|
BALIK-ESKUWELA,MAS MALALANG PROBLEMA
Pahayag ng
Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy (UP Diliman)
CONTEND-UP
Para sa pagbubukas ng klase, 6 Hunyo 2011
Sa mga magsisipasok na estudyante ngayong Hunyo, isang
malugod na pagbati mula sa inyong mga guro! Sa pagbubukas ng mga paaralan,
kasabay din nito ang mas matinding mga suliraning kakaharapin ng mga
mag-aaral at guro na siyang bumubuo sa sektor ng edukasyon sa bansa.
Nakalulungkot na sa kabila ng disinsana’y nakaeengganyong
pagbabalik-eskuwela, tatambad ang mga suliraning hindi na bago sa ating
karanasan sa loob at labas ng apat na sulok ng silid-aralan.
Bukod sa dati ng mga problema sa kakulangan ng mga kuwarto, kagamitan sa
pagtuturo, mababang pasahod at maliit na badyet sa edukasyon, nariyan ang
minadaling implementasyon ng K+12, o kindergarten at labindalawang taong
mandatoryong pag-aaral sa mababa at mataas na antas ng paaralan bago
magkolehiyo. Ayon sa Alliance of Concerned Teachers-Philippines
(ACT-Philippines), 103,599 guro ang kulang ngayong taon mula sa 54,060
noong nakaraang taon. Kulang din ng 152,569 silid-aralan (61,343 noong
nakaraang taon), 13,255,572 upuan (mula sa 816,290), at 151,084 patubig at
sanitasyon (mula 113,051). Sa antas kolehiyo, pangunahing suliranin ang
272 bilyong pisong budget cut sa mga State Colleges and Universities (SCUs)
ngayong taon. Sintomas ang mga ito ng maling pagpaprayoridad ng
administrasyong PNoy sa kaban ng bayan.
Hindi maihihiwalay ang mga problemang ito sa sektor ng edukasyon sa mga
suliraning kinakaharap ng bansa sa mas malawak na konteksto ng neoliberal
na polisiyang kinasasangkutan ng pamahalaang Aquino. Ginagawang
panakip-butas ang pakikipag-ugnayan ng gobyerno sa mga pribadong ahensiya
na sa pag-aakalang ito ang nararapat na paraan upang masolusyunan ang
ating mga pambasang suliranin. Subalit hindi maikakaila na walang ibang
nais ang mga pribadong kompanya kundi ang magkamal ng malaking tubo sa
pamamagitan ng pagsuot ng maskara ng kawanggawa. Sa pamamagitan ng mga
ganitong ugnayan, mas binibigyan-prayoridad ng pamahalaan ang direktang
lehitimisasyon ng pagkalakal sa mga batayang serbisyong panlipunan. Sa
pagpasok sa pakikipagkontrata sa mga pribadong ahensiya, isang bagay
lamang ang matitiyak, ang pag-abandona ng gobyerno sa mga responsibilidad
nito upang tuluyang wakasan ang mga problemang ating kinakaharap hindi
lamang sa isyu ng edukasyon.
Isang taon na rin ngayong Hunyo ang administrasyong Aquino. Marapat na
balik-aralin natin ang mga ipinangakong pagbabago upang matukoy kung
ano-ano ang natutunan natin sa nakaraan at magkaroon tayo ng malinaw na
perspektiba kung saan patungo ang rehimeng walang pinagkaiba sa mga nauna
dito. Sa pangako ng mabuting pamamalakad, animnapu’t limang (65) milyong
Filipino ang mahirap, o nabubuhay lamang sa 104 piso kada araw.
Nakakabahala ang paglaki ng agwat ng mayayaman sa mahihirap. Habang ang
21.4 bilyong dolyar na kabuuang yaman ng 25 pinakamayamang Filipinong ay
katumbas na ng taunang sahod ng 55.4 milyong Filipino. Noong nakaraang
taon (2010), 4.4 milyong Filipino ang walang hanapbuhay, at 16.5 milyon
ang may mababang uri ng trabaho.
400 na Filipino ang lumalabas pa rin ng bansa para magtrabaho at dumagdag
sa siyam na milyon nang OFW. Hindi ito nakapagtataka dahil sa mababang
pasahod sa ating bansa. Bagaman mahigit 400 piso ang minimum na sahod
ngayon, hindi gaanong umaakyat ang tunay na sahod (real wage na inayon sa
inflation; o nasa 243 piso ngayon) simula dekada 90. Nasa sektor ng
agrikultura ang isa sa bawat tatlong Filipinong may trabaho (o mga 12
milyong Filipino).
Ngayon taon lamang (2011), tumaas ang presyo ng diesel, gaas, at gasoline
nang mahigit anim na piso na dulot ng ispekulatibong pagpepresyo na
mistulang guni-guning takot sa pagkukulang sa suplay ng langis. Sa
katunayan, mahigit 350 milyong piso kada araw ang kinikita ng mga kompanya
ng langis dahil sa sobrang pagpresyo.
Sa 1.6 trilyong pisong National Budget ng taong 2011, halimbawa, 823.3
bilyon ang nakalaan bilang pambayad-utang ng bansa. Mula 1980, mahigit 150
bilyong dolyar na ang ibinayad natin para sa utang panlabas, pero lumobo
ang 17 bilyong dolyar (1980) na utang sa kasalukuyang 68 bilyong dolyar.
Mali na nga ang mga naunang pamamalakad, pero ginagawa pa rin ng
kasalukuyang administrasyon. Walang pinagkaiba ang kasalukuyang
administrasyon na nag-establisa pa ng mga patakarang magpapalala sa malala
nang kalagayan ng bansa. Hindi pa rin naipatutupad ang tunay na reporma sa
lupa. At nilansi pa ang mga magsasaka sa pamamagitan ng huwad kompromiso
sa Hacienda Luisita.
Sinasabing ang administrasyon ay may pagkiling sa karapatang-pantao at
pagsusulong ng usaping pangkapayapaan subalit nagpapatuloy ang politikal
na paniniil at paglabag sa karapatang-pantao. Nadagdagan ang 1,206
extrajudicial killing, 206 reinforced disappearances, at 356 bilanggong
politikal mula 2001 hanggang Hunyo 2010 sa panahon ng pamumuno ni PNoy. Sa
esensiya’y ang Oplan Bayanihan ay pagpapalit lamang ng pangalan ng dati
nang unilateral na kasunduang higit na nagsisilbi sa interes ng US. Wala
ring malinaw na patutunguhan ang usapang pangkapayapaan ng pamahalaan sa
CPP-NPA-NDFP at MILF. Sa halip, mas pinatindi ang pagpapalakas ng
ahensiyang militar kung saan kasabwat ang mga tropang Amerikano na patuloy
na nakikialam at nandarahas sa mga lugar na inaakalang pugad ng rebelyon
gayong ang karaniwang nagiging biktima ay ang mga sibilyan.
Nakasisindak na pagkapanalo ni Aquino bilang pangulo ng bansa. Patunay
lamang ito na ang “demokratikong” eleksiyon ay sanhi ng suporta ng Estados
Unidos upang lalong mapanatili ang interes nito sa bansa. Natututo na
tayong makita ang balintunay na demokrasyang dulot ng eleksiyon kada
termino. Nanunumbalik lamang ang mga Aquino, Cojuangco, at Marcos.
Kalahati sa mga nanalong senador ay senador din naman noon. Tatlo sa apat
na mga konggresista ay milyonaryong triple o double-digit (nagkakahalaga
ng mula 10.4 milyon hanggang 947.9 milyong piso ang yaman). Mula sa mga
pamilyang politikal ang 16 senador (67%), mahigit 130 konggresista (60%),
53 gobernador, 26 bise gobernador bansa. Ayon sa NEDA, 10 bilyong piso ang
nagastos ng mga kandidato sa eleksiyon noong 2010. Ayon sa PCIJ, 4.3
bilyong piso ang ginugol sa mga patalastas lamang.
Ipinangako ang pagiging bukas at tapat na panangutan ng rehimen laban sa
naunang administrasyong Arroyo na naging pugad ng katiwalian at
pagsasamantala. Subalit hanggang sa kasalukuyan, malaya pa rin ang dating
presidente at hindi pa rin napaparusahan ang mga kamag-anak at crony
nitong napatunayan namang nagkasala sa mamamayan sa pamamagitan ng
pagpasok sa mga malisyosong transaksyon. Hangga’t hindi natutugunan ang
mga batayang suliranin sa bayan, mananatiling huwad ang Conditional Cash
Transfers o CCT. Gaya ng mga gas card na ipinamumudmod sa mga namamasada,
pantawid-gutom lamang ang CCT na papatay rin sa mahihirap na Filipinong
kalauna’y hindi na makakatanggap nito. Ang lahat ng ito’y habang
nagmumukhang tumutulong ang pamahalaan sa bayan subalit sa huli’y
mapapatunayan na ang mga agarang-gamot na ito’y bahagi ng mas malubhang
sakit ng lipunan.
Sanhi ng mga patuloy na suliranin panlipunang ito, kasama ang problema
natin sa sektor ng edukasyon, mas higit na marapat maging mapanuri sa mga
huwad na polisiya ng pamahalaan na sumisikil at unti-unting pumapatay sa
kanyang mga mamamayan. Hindi na maitatanggi na mas malalang krisis
panlipunan dahil sa dikta ng makapangyarihan at monopolyadong pamamahala
ng rehimeng US-Aquino. Sa pagbukas ng klase, ipakita natin ang pakikiisa
ng mga nasa sektor ng edukasyon sa masang mamamayan na lumalaban upang
tuluyang isara at wakasan ang pag-aapi at pagsasamantalang kaytagal na
nating nararanasan.
Education budget, dagdagan, huwag bawasan!
Budget cut sa edukasyon, tutulan, labanan, ibasura!
Edukasyon, karapatan ng mamamayan!
|
 |