalaki na nga ng pinagbago mo Aileen,
dati-rati nandidiri ka kapag may yumayakap sayo. Nandidiri ka sa mga
kwentuhang magkarelasyon na nakakakilig. Kaya nga sa tuwing ikinikwento mo
sa akin ang mga kilig moments niyo ni Noriel, alam kong hiyang-hiya ka.
Halata kaya sa mata mong pagkalaki-laki. :D Tayo ang huling magkasama nong
gabi na yun. Sabay tayong nagpunta sa may sakayan sa Commonwealth.
Pinagkukwentuhan natin habang naglalakad ang mga plano ko, ang sentimyento
ko. Sinabi mo sa aking intindihin ang mga tao sa paligid ko. Hindi ka
nagsawang ipaliwanag sa akin ang lahat.Nang may dumating na dyip na Anonas,
tinanong mo ako kung okay lang bang mauna ka na. Ilang beses mong
pinaulit-ulit. Ang sabi ko sige okay lang, mauna ka na. Hindi naman ito
ang ibig kong sabihin Aileen, kaw talaga.
Doon kami dumaan sa may likod ng film center, tabi ng UP theatre--
naaalala ni Candice nung unang beses na ipinakilala mo sa kanya si Noriel,
may play noon tungkol sa buhay ni Joma. Kitang-kita raw ni Candice kung
gaano ka kasaya. Tapos bigla ko namang naalala yung script na ginawa mo
para sa isang dula ng KARATS tungkol sa HLI. Ikaw ang nagyaya sa aking
sumama sa isang BMI sa HLI noong 2004. Bilang mga bagong writers, gusto
lang natin ng materyal noon-gusto natin ng isusulat. Tapos nung 2005-06,
doon na tayo nakipamuhay sa mga magsasaka at mangagawa ng asukarera. Ang
hirap palang magbungkal ng lupa ne? Pero dahil parang lalaki pa yang
katawan mo noon, kayang-kaya mo ne? Paborito ka ng mga kabataan doon, ako
naman ng mga kananayan at mga bata. Nagsesenti ako sayo kasi bakit sakin
parang naiilang sila. Pero matyaga mong ipinaintindi sa akin kung bakit.
Nilakad namin ang buong acad oval. Dumaan sa Vinzon’s at sa iba’t ibang
lugar na pinuntahan natin. Huminto kami sandali sa tapat ng Vinzon’s hill
kung saan tayo madalas dati—nagkukwentuhan, nagkakantahan, kahit pa
parehong hindi maganda ang boses natin. Ikinukwento mo nung andun ka na
kumakanta ka pa rin kahit panget ang boses mo. Tuwang-tuwa ka dahil
naaappreciate ng masa. Sinabi mo sa aking hindi nila iniisip kung panget o
maganda ang boses mo, ang mahalaga’y may inalay ka para sa kanila.
Nagpunta rin kaming FC, kumain si Candice ng pasta ako naman soya drink
lang. Kung andoon ka, sigurado akong yung spaghetti nila ang oorderin mo.
Dumaan din kami sandali sa CAL building, nasa UP ka pa nang matayo ang
building na yun. Naaalala mo nung unang beses akong sumama sa mob? Ikaw
din ang nagyaya sa akin. Nakatingin tayo mula sa isang bintana ng
classroom sa CAL habang may mga estudyanteng nanghihikayat sumama sa
rally. Ikinwento mo kung papaano kayo dinahas ng mga kapulisan nung
kasagsagan ng kampanya sa SB2587. Ayoko pang sumama noong una pero
kwentista ka talaga, naengganyo ako sa mga kwento mo. Naghahanap din ako
ng karanasan noon, ng saysay sa mga isusulat ko. Binuddyhan mo ako. Tawa
pa nga ako nang tawa sayo kasi ang inaalala mo noon yung bagong tsinelas
mo na kakabili lang ng mama mo. :D Ang bagal-bagal kong tumakbo pero
inalalayan mo ako.
Nagpaalamanan na kami ni Candice. Hinatid niya ako sa shed. Ayaw pa naming
maghiwalay na dalawa kahit maggagabi na. Parang stream of consciousness na
dumapo sa aking isipan ang lahat ng mga karanasan natin, lahat ng mga
bilin mo—na kung may pera ako ibili ko ng KFC ang mommy mo dahil paborito
niya yun, na mga malalambot na pagkain lang ang kinakain niya, na dalawin
kita doon tuwing summer o Christmas, na kumakain ka na ng gulay ngayon, na
marunong ka nang mag-acupuncture, at magsalita ng wika nila, na umaaarte
ka na ulit, na maliit o malaking kontribusyon man ay mahalaga at hindi
susukatin ang pagiging rebolusyonaryo mo sa pamamagitan niyan.
Nang sumakay ako ng dyip naisip ko, biglang isang araw magtetext ka ulit
sa akin, makikipagkita sa Jollibee (nalibot na yata natin ang lahat ng
branches ng Jollibee sa tuwing magkikita tayo)—muling magkukwentuhan (ibabahagi
ang mga bagong karanasan sa kanayunan), magtatawanan..muling
magpapaalamanan. Hindi man siguro sa pamamagitan mo Aileen, sa pamamagitan
naman ng ibang kabataan--katulad mo rin, mabubuting anak ng bayan.
Walang hanggang paalam,
Shayne
|