|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
Plaza Miranda
Gem Karlos Aramil
Dito sa Plaza Miranda,
nagtitipon ang mga aktibista.
Sila rito'y nakikipagbuno--
dahil sa inutil na gobyerno,
para sa inaasam nilang pagbabago.
Dito sa Plaza Miranda,
ay kay raming relihiyoso.
Dito kadalasan nagsisimba ang mga katoliko.
Dahil sila raw ay mababait na tao,
kaya sila'y nangangarap maging santo.
At dito sa Plaza Miranda,
makikita si Da Lolo.
Ang masipag at mapagmahal na lolo.
Si Da Lolo ay nagtitinda ng sigarilyo,
kasama n'ya rito ang kanyang apo.
|
 |
|
Katulad din ng iba
si Da Lolo ay may pangarap,
'yun ang makaahon sa hirap,
kaya siya ngayo'y nagsusumikap.
Pinag-iwanan man ng bulok na sistema,
kadakilaan nya'y aking lubos na kinikilala.
-para kay Da Lolo
Setyembre 14, 2011
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
 |
x
Hindi Niya Kaya
-ni Lenkurt Lopez
Sa lugar na itinuturing na paraiso ng sakripisyo;
Iniisip n'ya-
Ibinubulong n'ya sa hangin ang pag-asa,
kasama ang dasal.
Kahit nauutal-
tuloy ang pangarap.
Tuloy ang dalangin-
tuloy-tuloy.
Hindi siya bumibitaw sa pagkakahawak sa rosaryo.
Hindi siya bumibitaw sa hawak niyang pag-asa.
Sa lugar na itinuturing na paraiso ng sakripisyo;
Kaya pa niyang hawakan ang itinitindang sigarilyo.
Kaya pa niyang hawakan ang liwanag na sa kanya'y nagbibigay saya.
Kaya pa niyang hawakan ang liwanag na sa kanya'y nagbibigay ngiti.
Sa lugar na itinuturing niyang tambakan ng mga dalangin;
iniisip niya-
itinatanong niya sa harap ng mga Santo,
kung makakarating pa sa langit ang kanyang mga dalangin.
O patuloy ba itong haharangin ng mga taong sakim.
Ibinubulong niya sa harap ng mga Santo ang kanyang kaisa-isang hiling--
na huwag muna siyang kukunin.
Kahit sumusuko na ang kanyang katawan.
Kahit nakatakda na ang kanyang kamatayan.
Dahil ayaw niyang iwan-
ang kaisa-isa niyang kayamaman.
Sa lugar na itinuturing na paraiso ng sakripisyo;
Haharapin niya ang lahat ng pagsubok.
Haharapin niya ang lahat ng pasakit.
Kaya niyang magtiis.
Kaya niyang tiisin ang mga langaw-
Langaw na bumubulong sa kanya para bumitaw.
Sa lugar na itinuturing na paraiso;
Isang paraiso ng mga taong hindi nagsasawa sa himala-
at pagpapanggap;
Hindi n'ya kayang tanggihan ang inilalakong pangarap.
Hindi n'ya kayang mamatay sa harap ng kaisa-isa niyang kayamanan.
Hindi niya kaya.
Hindi niya kayang sumuko.
Hindi niya kaya.
Sa lugar na itinuturing na paraiso-
isang paraisong makasalanan.
Sino ba naman ang taong mapayapang tatawid sa kawalan?
Kung hindi n'ya alam ang kahihinatnan ng kanyang maiiwan?
|
|
Ang Aking Apo at Ang
Katanghaliang Tapat
ni Emmanuel Halabaso
Mainit ang sikat ng araw, apo
Halina't sumilong muna tayo
Pagmasdan mo mula doon
Ang larawang hindi mo pa naiintindihan.
Nakikita mo ba si Nanay at Tatay mo?
Ang kanilang balat ay naiingit sa akin
Ramdam mo ba, apo?
Tuyo at lukot na ang balat ni Lolo
Umaasa pa din balang araw makatisod ng ginto
Na sasaklolo sa maralitang luho.
Nakita mo na ba si Nanay at Tatay mo?
Ibaba muna kita, apo
Masakit na ang likod ni Lolo
Hayaan mo bili muna kita ng kendi
Dos pesos ang tatlo
Sa akin, sa iyo at ang sobra baon mo
Apo, nakita mo na ba ang Tatay at Nanay mo?
Tawagin mo't medyo paos na ako
Kanina pa ako nagsusumigaw dito.
Isang kahang sigarilyo.
Tatlong pirasong Mentos.
Mamaya magsasalo tayo sa limang pirasong tuyo.
Nakita mo na ba ang Tatay at Nanay mo, apo?
Ngitian mo sila tulad ng pagngiti mo sa akin
Katumbas ng isang tanghaliang pinalampas
Ang ginhawang mula sa iyong labi.
Tawagin mo sila, apo.
Tawagin mo sila.
Si lolo ay nanghihina na.
|
|
|
|
|
|
|
|
|
Ipinanganak ako sa
Plaza Miranda
ni Pia Montalban
Ipinanganak ako sa Plaza Miranda
Sa gutter ng lipunang mapagsamantala
Araw-araw akong naging saksi
Sa bawat debotong nakaluhod kung tumungo
Sa altar ng Poong mapanibugho
Ngunit ngingisi-ngising demonyo
Paglabas nang peryang nag-anyong Palasyo
At napagaralan ko
Sa pagpapalit-palit ng panahon
Ay pagpapalit-palit din ng pangalan ng poon
At ang iba't ibang uri ng poon
Sa kabila ng naghuhumindig na homiliya
Ng iilang mga paring pumupoon sa ibang puson
Ngunit makapal ang mukhang
Humarap sa madla bilang alagad ng Poon
Silang naglilingkod sa iilan
At di kailanman kumampi sa mas madaming
Inaapi.
Nakabisado ko na din
Likaw ng mga bituka ng eskinita
Mga pasilyong mapagtataguan
Sakaling rumonda
Mga poong naka-asul na tsapa
Mga poong nangongotong ng pera
Wala nang hiya-hiya
At di na dumadaan
Sa mga huwad na bibliya
Upang makahingi ng barya
Mula sa inaping masa
Magpipinsan ang mga poon na ito
Mga poong ang bitbit daw ay Maykapal
Pati mga poong sadyang Makakapal
Dito na din ako natuto
Dito sa Plaza Miranda
Kung paanong mabuhay
At makakain nang wasto
Kung paanong kailangang
Magnegosyo
Sa abot ng makakaya
Ay makapagbenta't
Maglako
Maglako ng kapalaran
Sa mga barahang walang muwang
Maglako ng tsitsirya, babolgam,
Yosi, kendi, at iba pa
Maglako ng mga laruan
Mga lobo, sa iba't iba nitong hugis
At kaanyuan
Maglako ng mga gamot na herbal
Pito-pito, Sambong, at iba pa
Pati iyong pamparegla
Pampakitil ng bagong buhay
Na mamalasing mabuhay
Sa mundong
Kahit katawa't kaluluwa'y ilalako
Makakain lamang nang husto.
|
Dito na din ako sa Plaza Miranda
Umibig, nanambitan,
Nag-nobena ng panliligaw
Hanggang sa mahimala kong matanggap
Ang kay tamis na Oo ng iniibig kong dilag.
Ipinanganak ako sa Plaza Miranda
Sa gutter ng lipunang mapagsamantala
Saksi pati kampanilyang niluma na
Pati mga walang kibo't sementadong santo
Sa kalikasang nilikha
Nang mga iilang ganid sa balat ng lupa
Dito na din sa gutter ng Lipunang mapagsamantala
Dito mismo sa Plaza Miranda
Sa Plaza Mirandang saksi ng mga sugatang rallyistang
Binomba ng mga poong nilikha sa panahon ng diktadura
Dito sa Plaza Miranda
Sa Plaza Mirandang mapaghimala
Sa Plaza Mirandang saksi ng bawat protesta
Iniluwal mga lahi kong aba
Mga bagong henerasyon
Ng mga biktima ng pagsasamantala
Ay dito, dito sa Plaza Miranda
Nagtatagpo ang mga poon
Ngunit ayaw ko munang mamatay
Nang di pa dumadating ang siyang tunay na poon
Nang di pa nahahayag ang tunay na Paghuhukom
Nang di pa napapatas timbangan ng mga inaglahi ng batas
Nang di pa nahahayag ang Mabuting Balita
Ng ganap na paglaya
Ay dito, dito din sa Plaza Miranda
Tiyak na dadaan
Pinakahihintay kong katapusan
At dito ko na hihintayin
Mga pangako't panambitan
Ng mamamayang mahimalang
Nagtaya ng Oo
Para sa ating bayan
Oo dito,
Dito din iyon
Sa makasaysayang
Plaza Mirandang
Nagluwal
Ng mga gaya kong aba
Sa Lipunang mapagsamantaIluluwal mga pagtindig
Mga paglaya |
|
|
|
|
|
x
Natutulog Pa Rin Ang
Negrong Nazareno
ni Rogelio L.Ordoñez
September 14, 2011
ilang kahang sigarilyo, lolo hugo
sa maghapo’y kailangang ibenta mo
para maibili ng pansit-gisado
sa restawran ni be ho
sa kanto ng elizondo
naghihintay mong bunsong apo
sa nakaluhod na barungbarong
sa gilid ng mabahong estero?
ostiya na lamang kaya ang iuwi mo
sagana sa altar ni padre san pedro
sabawan ang kanin ng agua bendita
baka maglasang kalderetang tupa
sa bibig ng namayat lumuluhang sinta
natutulog pa rin ang negrong nazareno
sa loob ng eskaparateng salamin.
gaygayin mo man, lolo hugo
mulang bibig ng r. hidalgo
hanggang dibdib ng bilibid viejo
wala kang matatalisod ni piso
walang pandesal mula sa langit
walang lugaw sa pondang maanghit
sa paa mo’y biglang hahaplit
sigarilyo ng mga sugapang gaya ko
magpapakislap sa mata mo, lolo hugo
natutulog pa rin ang negrong nazareno
sa loob ng eskaparateng salamin.
ilang dekada na ba, lolo hugo
nagtitinda ka ng tingi-tinging sigarilyo?
nagtagpo na tayo sa plaza miranda
sa maalab, madugong mga protesta
sa panahon ng malagim na diktadura
mabulas ka noong gaya ko
sumasabit pa sa mga estribo
sa mga sasakya’y nakikipagpatintero
ngayo’y kapwa lolo na tayo
natutulog pa rin ang negrong nazareno
sa loob ng eskaparateng salamin.
ilang dupikal na ba ng batingaw, lolo hugo
sa pandinig mo’y umalingawngaw?
ilang himno’t salmo na ba ang nagpasayaw
sa utak mong humihiyaw?
sigarilyo, sigarilyo kayo diyan!
bawal mang hithitin sa maraming lugar
pero usok ng tambutso ng mga sasakyan
di lason sa hungkag na tiyan
sa kauri nating laging nagkakalkal
ng grasyang mula raw sa poong maykapal
paano pakakainin apong naghihintay?
natutulog pa rin ang negrong nazareno
sa loob ng eskaparateng salamin.
anong malay natin, lolo hugo
baka sa wakas magising din
sa pagkakahimlay nazarenong negro
sa yakap at halik ng milyong deboto
baka biglang bumangon din
sa dasal at misa ni padre san pedro
espada’y hawakan
putulin ang ulo
ng mga ganid sa mga palasyo
busbusin ang tiyan ng mga impakto
upang grasya nati’y di nila masolo
malay natin, lolo hugo
kapag nagising negrong nazareno
itataas natin ang kalis ng dugo
bendisyon ng tabak at koro ng bomba
iparirinig natin sa mga asyenda
sa mga empresa at mga pabrika
sa naglumot na kuta ng inhustisya
prusisyon ng masa’y agad huhugos
palalayain ang uring busabos!
oo, lolo hugo
kapag nagising negrong nazareno
di ka na magtitinda ng sigarilyo
litson adobo’t asado na iuuwi mo
sa pinakasisintang bunsong apo
pero, sa ngayon, lolo hugo
natutulog pa rin ang naegrong nazareno
sa loob ng eskaparateng salamin.
|
 |
| |
|
|
 |
| |
|
|
 |
| |
|
|
 |
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
Pag-ibig ang
Tanging Lunas
ni Aris Remollino
I. Agaw-buhay ang pantawid-buhay
Si Lolo ay nangangalakal araw-araw
ng isang paketeng kamatayan
sa agaw-buhay niyang hanapbuhay.
Ngunit hindi rin niya nais
pumatay ng kapwa tao.
Hindi iyon ang pakay niya.
Minsan ay kailangan talaga ng palitan
sa pagitan ng kamatayan at kabuhayan.
Minsan ay kailangang mangalakal ng kapahamakan--
pambili man lang ng hangad na kaligtasan.
Wagas ang pag-ibig ni Lolo para kay Apo.
Ayaw niyang mamana ni Apo
ang uring buhay na agaw-buhay.
Ayaw niyang lumaki si Apo
sa ganoong uri ng pantawid-buhay.
At patuloy na maghahari sa mga tulad nila
ang larangan ng agaw-buhay
habang may iilang uring naghahari
ang umaangkin sa pantawid-buhay.
II. Pag-ibig ang kasagutan
Umawit si Rico Blanco noon:
"Panahon na naman ng pag-ibig."
Maraming nakikinig ang nag-akalang
may bago siyang iniibig.
Ngunit hindi bago ang inaawitan niyang pag-ibig.
Sintagal na ng konsepto ng pagiging Pilipino
ang pag-ibig na inaawitan niya noon.
Pag-ibig sa bayan ang inaawitan niya.
Nakalubog sa dugo ng bawat isa ang konsepto--
nag-aagaw buhay sa dugo ng iba;
nawawalan ng buhay sa dugo ng iba;
nabibigyang-buhay muli sa dugo ng iba.
Kung paanong iniibig ni Lolo si Apo niya,
ganoon din dapat ang isukling pag-ibig sa kanila:
pag-ibig na walang alinlangang kumitil--kung kailangan,
maiwasto lang ang antas ng pang araw-araw na kabuhayan.
Pag-ibig ang tanging lunas--
pag-ibig ang tanging kasagutan.
Pag-ibig ang siyang magwawakas
sa kanser na patuloy na lumalason
sa kaluluwa ng sangkatauhan.
|
x
Love is the Only Answer
by Aris Remollino
I. The sustenance is in need of sustenance
The Lolo trades day by day
in one packet of death
to earn for his barely living livelihood.
Still, he does not wish in kind
to kill his fellow kind.
This has never been his objective.
Sometimes there comes a need for trade
between life and death--livelihood against murder.
Sometimes there comes a need to trade in danger,
if only to trade for safety in exchange.
The Lolo's love for his Apo is deep.
He does not wish the Apo to inherit
the kind of life that clings to life.
He does not wish the Apo to grow up
sustained by such unlikely sustenance.
And their class will continue to be ruled
by a trade of life that clings to life
as long as there are those few of the ruling class
who live with sustenance, in the lack of many for it.
II: Love is the only solution
Rico Blanco played that song back then:
"Panahon na naman ng pag-ibig."
Many who listened had also thought
he was singing of a new love in his life.
But the love he sang was never new to his life.
It was a love that has endured as long as every Filipino--
that was the kind of love he was singing of.
Love for one's country was the hymn he sang.
It is a concept buried deep within each person's blood--
for some, it barely clings to life;
for some, it loses the breath of life;
yet for some others, it breathes a new kind of life.
The kind of love the Lolo gives to his Apo
is the same kind of love we must give to them in return:
a love that does not hesitate to slay--if necessary,
to level one's day-to-day livelihood.
Love is the only solution--
love is the only answer.
Love that brings down death
to the still-living cancer
that plagues the dying soul of mankind.
|
|
|
|
|
|
|
= |
|
|
|
|
|