 |
Salamat, Nanay
by Dreamworker
Saturday, May 7, 2011 at 10:00pm
kaya pala gayon
ang sabi sa awit --
"sabik sa ugoy ng duyan" --
di dahil nais magpakasanggol
kundi tuwinang sangangdaan,
walang palyang ika'y sandigan.
duyan ang globo --
para bagang di tayo nagkalayo
pagkat di ka nagsawang umaruga
habang kanang bisig mo'y lumilikha,
kaliwa nama'y walang sawa
sa pagbahagi ng nakakabusog-sa-diwa't
panghabambuhay na mga kanta't tula...
duyan ang mundo --
isang araw, kita'y magtatagpo
-- walang papunta't pabalik,
di na kukwentahin ang nagdaa't paparating
kundi magiliw na yayapusin
ng pasasalamat nang walang-patid,
ibayong pagbukadkad ng nangakapinid.
walang katumbas na hiyas ka,
at rikit ng mundo'y anumang pinagpapagalan mo,
kapugay ng lahat ng iyong katuwang;
irog, kadugo, pananampalataya, sangkatauhan--
salamat sa paghele,
salamat sa pagmamahal,
salamat sa duyan.
(Any English translation?)
|