Tribute to Dante L. Ambrosio (1951- 2011)

UP Diliman Professor of History

FQS activist, archivist of FQS and martial law memorabilia, patriot

and member of the board of Arkibong Bayan

 

UP Diliman

 

June 5, 2011

/p

 

 

     
   
   
/p

/p
Photos courtesy of Sarah Raymundo
           

 

UP Diliman Professor of History Dante Ambrosio,

FQS activist, archivist of FQS and martial law memorabilia, patriot

by Prof. Judy Taguiwalo


Dante Ambrosio: “Audience ko sana estudyante at teacher. di totoo na kabataan lang ang di nakakaalam nito. pati nga matatanda. kaya nga walang laman ang mga teksbuk pagdating sa panahong ito.”

Si Dr. Dante Ambrosio ay isa sa mga miyembro ng aking panel sa aking disertasyon na may paksang kababaihan at unyonismo sa panahon ng kolonyal na paghahari ng US sa Pilipinas. Ito ang banggit ko sa kanya sa aking pasasalamat na laman ng natapos na disertasyon, “Ang tanging lalaki sa aking panel si Dr. Dante Ambrosio, dalubhasa sa kasaysayan ng militanteng unyonismo sa Pilipinas, ay masinop na tumukoy sa mga kakulangan sa istadistika at pagsusuma.” Pagkilala ito sa pagsuyod ni Dante sa mahigit na 200 pahina ng disertasyon at ang pagtitiyak na tama ang aking mga datos at mga pormulasyon.

Pero higit pa sa pagiging mentor sa Ph.D. ang pagkakakilala ko kay Dante.

Bahagi ng First Quarter Storm o FQS 1970 si Dante Ambrosio. High school pa lang siya noong naging aktibista; sa pagkaalam ko una sa Philippine Science High School at bandang huli lumipat sa Torres High School l sa Tondo kung saan siya nagtapos.

Di ko nakadaupang palad si Dante sa panahon ng FQS (kahit na iisa ang organisasyon ng kabataan na kinabibilangan naming noon, ang Samahang Demokratiko ng Kabataan). Organisador na ako sa amin sa Negros at Panay nang nag-aral siya sa UP noong panahon ng martial law.

Noong 1998 o 1999, sa isang porum ukol sa batas militar sa UP ko unang narinig siyang magsalita. Ang kanyang paksa ay ang resistance sa UP Diliman noong mga unang buwan ng batas militar pagkatapos muling nabuksan ang pamantasan. Engaging na kwentista si Dante, buhay na buhay ang kanyang kwento sa samu’t saring pagpahayag ng pagtutol ng mga iskolar ng bayan sa napakahigpit na kondisyon noon. Ayon sa kanya, iisa ang pasukan sa Palma Hall; mga sundalo ang nakabantay. Gayunpaman, mapanlikhang naipahayag ng mga estudyante ang pagtutol.

Dalawa ang matandaan ko sa kanyang pagbabahagi. Ang una ay ang pagsabit sa leeg ng mga pusang gala sa AS ng mga papel na may nakasulat na mga islogang kontra batas militar at ang mga habulang nangyari sa pagtatangka ng mga sundalong hulihin ang mga pusa. Ang ikalawa ay ang sabay-sabay na pagpatonog ng mga baso gamit ang mga dulo ng kutsara sa ritmo ng “Marcos, Hitler, Diktador, Tuta” kapag tanghali sa Vinzon’s cafeteria. Mas buo ang salaysay ni Dante sa panahong iyon sa kanyang kontribusyong “Pangangapa sa Simula ng Martial Law” sa librong “Serve the People, Ang Kasaysayan ng Radikal na Kilusan sa Unibersidad ng Pilipinas” na inilathala ng CONTEND-UP at ng Ibon.

Bilang bahagi ng paglikha ng kasaysayan noong batas militar at bilang propesor ng kasaysayan, masinop na taga-ipon si Dante ng mga dokumento at mga larawan kaugnay ng batas militar dahil napakahalaga ng primary sources para sa mga historians. Noong maagang bahagi nang pagkakilanlan namin sa UP nang bumalik ako para magturo, tuwang-tuwa niyang ibinahagi na may kopya siya ng isang underground newspaper noong 1974 na nagheadline ng pagtakas ko at ng lima pang kasamahan mula sa Ipil Detention Center sa Fort Bonifacio. Panahon na magkaibigan na kami sa Facebook nitong Pebrero 2010 ipinadala ni Dante ang ang link sa scanned copy ng Pagsilang (Pahayagan ng Diwang Rebolusyonaryo) na laman ang banner headline “Anim pa ang nakatakas sa Fort Bonifacio”-- http://dlambrosio.multiply.com/photos/album/9/Pagsilang_Nobyembre_1974#photo=1

Hindi lang ito ang natipon at nascan ni Dante. Sa kanyang multiply account, http://dlambrosio.multiply.com/ , naupload niya ang walong albums ng scanned photos ng mga dyaryo sa panahon ng batas militar.

Dahil inaalam pa lamang ang teknolohiya ng internet, masaya niyang ibinalita sa aming palitan sa private messages sa Facebook na “judy, pakitingnan ang photo album na ipinasok ko dito sa fb. baka puwede na rito sa halip na sa multiply pa. “.
Narito ang naging palitan namin kaugnay ng pagbabahagi sa publiko ng kanyang koleksyon:

February 24, 2010
Judy Taguiwalo
pwede nga sa FB photo album pero sana iupload mo rin sa multiply.
di basta basta maakses ng public ang FB unless sila ay myembro mismo. Pero ang mga posts sa multiply ay pwedeng lumabas sa internet search o sa pagoogle. Kailangan lang lagyan ng tags kung anong laman nito. itatanong ko pa sa ibang maalam sa internet.
yehey, magaling na nauumpisahan na ang pagpost mo ng napakahalagang koleksyon mo.

February 24, 2010
Dante Ambrosio
pakitanong na rin kung paano ilipat sa isa ang nai-post na sa iba. ang tagal kasing mag-upload kapag documents. audience ko sana estudyante at teacher. di totoo na kabataan lang ang di nakakaalam nito. pati nga matatanda. kaya nga walang laman ang mga teksbuk pagdating sa panahong ito.

Hindi na naasikaso ni Dante ang proyektong ito: ang pagtitiyak na malaman di lamang ng mga kabataan kundi ng matatanda ang malagim na mga pangyayari noong batas militar at ang tapang at determinasyon na ipinakita ng mga tumindig at lumaban. Lumala ang sakit niya sa puso na noong 2008 pa nadiagnose at nangangailangan ng heart valve replacement surgery. Pero katulad sa maraming mga guro at kawani sa UP at mga karaniwang mamamayan malaking sagabal ang kakulangan sa panustos para kagyat na magawa ang kailangang operasyon kay Dante. Ayon sa kanya: “Wala sa isip ko na matutuloy ang operasyon dahil mahal nga. Umasa din ako na baka makukuha pa sa gamot gaya ng sinabi ng isa pang doktor.”

Huli kaming nagkita sa UP noong Hunyo 16, 2010 bago ang kanyang operasyon. Kasama si Baby ang kanyang kapatid na talagang buo ang suporta sa kanya at si Nak Gabriel, na kapwa guro sa kasaysayan, naghalo-halo kami sa Vargas Museum. At typical na Dante, dala niya ang isang folder ng mga litrato ng mga martir ng kilusan sa panahon ng martial law—mga larawan ni Nik Lansang at ni Alex Boncayao. Nasa FB ang souvenir ng pagsasama naming noong hapon na iyon -- https://www.facebook.com/media/set/?set=a.1367563427031.2047070.1170042080

Natuloy din ang operasyon ni Dante nitong 2010. Malaki ang naitulong ng kanyang Departamento kabilang na ang pag-asikaso ng sabbatical leave siya sa panahon ng operasyon at pagpapagaling. Nagamit ni Dante ang one-shot na hospitalization assistance fund mula sa UP na P200,000 pero hindi ito naging sapat sa pagtugon sa gastos pa lamang sa operasyon. Nagfund raise ang mga dating estudyante ni Dante at talagang ikinagalak niya ito nang lubos. Pero kahit na matagumpay ang heart valve replacement surgery, di na bumalik ang dating lakas ni Dante at di na siya muling nakabalik sa pagtuturo.

Sa pagpanaw ni Dante Ambrosio, nawalan tayo ng isang mahusay na historyador ng bayan, at sa mga parangal ng mga dating estudyante ni Dante, ng isang mahusay na guro ng kasaysayan na nakatulong sa pagmulat sa kanila.

Dante Ambrosio. Presente!

 

UP Prof Judy Taguiwalo.
Renato Reyes of BAYAN
Film Director Boni Ilagan of FQS Movement
UP Prof Sarah Raymundo of CONTEND-UP
           
     
     
     

 

Astronomong Mambubulok
Isang Pag-alala kay Prop. Dante Ambrosio
 

Bomen Guillermo
Pambansang Pangulo,
All UP Academic Employees Union


Kilalang-kilala bilang mambubulok si Prop. Dante Ambrosio.

Ano ang ibig sabihin nito? Kinikilala siya bilang isa sa mga pangunahing taga-ipon at tapangalaga ng mga pahayagan, papel at sulatin ng kilusan at rebolusyong pambansa-demokratiko. Sa kanyang silid sa Faculty Center ay handang-handa siyang maglabas ng sangkatutak na mga lumang pahayagan, poster, larawan, dokumento at di-nalathalang mga sulatin para sa kahit sinong nais kumonsulta sa kanya. Mamamangha ka na lamang at ngingiti pa siya't sasabihing "marami pa niyan sa bahay." Mahinahon siya't mapagkumbaba, hindi niya ibinibida ang sarili. Ngumingiti lamang siya at magbabanggit ng mga interesanteng bagay at fakt na halos walang ibang nakakaalam kung hindi siya lamang.

Nababanggit din niya paminsan-minsan na kalaban niya ang mga anay. Mga insekto itong kalaban ng lahat ng mambubulok. Marami rin daw ang mga itong nakain na alaala, maraming nakain na kasaysayan.

Pero sa esensya, ang mga pinakamahalagang mga alaala at kasaysayan sa buhay ni Prop. Ambrosio ay hindi naglaho't kinain ng panahon. Bilang kabataang aktibista sa isang yugtong pangkasaysayan ng bukod-tanging militansya at marubdob na pakikisangkot, dumaan siya sa pinakamahirap na panahon ng pagpapanday ng paninindigan at pagkatao. Matagumpay niyang napagdaanan at napagtagumpayan ang mga pagsubok ng panahong ito na matatag ang diwa, buo ang kalooban at may pusong patuloy na tumitibok para sa katarungan at kapakanan ng sambayanan.

Bilang ambag sa kilusan ay nagsulat siya ng isang seminal na kasaysayan ng kilusang paggawa na pinamagatang "Militanteng kilusang manggagawa sa Kamaynilaan, 1972-1982: paghupa, pag-ahon, pag-agos" (1992) hinggil sa isa sa pinakamahirap na yugtong pinagdaanan ng unyonismo sa Pilipinas. Pagkaraan nito'y bumuo naman siya ng disertasyon tungkol sa etnoastronomiyang Pilipino na pinamagatang "Balatik: kalangitan bilang isang saligan ng kabihasnang Pilipino, 1582-kasalukuyan" (2003).

Paano nahilig si Prop. Ambrosio sa astronomiya o pag-aaral ng mga bituin? Bagamat maaaring mas matagal na ang kanyang interes dito (bilang isang nag-aral din ng ilang taon sa isang science high school) ay nabanggit minsan sa isang kwentuhan na nagkaroon siya ng mas maraming panahon noon sa loob ng kulungan sa maagang panahon ng Batas Militar na tumingala sa kalangitan at pagmasdan ang paggalaw ng mga planeta at bituin. Kaiba kay Amado Hernandez, hindi mga bumabahang luha ang kanyang namalas sa kanyang "isang dipang langit" kundi mga hindi mabilang na bituin. Marahil doon sa mga bituin niya nadama ang kalayaan sa loob ng piitan. Doon sa itaas niya nakita ang liwanag sa kabila ng bumabalot na kadiliman ng Batas Militar.

Doon sa kalangitan ay may mga bituin na hindi nabubulok, hindi natitinag sa paninidigan at hindi tumigil sa pagbigay ng liwanag. Mga bituin tulad ng kaibigan at kasamang si Prop. Dante Ambrosio.
 

     
           
=          
==          
     
  At the UP Catholic chapel  
           

 

Mula sa KMU

 

Dante L. Ambrosio (1951-2011):

aktibista at historyador ng kilusang paggawa, makabayang guro

Nakikiramay kami sa mga kaanak, kaibigan, kaguro at estudyante ni Prop. Dante L. Ambrosio sa kanyang pagpanaw. Nalulungkot kami sa kanyang pagkawala bagamat kinikilala naming pahinga na rin niya ito sa sakit na dulot ng kanyang mga karamdaman.

Naging aktibistang estudyante siya bago ang deklarasyon ng Batas Militar at nagpatuloy sa pagkilos kahit sa madilim na bahagi ng kasaysayang ito ng bansa. Ginugol niya ang malaki-laking bahagi ng kanyang buhay bilang organisador at rebolusyunaryo sa kilusang paggawa. Sandali siyang naging istap ng International Department ng KMU.

Noong pumasok siya sa Departamento ng Kasaysayan ng Unibersidad ng Pilipinas, naging matatag at mahusay siya bilang pambansa-demokratikong guro at iskolar. Pinaksa niya sa kanyang mga sulatin at saliksik ang kilusang paggawa at kilusang masa lalo na sa ilalim ng batas militar. Popular at pakwento ang porma ng mga isinulat niya.

Kahit habang nagtuturo, patuloy siya sa pag-aambag sa iba’t ibang porma sa kilusang paggawa – pagbibigay man ng pinansyal na tulong, bilang tagapagsalita sa mga porum, o bilang kontribyutor ng impormasyon at mga artikulo sa mga publikasyon. Tuluy-tuloy rin siyang tumulong sa mga makabayang organisasyon ng estudyante at guro sa bansa.

Nakakapaghimagsik na sa panahong naghihingalo si Ka Dante ay binubuhay naman ng rehimeng Aquino ang planong ipalibing ang diktador na si Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Bilang lumaban sa diktadurang US-Marcos, hindi matatanggap ni Ka Dante ang ganitong pagbaluktot sa kasaysayan, ang pagturing na bayani ang kaaway ng bayan.

Namatay man sa sakit si Ka Dante, isa siyang bayani dahil naglingkod siya sa bayan hanggang sa huling panahong kaya niya. Kasing-bigat ng Sierra Madre ang pagkamatay niya. Pumanaw man siya, nariyan ang kanyang mga inorganisa, ang kanyang mga kaisipan at saliksik, ang kanyang halimbawa, para patuloy na pakinabangan ng bayan.

Para sa kilusang masa at kilusang paggawa, hindi ka mamamatay, Kasamang Dante!


Mabuhay ang diwa ni Kasamang Dante L. Ambrosio!
Mabuhay ang mga makabayang guro at iskolar!
Mabuhay ang mga organisador at rebolusyunaryo ng kilusang masa at paggawa!
Mabuhay ang manggagawa at sambayanang Pilipino!
Makibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya hanggang tagumpay!

Kilusang Mayo Uno (KMU)
Hunyo 5, 2011

 

     
           
     
     

 

Ka Dante
By Teo S. Marasigan · June 5, 2011


Hindi pa siya aktibista noon. Unang mga araw ng unang semestre ng unang taon sa kolehiyo. Pumasok ang propesor, bumati at nagpakilalang magiging guro sa Kasaysayan 1. Isinulat nito sa pisara ang pangalan: “Dante L. Ambrosio.” Ngayon, sa harap ng balitang namatay ang guro, nabibigyan niya ng karampatang halaga ang mga sumunod na araw mula sa pagpapakilalang iyun.

Banayad at hindi tensyonado ang takbo ng klase. Maraming pakulo ang propesor. Minsan, pinabasa nito ang tulang “Prometheus Unbound” ng makatang si Jose F. Lacaba para turuan ang mga estudyante ng mapanuring pagbabasa. Ito raw ang kakayahang nawala sa editor ng isang pahayagan kaya nalathala, noong batas militar, ang tulang may islogang “MARCOS HITLER DIKTADOR TUTA.” Ikinwento niyang kinumpiska ng mga awtoridad ang kopya ng mga dyaryo, pero huli na ang lahat.

Maraming tanong na nakakapagpaisip ang propesor, kahit sa ganito nakikita ang kanyang pampulitikang kulay. Si Benigno “Ninoy” Aquino Jr., halimbawa, ang itinuturing na bayani ng batas militar ni Marcos. Pero ang nanatili sa bansa at namuno, bagamat palihim, sa mga protestang nagluwal ng People Power 1, ay si Jose Maria “Joma” Sison. “Hindi ba si Joma ang mas dapat ituring na bayani?”

Minsan, kwela rin ang propesor, bagamat madalas naman itong nakangiti. Noong itinuturo nito ang pagkilatis sa mga batis na pangkasaysayan, ipinakilala niya ang konsepto ng historikal na anakronismo. Halimbawa raw, nagsusuri ka ng dokumento ng mga Katipunero. “Tapos biglang makikita mo, may salitang ‘badaf’ doon…”

Hindi maramot ang propesor sa mga kwento. Bukod sa mga isinalaysay ni Prop. Judy M. Taguiwalo sa parangal ng huli tungkol sa mga protesta noong batas militar, may dalawa pa siyang naaalala. Isinusuksok daw sa kung saan-saan sa katawan ng mga aktibista ang lumang tipo ng sticker noong panahong iyun. Pagkatapos, didilaan ang likod para maidikit sa kung saan-saan.

Noong nasa ilalim daw ng batas militar ang Unibersidad ng Pilipinas, tahimik na magmamartsa ang mga estudyante mula sa ikaapat na palapag ng Palma Hall. Habang pababa ang hanay, parami nang parami ang sumasali. Kapag dumating na ang mga pulis, na kadalasan ay tuwing nasa unang palapag na ang martsa, kakanta na ng “Lupang Hinirang” at titigil sa paglakad, tatayo nang tuwid ang lahat – pati ang mga pulis. Sa ganito, unti-unti nang makakatakas ang mga lider.

Pero kung may isang bagay man na pinakamahalagang ginawa ang propesor, iyan ay ang inobliga nito ang klase na magbasa. Tumungo sa aklatan at magbasa. Pawiin ang takot sa hindi alam, tumungo sa aklatan at magbasa.

Dito niya nabasa ang maraming sulatin ng dakilang makabayang intelektwal na si Renato Constantino. Bagamat ipinakilala ng propesor ang Lipunan at Rebolusyong Pilipino sa klase – at ipinaliwanag na ang pangalan ng awtor na “Amado Guerrero” ay nangangahulugang “Minamahal na Mandirigma” o “Beloved Warrior” – ang librong The Philippines: A Past Revisited ang ipinabasa niya.

Ipinabasa rin ng propesor ang debate hinggil sa A Past Revisited – bagay na mas nakahikayat sa kanyang magbasa at magsuri. Kung nagkakasya na ang ibang propesor sa pagsasabi na larangan ng tunggalian ang katotohanan, kongkretong ipinakita ito ng propesor. Ipinabasa nito ang pag-atake sa libro ng kontra-makabayang historyador na Amerikano na si Glenn A. May, gayundin ang pagdepensa sa libro na pinamunuan ni Silvino V. Epistola, propesor sa Pilosopiya.

Itinulak ng propesor ang mga estudyante na magsaliksik tungkol sa kasaysayan nitong nakaraang mga dekada ng nakatalagang probinsya ng bansa. Natatandaan pa niya ngayon ang Sipalay at Hinoba-an na mga bayan ng Negros Occidental, ang probinsyang itinalaga sa kanya.

May magandang tinungo kahit ang ganitong pagpapabasa. Gitna ng dekada ’90 noon, at namamayagpag ang globalisasyon at pagiging Newly-Industrializing Country bilang mga pantasya ng bansa at ang neoliberalismo bilang bungkos ng mga patakaran na ipinapatupad ng pamahalaan. Sa mga magasin na kinailangan niyang basahin, makikita ang naunang panahon, ang dekada ’70 at ’80, kung saan mababasa ang kahirapan at kagutuman ng mga mamamayan, gayundin ang lawak at lakas ng mga protesta. Ang reyalisasyon niya: “Hindi laging ganito ang kalagayan.”

Isa pang mahalagang bagay na ginawa ng propesor ang ibukas ang kanyang kwarto sa mga estudyanteng naghahanap ng konsultasyon. Hindi pa para kanlungin ang mga estudyanteng grade-conscious, kundi para ipakita ang mismong kwarto at ang paninindigang malinaw na ipinapamalay nito.

Muli, kalagitnaan ito ng dekada ’90 noon, at ipinagsisigawan ng mga naghaharing uri sa mundo na lipas na si Marx at bigo ang sosyalismo. Sa Pilipinas, nahati ang Kaliwa at natural na naguluhan ang publiko sa kung ano ang ano at sino ang sino.

Sa kwarto ng propesor, malinaw ang tindig: Sa isang kwadro, may larawan nina Karl Marx, Friedrich Engels, Vladimir Lenin at Mao Zedong. Katabi nito sa pader ang larawan ni Albert Einstein at nasa katapat na pader ang kay Hesukristo. Nagpahayag ang una na isa siyang sosyalista, habang proto-sosyalista at rebolusyunaryo ang ikalawa.

Naghahanap siya ng salita: “relihiyoso” para sa mga naniniwala at “estetiko” marahil para sa mga hindi, ang karanasan niya nang unang pumasok sa kwarto. Hinahanap niya ang mga aktibistang propesor noong pumasok siya sa UP, at ang nakuha niya ay kung hindi neoliberal ay walang pakialam. May nangaral pa nga na hindi uunlad ang Pilipinas hangga’t walang diktadura dahil bansang tropikal ito, sadyang nakakatamad para sa mga tao. Sa wakas, isang gurong aktibista – at higit pa nga siguro! Sa sumunod na taon, sumali na siya sa aktibistang organisasyon.

Noong aktibista na siya, doon lang niya nalaman na ang propesor, na kumilos pala nang buong panahon sa kilusang manggagawa, ang tanging aktibistang pambansa-demokratikong may tenure sa Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya. Kakaalis lang patungong ibang bansa ng isa at ang isa’y pana-panahon na lang nagtuturo sa mga nakakataas na taon – at hindi magtatagal ay aalis din ng bansa. Kaya naman ang propesor ang ginawang tagapayo ng mga organisasyong aktibista at tagapagsalita sa samu’t saring porum na pumapaksa sa espesyalisasyon nito.

Isang beses lang niyang nakausap nang malaliman ang propesor matapos niyang tumanda bilang aktibista – noong matatawag na niya itong “Ka Dante,” na hindi rin niya ginawa bunsod ng pagkahiya. Naghahanap ito ng masiglang pakikipagdebate, “pakikipag-polemika,” ng mga Marxista sa mga kinatawan ng reaksyunaryong kaisipan sa pamantasan. May binanggit siyang isang guro na gumagawa nito. “Pero,” ang sagot ng propesor, “mas post-istrukturalista naman ang kanya kaysa Marxista.”

Pumunta siya sa Philippine Heart Center nang mabalitaang isinugod doon ang propesor. Naabutan niya itong nag-aagaw-buhay at hirap na hirap na ang katawan, hindi na rin makausap. Sa tabi ng kama nito, kalmado na ang mga kaanak nito at dating kasamahan sa Kilusan. Nagpakilala siya bilang “dating estudyante” at agad niyang naramdamang kulang na kulang ang mga salita. Pinilit niyang sabihing “Mahalaga po siya kung bakit ako naging aktibista.” Pero hindi na niya natapos ang huling salita dahil inunahan na siya ng mga luha.

Ngayong patay na ang propesor, gusto niyang sabihing “Pagpupugay, salamat at paalam as iyo, Ka Dante.” Pero alam niyang kulang na kulang iyun. Paano mo pagpupugayan ang taong nagpabilis ng pagtungo mo sa pagiging aktibista? Paano mo pasasalamatan ang gurong nagpakatatag sa isang mahirap na panahon at sa gayong paraan ay nagsilbing tulay para sa iyo? Paano ka magpapaalam sa taong tumulong sa iyong pasukin ang isang klase ng buhay na sa kabila ng lahat ng kahirapan at panganib ay hindi mo ipagpapalit sa kahit ano?

Kulang man ang mga salita: Ka Dante, yumao man kayo, nagsisikap na yumabong at magpunyagi ang mga binhing iniwan ninyo. Pagpupugay. Salamat. At paalam po.

05 Hunyo 2011

 

Fotos of Dante Ambrosio from his Facebook account
     
           
     
     

 

Facebook posting by Sarah Raymundo

 

 

Hunyo  5, 2011 Linggo

Parangal at Pagpupugay ang hinandog ng mga kasama mula sa Kilusang Pambansa Demokratiko para kay Kasamang Dante Ambrosio

"Ang lahat ng tao ay tiyak na mamamatay, ngunit ang kamatayan ay maaaring mag-iba ng kabuluhan...Ang mamatay alang-alang sa sambayanan ay higit na mabigat kaysa Bundok ng Sierra Madre, subalit ang maglingkod sa mga pasista at ang mamatay para sa mga mapagsamantala at mapang-api ay higit na magaan kaysa balahibo."
-Mao Zedong

 


"Your generation once asked, "Tell me, have I given?" And it was the best among you who responded by giving the best years of your life to that continuing challenge and honor of serving the people . Paalam Prof. Dante Ambrosio. Pagpupugay sa inyong henerasyon na nanatiling gabay at inspirasyon sa mga sumusunod na mga aktbista."
-Arnold Alamon

 

     

"Paano mo pagpupugayan ang taong nagpabilis ng pagtungo mo sa pagiging aktibista? Paano mo pasasalamatan ang gurong nagpakatatag sa isang mahirap na panahon at sa gayong paraan ay nagsilbing tulay para sa iyo? Paano ka magpapaalam sa taong tumulong sa iyong pasukin ang isang klase ng buhay na sa kabila ng lahat ng kahirapan at panganib ay hindi mo ipagpapalit sa kahit ano? Kulang man ang mga salita: Ka Dante, yumao man kayo, nagsisikap na yumabong at magpunyagi ang mga binhing iniwan ninyo. Pagpupugay. Salamat. At paalam po."
-Teo Marasigan

           
     
     

 

Post and comment in Facebook wall of Judy Taguiwalo

Dante Ambrosio: "Audience ko sana estudyante at teacher...."

Dante Ambrosio: “Audience ko sana estudyante at teacher. di totoo na kabataan lang ang di nakakaalam nito. pati nga matatanda. kaya nga walang laman ang mga teksbuk pagdating sa panahong ito.”   Si Dr. Dan...

Saturday at 6:43pm · Like ·  · Share

·                                  

·                                 Joel B. Maglunsod, Kathy Panguban, Mariel Nicole Eras and 52 others like this.

·                                  

o                                                       

 

Johnatan Pimentel Si dante at si monico ng mga pinakaunang aktibistang mga guro na nakilala ko sa pagpasok ko sa UP noon....

Saturday at 7:03pm · Like

o                                                       

 

Sarah Raymundo maraming salamat sa pagpaparangal na ito kay Sir Dante. Marami kaming mga aktibista ng dekada 90 ang natutong mangahas at sumuong sa aktibismo sa dahil may isang Sir Dante ang naniwala, nagtiwala at naging pala-kaibigan at mapagkasama sa amin.

Saturday at 7:07pm · Like

o                                                       

 

Judy Taguiwalo 

Sarah Raymundo: heto ang June 8 2010 PM niya sa akin, special mention ka:" nadaan ako kanina sa department. nagpakita lang. masaya. di kasi ako naka-attend sa alumni homecoming noong sabado. nakita ko si sarah. nakangiti kaya lang wala pa ...See More

Saturday at 7:16pm · Like ·  3 people

o                                                       

 

Sarah Raymundo 

alam ko yan! nagkita kami sa katag ni sir. tapos sabi ko sa kanya, hoy sir ha, ang sexy niyo na ah, anong sikreto niyo? shempre binalik din naman niya sa aking ang papuri. ganyan lang talaga. nakita ko sir d noong sunday pero shempre di ko ...See More

Saturday at 7:22pm · Like ·  5 people

o                                                       

 

Nak Kimuell-gabriel Salamat sa pagtag Judy. Nasa out of town seminar ako nang dumating ang balita ni Ate Baby. Kababalik ko lamang ngayon. Nadalaw ko si Dante noong Abril 6 sa bahay nila, at noong Lunes, Mayo 30 sa HC at nakita ko ang lagay niya. KInausap ko siya, ipinarinig at sumabay sa awit na "Tumindig Ka." Naihanda ko na ang loob ko para sa balitang ito. Pero wala pa ring pagsidlan ang kalungkutan sa pagpanaw ng ninong ng bunso ko.

Saturday at 8:05pm · Like

o                                                       

 

Rolando Tolentino kabawasan sa atin ang pagkawala ni kasamang dante. kaya humayo, mga kaguro at mamamayan. magparami pa!

Saturday at 8:21pm · Like ·  5 people

o                                                       

 

Judy Taguiwalo Kagagaling ko lang sa UP Catholic chapel kung saan nakaburol si Dante. Sa Lunes ng 7 am ang parangal sa kanya ng Department of History. Maaari tayo ang mag-organisa ng parangal sa kanya bukas, Linggo ng gabi, 8 pm. CONTEND, All UP Workers Alliance, mga dating estudyante niya.

Saturday at 9:00pm · Like ·  3 people

o                                                       

 

Vanessa Faye Bolibol Naging teacher ko si Sir Dante sa Kas 116 (Philippine Nationalism). Napakatalas ng memory nya, napakabait at understanding na teacher. Siya din ang faculty adviser noon ng LFS- UP diliman. Mamimiss namin si sir dante.

Saturday at 9:14pm · Like

o                                                       

 

Lou De Leon pagwawasto lamang Ma'am Judy Taguiwalo, 7 pm po ang parangal, hindi sa umaga. inaanyayahan po ang lahat!

Saturday at 9:36pm · Like

o                                                       

 

Judy Taguiwalo Salamat Lou De Leon sa pagwawasto. at maraming salamat sa department of history na pinamumunuan mo sa pagkalinga kay Dante.

Saturday at 9:37pm · Like

o                                                       

 

Jayson Lamchek Maam Judy, sa pagkaalam ko, ang high school sa Tondo kung saan nagtapos si sir Dante ay Torres High School, na alma mater ko rin. Paalam, prof. Dante Ambrosio!

Saturday at 9:49pm · Like

o                                                       

 

Judy Taguiwalo Salamat Jayson. iedit ko para matukoy ang inyong high school.

Saturday at 9:53pm · Like

o                                                       

 

Carolyn Anonuevo maraming salamat Judy. Your tribute to Dante reminds us of his contribution to the academe and as well as to the movement. Many separate these two realms but people like Dante and you show us the possibility of combining both.

Saturday at 10:01pm · Like

o                                                       

 

Jake Concha 

Naging teacher ko si Sir Dante nung 2nd yearcollege ako. Hindi pa ako aktibista nuon pero nung nagpaalam ako sa kanya na aabsent ako dahil kaylangan kong umattend ng Oblation Run, pinagawa pa niya ng reaction paper para sa Oblation Run ang ...See More

Saturday at 11:23pm · Like

o                                                       

 

Leonilo Doloricon paalam, ka dante, hindi man lang kita nadalaw mula nang lumabas ka sa ospital...ni hindi ko alam na lumisan ka na pala, sana mapatawd mo ko sa maraming pagkakataon na hindi ko nabigyan ng pansin na makapag-usap man lang tayo, magkamustahan...d bale alam ko namang maraming nagmamahal sa yo na tulad ko na lagi kang nasa puso at damdamin namin...

Saturday at 11:46pm · Like

o                                                       

 

Ram Hernandez Naging prof ko rin si Sir nung 1st year ako at nagbago nga ang pagtingin ko sa kasaysayan. Lagi rin akong nagpapapirma sa kanya ng mga letter ng LFS dahil siya ang adviser namin. Pagpupugay sa isang makabayang historyador!

22 hours ago · Like ·  1 person

o                                                       

 

Bibeth Orteza 

Basahin ang lahat ng nakasulat dito. Pagkatapos, balikan ang tula ni John Donne, sabay isaisip si Dante, ang hitsura, ang tayo, ang porma, pag nagsasalita, tumatawa, nag-iisip, nakikinig, nakikiisa, at ang lahat na pati ng personal ninyongkaugnayan sa kanya:

"No man is an island,
Entire of itself.
Each is a piece of the continent,
A part of the main.
If a clod be washed away by the sea,
Europe is the less.
As well as if a promontory were.
As well as if a manor of thine own
Or of thine friend's were.
Each man's death diminishes me,
For I am involved in mankind.
Therefore, send not to know
For whom the bell tolls,
It tolls for thee."

Paalam, Dante. May nawala sa akin, dahil nawala ka. 

Salamat para sa lahat nang ginawa mo na hindi ko kinaya. Yagit ako sa tabi mo.

8 hours ago · Lik

 

     

 

Click here for more tributes - from the Philippine Historical Association

 

     
     
           

Maalab na pagpupugay sa iyo, Ka Dante!

Mula sa Arkibong Bayan

 

**          

 

/p

  
 

Google