|
x
UNANG TAON NI PNOY SA
LARANGAN NG EDUKASYON, BAGSAK!
Edukasyon ng piNoy,
patungong kumuNoy!
Budget sa
edukasyon kapos na kapos!
Guro at
kawani binubusabos!
Mag-aaral
at magulang, sa kahirapa’y di makakaraos!
Pahayag ng
Alliance of
Concerned Teachers
Hunyo 30, 2011
BAGSAK ANG UNANG TAON
NI PNOY sa larangan ng
edukasyon para sa mga guro at kawani sa sektor ng edukasyon! Ipinakita sa
pagsisimula ng pasukan nitong nakarang Hunyo 6 ang kawalan ng kapasyahan
ng rehimeng Aquino na resolbahan ang malalang krisis sa edukasyon na
nararanasan ng mamamayan. Sa halip na solusyonan ang krisis sa edukasyon
na iniwan ng nakaraang rehimeng Macapagal-Arroyo, pinalala pa ni PNoy ang
krisis sa edukasyon na ating nararansasan. Muling pinapasan ng mga guro,
kawani, mag-aaral at magulang ang kahirapan sa papalalang mga backlogs
ng mga batayang pangangailangan sa mga eskwelahan ng mga nakaraang taon –
papalalang kakulangan sa mga guro, silid-aralan, libro, upuan, bentilasyon,
palikuran at kakulangan mismo ng paaralan.
Walang ibang salarin sa ganitong masahol
na kalagayan ng sistema ng edukasyon, kundi ang patuloy na mababang
paglalaan ng pondo ng gubyerno para sa pampublikong edukasyon sa lahat ng
antas – mula kindergarten hanggang kolehiyo. Patunay dito ang patuloy na
paglalaan lamang ng humigit-kumulang 3% ng GDP ng bansa para sa edukasyon
(imbes na 6% ng GDP na international standard), samantalang papalaking
paggastos naman sa pagbabayad ng utang panlabas, pork barrel, gera at
panunupil sa mamamayan, at programa sa dole-out gaya ng Conditional Cash
Transfer (CCT).
Budget sa
edukasyon, kapos na kapos!
Kapos na kapos ang alokasyon sa budget
ngayong 2011 para sa Department of Education (DepEd) at State Universities
and Colleges (SUC’s). Sinasalamin ng General Appropriation Act (GAA) 2011
para sa DepEd at SUC’s ang patuloy na pagpapabaya ng gubyerno sa ating
public basic education at pag-abandona naman ng gubyerno sa ating public
tertiary education.
Ang P192,087,002,000 ng DepEd ay
hindi makalulutas sa malubhang kakulangan para sa taong 2011 ng 101,612
regular na guro, 66,800 silid-aralan, 135,847 palikuran, 2,573,212 upuan,
at 95,557,887 na libro. Pinasahol pa ito ng gubyernong Aquino sa
pamamagitan ng adelantado at sapilitang pagpapatupad ng programang
universal kindergarten na nagtatakdang dapat daanan ng mag-aaral, bago
tanggapin sa grade 1.
Ang programang universal
kindergarten ay walang kaukulang batas, kung kaya’t walang kaukulang
pondo. Dahil walang kaukulang pondo, walang sapat na paghahanda. At dahil
walang batas, pondo at sapat na paghahanda, tiyak na wala itong kalidad.
Magkahalintulad ang kalagayan ng basic
education at tertiary education sa ating bansa. Sinasalamin ng
P22,035,085,000 budget para sa mga SUC’s ngayong 2011 ang patuloy na
pag-abandona ng gubyerno sa tertiary education. Patunay sa patuloy na
pag-abandona ng gubyerno sa SUC’s ang Zero Capital Outlay nito, budget
cut sa MOOE, hindi paglikha ng mga bagong item para sa karagdagang faculty
at kawani, at muling hindi paglalaan ng pondo sa GAA 2011 para sa
promosyon at regularisasyon ng mga kasalukuyang faculty at kawani ng SUC’s.
Guro at kawani,
binubusabos!
Dahil sa kapos na kapos ang budget na
inilalaan ng gubyerno para sa edukasyon, busabos ang kalagayan sa
pagtuturo at paggawa ng mga guro at kawani sa public basic and tertiary
education. Busabos din ang pagpapasweldo at benepisyong ibinibigay ng
gubyerno sa kanila.
Kung naging karaniwan na sa mga guro sa
basic education ang magturo sa may 50 hanggang 70 mag-aaral, karaniwan na
din ito ngayon sa mayorya ng mga SUC’s ng bansa. Sa PUP, EARIST, TUP at
iba pang SUC’s , ang mga faculty ay nagtuturo sa may 50-70 mag-aaral bawat
klase sa mga silid-aralang nilikha lamang para sa maximum na 30 mag-aaral.
Wala ding sapat na silid-aralan, upuan, bentilasyon, libro, silid-aklatan,
laboratoryo at iba pang kailangan sa pagtuturo sa mga SUC’s.
Kung iisa o iilan lamang ang kawani sa mga
paaralan sa public basic education, papaliit naman ang bilang ng mga
kawani sa mga SUC’s. Hilong-talilong sila sa pag-asikaso sa mga guro at
administrador upang matugunan ang kanilang pagiging katuwang ng ating mga
guro sa pagbibigay edukasyon sa mga mag-aaral.
Pinalalala pa ang ganitong masahol na
kalagayan sa pagtuturo at paggawa ng mga guro at kawani sa public basic
and tertiary education sa bansa, ng busabos na pagpapasweldo ng gubyerno
sa kanila.
Ang kasalukuyang living wage sa NCR ay
tinatayang nasa P21,054 kada buwan o P957 kada araw. Samantalang mayorya
ng guro sa public basic education ay nasa Salary Grade 11 (SG 11) na
tumatangap lamang P17,099 kada buwan o P777 kada araw, at marami sa mga
faculty sa mga SUC’s ay nasa Salary Grade 12 (SG 12) na tumatangap lamang
P18,333 kada buwan o P833 kada araw. Ang ganitong pasweldo ng gubyerno sa
ating mga guro ay hindi makatarungan sa kanilang marangal na propesyon.
Mas masahol ang pasweldo ng gubyerno sa
ating mga kawani sa public basic and tertiary education. Malaking bilang
ng ating mga kawani ay nasa sub-professional category na may rank na
Salary Grade 1 (SG 1) hanggang Salary Grade 9 (SG 9). Ang may rank na SG 1
hanggang SG 9, ay tumatanggap lamang ng buwanang sweldo na P8,287 hanggang
P14,857 o P376 hanggang P675 kada araw. Lubhang malayo ito sa living wage
sa NCR. Bukod pa, nilalabag mismo ng gubyerno ang sarili nitong batas na
P404 minimum na pasahod sa NCR, para sa mga kawaning nasa SG 1.
Dagdag na pambubusabos sa mga guro at
kawani sa public basic and tertiary education ang kawalan ng promosyon at
regularisasyon sa matagal na panahon.
Mayorya ng mga guro sa kindergarten ay
kontraktwal. Laganap na rin ito sa mga guro at kawani sa mga SUC’s.
Malaking bilang ng mga guro at kawani sa PUP, EARIST, TUP, iba pang SUC’s,
at maging sa UP ay kontraktwal o hindi tenured. Mabigat rin ang teaching
load ng mga faculty natin sa karamihan ng mga SUCs. Mula 18 units hanggang
24 units ang karaniwang ipinapatangan sa mga instructor o propesor.
Kaya napakalimitado ng oras
nila sa paghahanda at paggawa ng pananaliksik.
Matagal na panahon din na hindi
na pro-promote ang malaking bilang ng mga faculty at kawani sa SUC’s dahil
sa kawalan ng pondong inilalaan ng gubyerno para sa promosyon. Kung may
promosyon man na nagaganap ay kinukuha sa savings ng mga SUC’s ang
pandagdag sa sweldo ng mga na pro-promote. Ang mga savings na ito ay
kadalasan nagmumula sa mga dagdag tuition o bayarin ng mga estudyante na
karamihan ay hirap na nga sa pananatili sa kolehiyo at mga kita sa
pagpapaupa sa ispasyo ng mga kolehiyo sa mga negosyante sa halip na
gamitin ito sa tuwirang pang-akademikong programa.
Sa ganitong kalagayan, ang
ating mga guro at kawani sa public basic and tertiary education ay kayod
kabayo subalit walang pag-asenso.
Mag-aral at
magulang, sa kahirapa’y hindi makakaraos!
Ang pagpapatuloy ng kapos na
kapos na pondo at ganap na pag-abandona sa public basic at tertiary
education ay patuloy na magpapahirap sa mga mag-aaral at kanilang mga
magulang. Tulad na lamang ng pagsasalampak ng gubyerno sa may 1.9 milyong
kindergarteen students, edad 5, sa masisikip na kwartong tila kulungan –
walang bintilasyon, walang upuan, walang libro, walang tubig at palikuran,
at iba pang kagamitan sa pag-aaral.
Sa ganitong gawi ng gubyerno,
hindi kailanman masusolusyonan ang papalalang mga backlogs ng mga batayang
pangangailangan sa mga eskwelahan. Patuloy lamang na maghihirap ang mga
mag-aaral at magulang sa ganitong kalagayan. Patuloy lamang na walang
kalidad na edukasyon ang matatanggap ng mga mag-aaral at mamamayan.
Ang kapos na kapos na
pagpopondo at ganap pag-abandona ng gubyerno sa public basic and tertiary
education, ay ganap na pagsusubo din ng gubyerno sa mga mag-aaral at
kanilang mga magulang sa mga profit-oriented educational corporations and
institutions, at gayundin sa mga nagpapanggap na mga non-profit
educational institutions. Patunay
sa ganitong kalagayan ang samu’t saring income-generating-projects (IGP’s)
at tuition and other fee increases sa mga SUC’s at private Higher
Institutions.
Edukasyon ng piNoy,
patungong kumunoy!
Dahil pinalalala pa ng husto ng gubyernong
Aquino, partikular ni PNoy, ang masahol na ngang kalagayan ng sistema ng
edukasyon na iniwan ni Gloria Macapagal-Arroyo, WALA sa kamay nito ang
tunay na pagtahak sa tuwid na landas at tunay na pagbabago. BOGUS at AMPAW
ang reporma sa edukasyon na isinusulong nito. PAPAATRAS at HINDI PASULONG
ang tinatahak nitong pagbabago. At sa ganitong kalagayan, tiyak na ang
edukasyon ng piNoy ay patungong kumuNoy!
Kaya’t mga guro, kawani, mag-aaral at
magulang, ating pahigpitin ang ating pagkakaisa. Sapagkat nasa ating
pagkakaisa ang tunay na lakas para sa tunay na makabuluhang reporma sa
edukasyon at nasa ating sama-samang pagkilos ang tunay na pagtahak sa
pagsulong at tunay na pagbabago!
BUDGET SA
EDUKASYON, ITUMBAS SA 6% NG GDP!
UPGRADE TEACHERS and
FACULTY SALARIES, NOW!
S.G. 16 STARTING
SALARY OF INSTRUCTOR I!
S.G. 15 PARA SA BASIC
EDUCATION TEACHERS!
DAGDAG NA P6,000 SA
MINIMUM PAY NG MGA KAWANI!
RE-CHANNEL THE BUDGET
FOR DEBT SERVICING, MILITARY SPENDING, CCT DOLE-OUT FUNDS TO EDUCATION AND
OTHER BASIC SOCIAL SERVICES!
|