Tribute to Ka. Daniel Imperial  (1982 -2011)

and Ka.Clarisa Sta. Maria (1984 -2011)

 

November 7, 2011

 

■   Some musical works of Ka Daniel Imperials

/p

 

 

     
There are more terrible things in this world than death,
And you offered your life to fight them. You will be missed.

 

The bright student and iskolar ng bayan
who went to the UP College of Music

 


The activist and revolutionary
 
/p

/p
 
           

Urn with the ashes of Ka Daniel  surrounded by his favorite violin and flute and emblem
     

x

Dani Misalucha
By Teo S. Marasigan

November 4, 2011

http://pinoyweekly.org/new/2011/11/dani-misalucha-2/


Ganyan kung tawagin ng mga kaibigan at kasama niya si Daniel C. Imperial, Jr., 29, aktibistang mula sa College of Music sa Unibersidad ng Pilipinas–Diliman na naging kasapi ng New People’s Army at napatay sa pagsalakay ng militar nitong 27 Oktubre sa Cagayan Valley. Naging kagawian ng mga aktibista ang magbansag, at may mga panahong nagagamit ang mga alyas – lalo na kay Daniel mula nang siya’y maging NPA.

(1) Maraming pakahulugang natitipon sa pangalang iyan. Ang paghanga niya sa mahuhusay na mang-aawit na babae, kasama na si Lani. Ang husay niya sa pagkanta, gayundin sa pangkalahatang pagpapasaya o pag-entertain sa kausap. Isama na ang pagiging “diva” niya sa totoong buhay: napaka-talentado, napaka-maalab sa mga bagay na kinatutuwaan at kinaiinisan, napaka-demanding sa sarili, sa mga kasama at kaibigan.

“Napaka-demanding.” May nagbago at hindi nagbago kay Daniel sa pagiging NPA, na makikita sa pana-panahong pagdalaw niya. Ang dating mabilis uminit ang ulo, naging mapagpasensya. Ang dating mapangutya, naging mapagpaliwanag. Ang dating nakakanerbyos kausap, naging magaan. Pero hindi siya nagbago sa pananalig na pwedeng magbago at umunlad – ang sarili, ang pakikibaka, at syempre ang lipunan.

(2) Bakla siya, bagay na hindi niya ikinaila kahit kailan at ipinagmalaki pa nga. Alam niya kung paanong hindi matanggap ng iba ang pagkabakla kaya isinisisi ito sa iba’t ibang dahilan, na para bang kaya niyang gumising isang araw at hindi na maging bakla. Nakatulong ito para maunawaan niya ang mahihirap – na ang kahirapan ay isinisisi ng mga hindi umuunawa sa “katamaran,” “hindi pagsusumikap” at kung anu-ano pa.

Alam niya kung paano isantabi, maliitin at kutyain dahil sa kung sino siya. Sa ganito, mas naunawaan niya kung paano maging maralita. Naging lagusan ang personal na karanasan niya ng pakikiramdam, o pakikibahagi sa nararamdaman, ng iba. Syempre, alam niyang hindi sa antagonistikong pakikitunggali mareresolba ang diskriminasyon sa mga bakla – hindi tulad ng pagsasamantala, pambubusabos at panunupil sa mahihirap.

(3) May mga aktibista, lalo na iyung mga galing sa uring petiburges, na dumaan sa yugto na lubos ang paniniwala sa rebolusyon at mga prinsipyo nito, pero may huling personal na reserbasyon bago yakapin nang buung-buo ang pakikibaka. May iba, kinailangan munang makita ang suporta ng mga magsasaka. May iba, gusto munang makitang hindi paulit-ulit lang at may pag-unlad. May iba, gusto lang makita ang sariling lugar sa lahat.

Si Daniel, ang huling reserbasyon ay sa paggamit ng mga kanta ng kulturang popular para maghatid ng rebolusyunaryong mensahe. Hanggang minsan, narinig niya ang ilang magsasaka na kinakanta ang “Boulevard” ni Dan Byrd na nilapatan ng mga titik na rebolusyunaryo. Sa puntong iyun, sabi niya, nabuo ang pasya niyang sumampa. Nitong huli, mga rebolusyunaryong kantang mala-Aegis ang ipinagmamalaki niyang likha nila.

(4) May kakaiba siyang gamit sa wika. Noong uso ang pa-sosyal na wikang bakla, parang pinulot sa kung saang parlor ang mga salita niya: “lapes,” hindi “lafang” (pagkain), “was,” hindi “wiz” (hindi). Nitong huli, may magagandang baon siya, malamang mula sa erya. “Ayan. Ayan tayo eh…” kapag may pinupuna. Sinabihan daw sila na paghusayan ang gawaing pagpapalawak. Ang sagot niya: “Oo na, oo na. Heto na nga kami eh.”

(5) Diva si Daniel, pero hindi mapagmataas. Mas gusto niya sigurong inaalala nang tumatawa, higit pa sa humahanga. Wala yata siyang nakausap nang matagal-tagal na hindi niya napatawa. Kaya mahal na mahal daw siya ng mga kasama at masa. Hindi siya pa-star, pero star: isa sa mga bituin ng pakikibaka sa buong bansa. Namatay man siya, patuloy siya sa pagbibigay-liwanag sa mga gustong kumuha ng direksyon at sumunod.

Napakahirap isiping patay na si Daniel. Hindi maiwasang maisip na kung buhay pa siya, pinatigil na niya ang pagbuhos ng mga parangal. Hindi siya komportable kapag siya’y pinupuri. Nagluluksa lang kami ngayon, Daniel. Pero oo na, oo na. Heto na kami.

 

     
     
           
     
     
     

 

 

Elehiya para kay Daniel Imperial, Jr. (1982-2011)
By Rolando B. Tolentino

November 7, 2011
 


Hindi ka na inabot ng trenta, ang edad ng pamamaalam sa kabataan at pag-ako ng responsibilidad para sa sariling pamilya. Pamandali kang natanaw at nakilala sa unibersidad, at kagyat ang iyong desisyon magsilbi sa paglaya ng sambayanan.

Hindi nga ba ang mga puno sa bansa ay nangangalagas din? Ang mga pamumunga’y nagdudulot ng masaganang ani? Ang mga bulaklak ay nangangatuyo? At ang tuyong kapatagan ay nagiging munting dagat ng lunti?

Nandito ako sa Bluroze Farms sa Lipa City, Batangas, mala-theme park na may mga seksyon ng nakakulong na hayop, bahay ng kalapati, pakain ng ostrich, tore’t mga santo. Walang palya ang pagwawalis ng mga tuyong dahon. Manicured ang bawat tubo ng puno’t halaman, ang galaw ng bawat hayop na naglalayag sa damuhan at nakakulong sa hawla’t eskaparate.

Balita ng nakapunta na rito, ito ay ang karaniwang lugar para sa retreat ng mga estudyante. Ngayong araw, may CAT bivouac dito. Mamayang gabi ang iyong pinakahuli’t pinakamalaking parangal. Bukas ng umaga, ang iyong cremation. Mayroon akong gustong ikwento sa iyo, tawagin na lamang nating itong “Panahon at Kasaysayan”:

Sabi sa kanta ng Buklod, “Pana-panahon ang pagkakataon, maibabalik ba ang kahapon?” Paano babalikan ang kahapon kung ang kahapon ay isang pahina lamang sa panahon, kung ang panahon ay isang kabanata lamang sa kasaysayan, kung ang kasaysayan ay patuloy pa ring inaakda natin?

Mabilis ang mga langaw at itim na langgam. Sa bibig ng tasa’t baso, sa bitaw ng pilas na plastik ng kendi o ang sachet ng asukal, nandiyan na rin ang mga ito. Kalahati ng oras ay nauuwi sa pagtaboy ng kamay, sa pagprotekta sa pribadong preokupasyon.
 

Maantot ang dala ng hangin. Sa labas ay karipas ng mga sasakyan, ang walis-tingting na naglilinis sa paglagas ng dahon, ang tilaok ng tandang, ang ululong at kahol ng aso. Malalaki ang lamok, at higit na malalim ang kirot ng kanilang mga kagat. Maraming maliliit na insekto ang dumadapo sa mga mata, pinupuwing, dito pa man sa seksyon ng outdoor santo.


Nandiyan ka sa kapilya, nakahimlay sa isang nakatakip na kabaon. Hindi na panahong muli kang matunghayan. Pero nasilip kita, may scarf sa iyong leeg para takpan ang malamang ay mabangis na pinagdaanan ng inasintang bala. Nandiyan sa ibabaw ng iyong putting kabaon ang kaha ng sigarilyo’t posporo, at isang pares ng iyong paboritong tsitserya.

Naalaala ko ang komersyal ng McDonald’s, at kung paano nito ginamit bilang kwento ang awit ng Buklod; matapos ang “Huling El Bimbo” ng Eraserheads. Sa flyover ng Quezon Avenue at EDSA, nakita ko ang billboard ni Eli Buendia para sa Bench. Naalaala ko ang pagtagpo rin sa kanyang cameo sa pelikulang Rokenrol.

Naalaala ko ang ilang henerasyon ninyo sa grupong kultural sa unibersidad. Ikaw pala ang Dani Miscelucha, isang diva ng iyong panahon. Pawang nagluluksa at nagpaparangal sa iyo at sa mataas na antas ng pakikibaka na iyong itinakda para sa sarili. Ang pagluksa ay isang uri ng parangal sa isang takdang panahon. Ang transformasyon ng luksa sa tapang ay ang pinakamataas na parangal para sa tulad mo.

Ang panahon, natural na nagbabago: tag-araw sa tag-ulan sa tag-araw sa tag-ulan. Pabago-bago ang panahon: tag-init pero umuulan, Oktubre na pero mainit pa rin, Pebrero pa lang at mainit na. Nagbabago ang panahon: sa global warming, mas malalakas na ang bagyo, mas madalas na ang mahabang panahon ng tagtuyot o pagbuhos ng ulan. Binabago ang panahon: gustong gawin Agosto ang pasukan, ang mga pambansang okasyon ay isinisiksik sa three-day holiday.

Pero ang kasaysayan hindi nagbabago. Babagsak ang lumang sistema at isisilang ang bago. Ang makauring pagtutuos ang magpapabilis ng transformasyon ng kasaysayan. At ikaw ay nakapag-ambag ng butil ng langis para ang makina ng kasaysayan ay higit pang umusad sa natural nitong destinasyon. Bahagi ka na ng kasaysayan. At ito ang pinakamalaking saysay ng buhay na maaring pangarapin.

     

x

 

 

 

Plawta't Byulin
ni Omeng Rodriguez

 

Ngayong gabi, katabi ng pangalan
ng iyong mga kaanak at larawan,
nakalagak ang isang byulin na walang
kuwerdas.

Nakasandal naman ang mga plawta
sa takip ng kabaong. Na para bang
bantay,tanod o higit pa, tunay na
nagpupugay

sa iyong pagpanaw sa larangan.

Sinong mag-aakala na ang sutil
na bata: kung paano mo
pagalitan ang sariling ama kapag
kumanta ito na wala sa tono;

o kaya'y makipagbatuhan ng tsinelas
sa guro sa musika, na natawa na lamang
dahil sa hindi maunawaang eksena;

o kung paano mo ginawang
koro ang karaniwang klase
at magmistulang konduktor
ng sabay-sabay nilang pag-awit,

malilikha ang tulad mong manlilikha
hindi lamang ng sining kundi
ng kabayanihan na walang
katumbas na medalya o pagkilalang

nakakuwadro at pinirmado.

Sapagkat ang parangal sa iyo'y
mula sa bayang siya mong niyakap
sa lupang nilakaran at parang na tinahak.

Ngayon, kahit walang kuwerdas ang byulin
o hiningang tumatagos sa bibig ng plawta,
magpapatuloy ang awit hindi lamang ng iyong alaala
kundi kasabay nito ang pagtangan ng sandatang

gamit sa himig ng himagsikan,
sa musika ng digmang bayan.

 

     
     
     
           

 

Di Ako Naiinip
ni Rogelio L. Ordoñez

(Pluma at Papel)

November 6, 2011

di ako naiinip
hanggang sumisikdo ang puso
hanggang kumikiwal ang dugo

pumanaw man ang mga dekada
ng pakikipagkawit-bisig sa masa
di tatakas matingkad na alaala
ng namaalam na mukha ng mga kasama
ng nagsipag-alay ng buhay at pagsinta
sa lugaming la tierra pobreza

di ako naiinip
hanggang kumukulo ang sentido
hanggang pumipiglas ang kamao

bawat araw ay dinidilig ng pag-asa
sa lagunlong ng mga protesta
laban sa naghaharing inhustisya
nagsasayaw sa telon ng mga mata
eksena ng marahas na pelikula
luwalhati’y hinahabi ng musika

di ako naiinip
hanggang humihihip ang habagat at amihan
hanggang nagkukulay-ginto ang palayan

naniniwala akong magbabanyuhay din ang lahat
maglumot man mga batong-buhay sa mga ilog
magbitak man mga burol at kapatagan
kumutan man ng dusa’t dilim ang kabundukan
hagupitin man ng daluyong ang kaparangan
natuyong mga dahon ay magluluntian

 

 

 

 

 

 

di ako naiinip
hanggang sumasagitsit kidlat sa kalawakan
hanggang dumadagundong alon sa dalampasigan

oo, mga kasama’t kaibigan
huwag mainip
ipagpatuloy ang pagtahak
sa mabatong daan
huwag mainip
di lalaging malamlam ang buwan
di mananatiling walang bituin
sa magdamag na karimlan
huwag mainip
mahahalikan din mithiing maningning
hanggang umaalingawngaw
himno ng mga tungayaw
hanggang di maibilanggo
sa yungib ng bungo
singasing ng mga punglo
di ako naiinip
huwag kayong mainip
nagkikindatan mga alitaptap
sa mahalimuyak na daan
ng laya’t katubusang
nais nating makamtam
papailanlang din sa hangin
kalansing ng nilagot
na mga tanikala
ng pagkaalipin!

           

 

Sa mga Kwerdas ng Aming Gunita
ni Pia Montalban


Kipkip ko sa 'king
Mga tainga
Mga himig na itinipa
Iindayog tibok
Ng pusong patuloy
Na gagampan
Sa awit
Ng paglilingkod
At pakikipagtalad
Na hinulma
Ng iyong mga nota.

Wala na ang plauta
At biyolin
Ngunit patuloy kitang lalaya
At sa mga kwerdas
Ng aming gunita
Magpapatuloy mo kaming
Kakalabitin,
Magpapaalalang
Kailangang magpatuloy
Sining ng paglaya
Sa sining ng buhay mong
Inalay sa masa.

Ay kasama,
Hindi na kita papangalanan pa
Sa aming mga puso,
Pangalan mo'y inukit ng punglo
Na tumapos sa iyong mundo
Ngunit mananatili kang kasama
Walang paalam
Sa aming mga labi
Sa araw na itong
Nilamon ka ng lupa
Lupang pinaglaban
Ng iyong mga awit na likha.

 

 
           
     

x

 

Parangal para kay Kasamang Daniel “Ka Epi” Imperial

Binalot ng lagim at pighati ang Sitio Bariwaray, San Miguel Baggao Cagayan alas singko y medya, umaga ng October 27, 2011. Sa pagsasa alang-alang sa mga sibilyan ng naturang lugar , piniling umatras ng mga kasama at iwasang magpaputok sa gitna ng kabahayan ng kubkubin ng mga militar. Kabilang sa apat na nagbuwis ng buhay ay ang pinakamamahal nating si Daniel “ Ka Epi” Imperial.

Maikli lamang ang kanyang buhay pero ginugol nya ito para maging huwaran at modelong komunista. Nakilala natin si Daniel bilang ka Epi, ka Tori, ka Dione, ka Emil at ka Colin. Ipinanganak sya sa Tabacco City, Albay, noong Agosto23, 1982. Sa edad na 29, larawan sya ng katapangan, katapatan, katatagan at lakas ng loob. Pinatunayan nya ang katangiang ito sa kanyang buong pusong pag-aalay ng talino, galing, lakas at buhay sa mamamayan.

“Paano tayo magiging karapat-dapat at tapat na tagapagsilbi ng mamayan kung hindi tayo karapat-dapat at tapat sa ating mga sarili bilang komunista?”, palagi itong sinasabi ito ni ka epi sa mga pakikipagtalakayan sa mga kapwa kasapi ng partido sa larangang gerilya sa Silangang Cagayan. Para sa kanya, nangangahulugan ito ng pagsisikhay ng bawat kasama at kasaping partido sa pagpapaunlad sa sarili, sa Gawain bilang rebolusyonaryo at rebolusyonaryong kilusan sa pangkabuuan.

Bagama’t nagmula sa uring peti-burgesya at nakakariwasa sa buhay, pinanday nya ang sarili bilang mahusay na kumander sa pulitika at militar. Hindi nya ginawang balakid ang kanyang piniling kasarian(bakla) upang sumabak sa hirap at kamatayang gawain at buong panahong paglilingkod sa mga magsasaka sa kanayunan. Para ke Ka Epi, tanging sa rebolusyon nabubuo ang kanyang pagkatao. Sa pagiging rebolusyonaryo lamang kinikilala ang kanyang pagiging bakla kung saan buong-buo syang iginagalang malayo sa pagtingin sa mga bakla sa kasalukuyang lipunan.
Sumapi si Ka Epi sa hukbo noong 2002 sa isang yunit gerilya sa Isabela. Agad syang sumabak sa pagsasanay pulitiko-militar sa kaparehong taon.

Dahil sa angking kakayahan at kasanayan sa musika at panulat, itinalaga sya sa espesyal na gawain at naipaloob sa isang yunit ng “ Regional Educational Dept” (RED) ng Hilagang Silangang Luzon noong 2003. Naitalaga din kaagad siyang unang pangalawang kalihim ng sangay sa propaganda sa Rehiyon noong 2004. Regular na kagawad din sya ng RED sa parehong taon.

Hindi lamang iisang awit at sulatin ang kanyang nilikha at naisulat. Hindi lamang iisang tula ang nilapatan ng musika. Lahat ng kaniyang pinag-iisipan at pinaghirapang mga likha ay narinig at umalingawngaw sa bawat sulok ng mga taniman, bundok at siyudad ng rehiyon. Pumailanlang din sa mga istasyon ng radyo ang ilan nyang likhang niyakap ng masa. Katulad din ito sa pagyakap niya sa buhay nila.Namuhay si Ka Epi sa halos isang dekada ng pamumuno sa pakikibaka ng mamamayan mula Isabela patungong Cagayan.Umugat sya sa mga lugar na kanyang kinilusan.

Kasama natin sya sa pagtatrabaho sa mga bukirin. Pinag-aralan nya ang mga trabaho sa bukid tulad ng pagtatanim hanggang pag-aani. Isa siyang mahusay na guro at estudyante ng masa. Sa mga kampuhan na pinagdarausan ng mga pag-aaral pampartido kung saan sya ang instruktor, nagpaturo sya sa mga masa ng paggawa ng “pugon” at “kalapaw”. Pinag-aralan nya din nya ang paggawa ng mga basket at bilao ng ipinamimigay nya sa mga magsasaka matapos ang pag-aaral.

Itinaguyod ni Ka Epi ang “malusog na pamumuhay” sa katwirang ang malusog na katawan at isipan ay batayan ng ating produktibong paglilingkod sa rebolusyon. Hinihikayat nya ang kanyang sarili sa regular na ehersisyo at masusutansyang pagkain. Nauna rin nyang kumbinsihin ang sarili na huminto sa paninigarilyo. Ginagabayan nya ang mga kasamang medikal sa kampanya nito sa malusog na pangangatawan para sa produktibong pagrerebolusyon. Komprehensibo sya sa lahat ng mga gawain palibhasa likas na mapag-aral.

Tunay ngang siya’y modelo at huwarang opisyal pampulitika. Hindi lamang sa gawain niya pinag-iisipan ang lahat ng epektong pampulitika sa bawat kilos ng yunit ng NPA. Hanggang sa huling hininga, mas pinili nyang magbuwis ng buhay upang matiyak lamang na ligtas ang buhay ng mga sibilyan, na sa aktawal na pangyayari sa pagkukob sa kanila ay hindi pinahalagahan ng mga pasisitang militar.

Kagawad ng larangan ng Henry Abraham Command si Ka Epi ng paslangin ng mga berdugo. Tumatayo syang Instruktor Pampulitika sa isa mga yunit ng HAC.

Sa pagpahahalaga ni Ka Epi sa buhay ng mamamayan, pinakamataas na pagpupugay ang inaalay natin sa kanya. Mabubuhay ang kanyang mga awitin, komposisyon at akda sa lahat ng dampa ng aping masa hanggang sa tagumpay ng Sosyalismo!

Mabuhay ang alaala ni Daniel “ka Epi” Imperial!
Hustisya para sa mga biktima ng pasistang Militar!
Ituloy ang pakikibakang naiwan ng mga REBOLUSYONARYONG MARTIR!
Sulong hanggang sa pagkapatas!

Arnel Sandoval
Tagapagsalita
Henry Abraham Command
Oct. 31, 2011

 

     
     
     
     
           

Kasamang Daniel as activist and revolutionary
 
           
     
     
     

x

 

Pagpupugay at paalam kay Daniel Imperial
ni Raia Dela Pena

November 3, 2011

 

Nowadays Dani Misalucha ang tawag kay Daniel pero long ago, ang tawagan namin sa isa't isa ay "di-di-di-digna!" (bilang pana-panahong utal si bakla at pana-panahon ko din siyang inaasar hinggil dito.) Naging kabahay ko si Daniel noon sa apartment nina minerva, FT na ata ako nun sa YS kaya parang hanger on/palamunin na kami nun ni minnie. Si Daniel ata nun, nagaaral pa kasi lagi siyang may dalang mga kung anik anik na mga instrumentong pinagpapraktisan niya galing college of music, ang lagi kong naaalala ay ang ingay ng kanyang violin at yung chumenelin na instrumento na laging hawak ni joey ayala sa old pictures nito (anu bang tawag doon?).

Si Daniel ay isang bonggang baklang burarang matakaw na masarap tumawa.

Ubod ng patawa, sapol na sapul kung bumanat at bumirit. Lagi kong naaalala siyang umuuwi sa apartment dala ang kanyang violin, nagkakamot ng tiyan at pusod sabay yaya sa akin, "huy madz, kain tayo nie! bili ka coke, digna!"

Ang mga pinaka-matingkad at mga nakakatawang kwento ni Daniel na naaalala ko ay mga kwentong kabataan ni bakla sa kanyang probinsya. He once told us na lumaki siyang anak ng mga aktibista sa probinsya na syempre pinalaking walang muwang sa mga ka-cheapan at tradisyon ng parokya sa baryo. "Madz, di kami IN sa parokya namin, wiz kami bet ng mga manang sa simbahan!" Tuwing may mga padasal at dalaw sa bahay ng pari at parokya, hindi dinadaanan ang bahay namin!" At syempre bilang musically talented si ateh, ang unang venue ng stardom ni Dani ay ang parokya at pagsali sa choir nila. Kelangan maging IN ang lola mo.

And so he once told us the tale of the santong bulol.

Minsan daw, panahon ng padasal sa baryo at kapag ganito, ang mga kabahayan ay dinadalaw ng Pari at mga manang para dasalan ang mga santo sa bawat bahay. Para daw madaanan ka ng pari ay mag aayos ka ng altar sa iyong harap bahay o bakuran at doon ilalagay ang mga santo ng bahay ninyo para dasalan ng pari at mga parokyano (I know this tradition bilang makadiyos ang mudra ko at active sa parokya si edios, kaya lagi kami dinadaanan ng Pari kapag panahon ng padasal) . Si Dani at ang kanyang ate, syempre forever daw silang hindi dinadaanan kapag padasal and so naisip nila mag-aayos din sila ng altar sa harap bahay nila para madaanan ni Father at finally, ay maging IN sa baryo at sa mga manang sa simbahan.

Nag ayos daw sila ng altar sa harap bahay nila, kumpleto na daw lahat: ang upuang binihisan ng kumot at ang mga kandila at bulaklak ng altar pero siyempre, dahil nga mga anak sila ng mga tibak, na-realize nila na wala silang mga santo o mga krus o mama mary sa bahay nila. At dahil gustong gustong maging IN ng batang si Dani, ipinuwesto daw niya sa kanilang makeshift altar sa harap bahay ang pinakamalapit na rebultong nakita nila – isang bulol galing Baguio.

Noong una daw ay hindi napansin ng pari at mga manang na hindi santo ang dinadasalan nila. Eventually of course they realized na bulol ang kaharap nila at imbes na maging IN sa baryo ay lalong naging notorious ang pamilya Imperial. All because of Daniel’s Santong Bulol.

I do not know if this story is true or if it’s an embellishment from Dani’s past but it’s been more than ten years since I heard that story and it still makes me laugh. And true or not, this story is vintage Dani.

Isa si Daniel sa mga naunang maghukbo sa panahon namin. One of the first ones who left and one of those who have endured.

Matagal ko na siyang di nakakausap ng personal, mga kamustahan sa FB na lang at paminsan-minsang text.

Nalulungkot at nanghihinayang na sa parangal ko na pala uli makikita si Dignang tunay.

At hindi ko na maririnig pa ang malutong at nakakabusog niyang halakhak.

Si Daniel, si Dani, si Digna. Tunay na naglingkod sa bayan. Maraming minahal at sa kanya’y patuloy na nagmamahal.

Hindi ka namin malilimutan madz.
 

The bright student and iskolar ng bayan
     
     
           
=          
==          
           

x

 

Ikapitong Sundang/ Puso II
ni Lenkurt Lopez


Inipon ng hangin ang mga tuyong dahong nalaglag mula sa puno.
Inilalarawan ang pagbulusok ngunit may pagkakaisa.
Masigasig ang hanging bumubulong-
humihiling ng panibagong rebolusyon.

Maraming dahon ang nalagas-
ngunit alam kong mas maraming pumalit.

"Alam kong babalik ang mga tulisan-
binibilang nila ang paglipas ng mga araw.
Mabango ang ating mga pawis-
naaamoy nila ang pagsibol ng ating pinaghirapan."
Huwag mabahala-
nakahanda tayo sa bawat pinsala.

Patuloy man dumanak ang dugo dahil sa digma
bawat dugong papatak ay didilig sa lupa,
sisibol at yayabong ang mga puno't magkakasanga.
Hahaba ang mga ugat na magiging sanhi ng pagkakaroon-
ng bitak at lamat sa sementadong daan
na kanilang tinatahak.

Hanggang sa-
sila'y hindi na makarating at tayo'y hindi na muling gambalain.

O
hanggang sa-
sila'y makasama sa pagkawasak ng sementadong daan.

Subalit hindi ko hihilalin ang panahon
gusto kong masaksihan
ang kapayapaang may katarungan-

walang karuwagan.

At
nakangiting sasabihing--
"ang dugong dumadaloy sa atin,
ang bumubuhay sa puno,
hangga't tayo'y nagkakaisa
humihigpit ang kapit ng ugat.
Hindi matutumba ang puno at ang pakikibaka-
tayo'y mga dahong hindi malalanta."

"Ang puno ay ang sambayanan."

 

     
     
           
     
     
     

x

 

MMMaaaddss, ikaw na!
ni tinaypalabay in Musings


Nung nalaman kong namatay si Daniel, nalungkot ako at naiyak. Iba talaga pag nakasama mo ang mga taong pinaslang. May galit, may panghihinayang, may lungkot, may hinagpis.

Pero pagkatapos ng isang araw, naisip ko, hindi ito gusto ni Daniel.
Nakilala ko si Daniel bilang isang mahusay na artista ng bayan. Bilang miyembro ng Alay Sining, naging bahagi si Daniel ng masikhay na pagsasagawa ng mga pangkultural pagtatanghal sa pamamagitan ng kanyang makapangyarihang boses (akala mo, macho!). Siya na nga si Dani Misalucha ng UP Diliman.

Nakilala ko rin siya bilang masikhay na kabataang aktibista sa Diliman. Sukdulang makaluray-luray sa kapaguran sa pagpapakilos, pag-eeduka, at pagmomobilisa ng masang estudyante para sa mga isyu at mobilisasyon, tila walang kapaguran si Daniel.

Nakilala ko siya bilang isang magiting na tagapagtanggol ng mga karapatan ng mga bakla, lesbiyana, bisexuals at transgenders bilang organisador ng Progay sa UP Diliman. Sugod mga bakla, para labanan ang homophobia at pagsasamantala! – ito ang isinisigaw ni Daniel noon.

Nakilala ko siya bilang isang boarder sa aming pambansang opisina noon sa NUSP, at doon ko lang napansin pagkatapos ng maraming taon na nakilala ko siya, na ganun siya magsalita. O weno naman, sabi niya. Nakakanta naman ako ng hindi nauutal. Tama naman.

Nakilala ko si Daniel bilang isang mandirigma. Pinasok niya ang mga larangan ng digmaan sa kampus at sa mga komunidad, ang masalimuot at matinik na digmaan hinggil sa kasarian, ang mapanganib na digmaan sa kaparangan. Kinabog niya ang iba, dahil ang dakilang propaganda nung siya’y kabataang aktibista ay kanyang isinabuhay. Pinatunayan niya ang sinasabi sa teorya at praktika na ang magpapalaya sa mga katulad niyang bakla ay ang paglahok sa pambansa demokratikong pakikibaka. Isinabuhay niya ang kanyang isang inawit noong kami’y magkakasama pa sa opisina:

Ang magbuhos ng dugo para sa bayan
Ay kagitingang hindi malilimutan
Ang katawang inialay sa lupang mahal
Mayaman sa aral at kadakilaan

Para ke Daniel, hindi na luha kundi masigabong palakpakan para sa buhay na puno ng aral at kadakilaan.

 

     
     
           
     

x

 

walang pag-iimbot na ngiti
ni Roselle Pineda

November 5, 2011

 

matagal kong iniwasan ang tahimik na sandali na gaya nito, dahil alam kong kailangan kong alalahanin ko ang mga naiwan mong marka sa aking puso. naiisip ko, baka hindi ko pa kaya, kaya kung anu-anong walang kuwentang gawain ang ipinunan ko sa mga sandaling, alam kong mapapatulala ako. marahil, dahil alam kong bukas ay pararangalan ka, hindi lamang ng mga dati mong kasama sa pinagsamahan nating organisasyon, kung hindi, alam kong sa makalawa ay ihihimlay ka na sa huling hantungan, kaya, hindi ko na rin maiwasan ang ganitong mga pagkakataon ng pagninilay at pagluluksa.

hindi gaya ng iba na maraming mga pagkakataon at kuwento na naibabahagi tungkol sa pagsasama niyo ng mahabang panahon, ang aking pagninilay tungkol sa iyo ay nananalaytay sa mga pagkakahawig ng ating katauhan. una, alam ko, pareho tayong malaki. haha. para sa iba, understatement pa ngang sabihin na malaki lamang tayo, mas harsh, mataba. matabang diva. iyon ang pangalawa, parehong diva na masungit at nag-aalumpihit ang puwit kapag merong naririnig na sintunadong kumakanta. sa mga naririnig kong kuwento tungkol sa kung paano ka manita kapag merong dispalinghadong boses sa koro, napipiho kong ang mga "nabiktima" ko ng paninita, ay di hamak na mas masuwerte pa. pangatlo, ang pagiging over the top ang energy at tunay na sinasapian ng ispiritu ng pagiging palaban lalo na sa mga banatan sa rally. isa sa mga mga malinaw na alaala ko tungkol sa iyo ay ang iyong dumadagundong na boses at literal na malakas na pangangatawan kung saan nawawalan ng bisa ang truncheon ng mga pulis sa rally kapag nagkabanggaan na. puntos. ngunit higit sa lahat, ang iyong pagiging masayahin, at, walang pag-iimbot na pag-ngiti.

ang pag-ngiti, para sa akin, ang isa sa pinaka-sinserong biswalisasyon ng emosyon meron tayo. kung ang iba, window to the soul ang turing sa mga mata, para sa akin, ang pag-ngiti ang bintana sa puso ng isang tao. kung gaano kalaki o katipid ang ngiti ng isang tao, ganoon din kabukas o kasarado ang isang tao. kung gaano kalakas o kahina tumawa ang isang tao, ganoon din kahandang magbigay o mag-imbot ang isang tao. ang hindi madalas ngumiti, mabigat. meron din namang ngiti ng ngiti pero pilit at alam mong peke. halatang-halata ang mga taong ganiyan. ikaw, ka daniel, ang iyong mga ngiti at bukas na bukas at walang pag-iimbot. napipiho kong hindi lamang iilan ang masa na inalayan mo ng iyong walang pag-iimbot na ngiti, tulad ng iyong pag-aalay ng kakayanan at buhay ng walang pag-iimbot para sa bayan. napipiho kong hindi iilang pagkakataon na ang mga ngiting yaon ang siyang naging instrumento upang iyong basagin ang pader sa pagitan mo at ng iyong mga inoorganisa, gaano ka man kasungit sa musika. napipiho kong hindi iilang beses na ang iyong walang pag-iimbot na ngiti, ang nagpasaya at nagpataas ng morale ng mga kasamang nagugupo ng kahinaan sa gitna ng digmang bayan.

isang pagpupugay sa iyong buhay kasamang daniel. makakaasa kang ang iyong mga naiwan ay hindi makakalimot sa iyong walang pag-iimbot na pag-aalay ng mga ngiti, kakayanan at buhay para sa bayan. makakaasa ka na ang aming mga sariling ngiti, matipid man o hindi, ay iaalay ng tulad mo'y walang pag-iimbot sa masa at sa bayan.

 

     
           

Kasamang Clarisa "Ka Panyang" Sta. Maria
 
     

 

Sa kanyang muling pagpasok sa relasyon at pagpapamilya taong 2009, nakita ang mas matayog pang pagtingin ni Ka Panyang sa papel ng Partido sa rebolusyon. Hindi iilang panahon na naalala niya ang anak na naiwan sa kanyang pamilya, ngunit, napakalaki ng tiwala niya sa organisasyon na tutulungan siyang maipakilala ang rebolusyon dito. Dahil isa ring ina at babae, mahigpit siyang nakikiisa sa mga plano sa pagpapaunlad ng "Womens collective" sa loob ng yunit ng hukbo. Ina siya ng mga anak ng iba pang mga kasama at masa. Likas siyang malapit sa mga bata kung saan palaging nakahanda ang kanyang mga rasyon na kendi at biskwit. Hindi nya nakakalimutan ang iba't- ibang pasalubong na ipinapamigay sa mga bata sa mga baryo. Sa muling pagpasok sa relasyon at pag- aasawa, matapos makapagsilang ng kanyang anak, walang pagdadalawang- isip na bumalik agad siya sa gawain.


Binalikan niya ang trabaho bilang Opisyal sa Organisasyon at Opisyal din sa Pinansya ng yunit. Nagwakas ang masigla at aktibong buhay ni Ka Panyang sa edad na 27 umaga ng ika- 27 ng Oktubre 2011. Pinilit pa ni Ka Panyang na "makatawid" at makaalis sa kubkob ng militar sa So. Bariwanay, San Miguel Baggao Cagayan habang nag- gagawaing masa ang yunit sa purok ng mga kabahayan duon. Ang lupaypay na katawan ay mistulang nagmula sa walang buhay ng halos durog na siyang iwan ng mga pasista kasama ang tatlo pa. Nagbuwis din sa naturang kubkob ang kabiyak ni Ka Panyang na si Ka Martin.

Sa kabila ng lagim na inihahasik ng 17th IB sa naturang pangyayari at sa marami pa, hindi mangingimi ang rebolusyonaryong kilusan at mamamayan na magpursigeng bigyan ng katarungan at hustisya ang pagkamatay nila Ka Panyang. Sa alaala at buhay na larawan ng optimismong iniwan sa atin ng ating pinakamamahal na si Clarisa, Ka Penny o Ka Panyang sa ating lahat, sama- sama tayong magpupursige sa hustisya, katarungan at tunay na kapayapaan. At tanging sa tagumpay lamang ng pambansa- demokratikong rebolusyon hanggang rebolusyong sosyalismo lamang ito makakamit.

Ipagtagumpay ang Digmang Bayan na nasimulan ng mga rebolusyonaryong martir!
Mabuhay si Ka Panyang!
Mabuhay ang mamamayang api!

Arnel Sandoval
Tagapagsalita
Henry Abraham Command

 

--------------------------------

 

 

Ka Kla
ni Beedam Dorisco

 

Isang anak
isang ina
isang babae

isang hukbo
isang rebolusyonaryo
isang proletaryado
isang komunista

isang dekada ng pakikibaka,
paglilingkod,
pagpapalaya
at pakikidigma.

Isang 'di matutumbasang pag-aalay,
pagsasakripisyo
at inspirasyon.

Isang pulang mandirigma
ng bayan,
ng sambayanang api
at ng pinagsasamantalahan.

Isang di matatawaran niyang pag-ibig
sa ama, ina,
sa kapatid,
sa anak,
sa asawa,
sa kasama,
sa masa
at sambayanan.

Isang yapak na marapat sundan
at tanganan.
Isang pagpapatuloy mula sa
ating hanay
para sa ganap na pananagumpay.

Isang karangalan
mula sa mga kasama
at mga masa
para sa
isang kasama
isang anak
isang ina
isang babae

isang hukbo
isang rebolusyonaryo
isang proletaryado
isang komunista

na tulad ni kasamang Clarissa.

 

     


Parangal kay Kasamang Clarisa "Ka Panyang" Sta. Maria

"PANYANG". Tumatak itong pangalan ng isang huwarang babae, anak, ina, asawa at higit sa lahat, rebolusyonaryo sa mga larangang gerilya ng Cagayan. Pinili ng masa ang pangalan na ito para kay Kasamang Clarisa noong 2009. Ayon sa kanila, nangangahulugan ito ng "walang- tigil na paggawa" na nakikita nilang katangian niya. Simbolo si Ka Panyang sa kasipagan, kapursigehan at kasiglahan. Siya si Clarisa "Ka Panyang" Sta. Maria, ipinanganak noong Agosto 4, 1984 sa Maynila.

Mala- manggagawa ang uring pinagmulan ni Ka Panyang. Kumukuha rin siya ng kursong business administration sa Polytechnic University of the Philippines bago kumilos sa loob ng paaralan at kalauna'y napagdesisyunang buong panahong kumilos sa kanayunan bilang kasapi ng Bagong Hukbong Bayan noong 2002. Nasa kasibulan siya sa eded na 18, masigla siyang sumampan bilang opisyal pangkultura sa mga yunit ng hukbo nuon kasama ang iba pang kabataan na nagmula sa kalunsuran. Sila rin ang mga instruktor ng mga kursong pangmasa sa pamamagitan ng Pambansa Demoktratikong Paaralan sa loob ng yunit ng hukbo.

Sa kanayunan, inaral ni Ka Panyang ang maraming bagay. Bagamat malaking limitasyon sa kanya nuon ang mabigat na timbang at may katabaang pisikal na pangangatawan, ipinursige niyang magpababa ng timbang sa pamamagitan ng araw- araw na ehersisyo atbp upang makaagapay sa mahirap na lakaran na buhay ng hukbo. Wala siyang tinatanggihan na gawain larawan ng positibong pagtingin at kapursigehan. Matiim at seryosong inaaral ni Ka Panyang ang mga gawaing ibinibigay sa kanya. Nagmumungkahi din siya ng mga pamamaraan sa mga gawain at nagbubukas kung may mga limitasyon man. Dahil sa positibong katangiang ito, nagpalipat- lipat si Ka Panyang sa iba't- ibang trabaho sa loob at labas ng sonang gerilya.

Nagbalik siya sa larangan taong 2007 kung kailan kainitan ng pagpapatupad ng rehimeng US- Arroyo ng Oplan Bantay Laya sa Silangang Cagayan. Sa kabila ng mahigpit na sitwasyong pangmilitar, nakaagapay pa rin siya sa buhay- hukbo.
 

Mapag- alalay siyang Giyang Pampulitika at Opisyal medikal sa mga sumunod na taong 2008 hanggang 2009. Sa gitna ng mga putok ng riple sa mga labanan, opensiba man o depensiba, nakangiti siya at nagpapamulat sa mga "first- timer". Kahit sa gitna ng mga kontradiksyon at masasalimuot na sitwasyon, prangka siya at bukas sa kanyang mga iniisip at nararamdaman. Kasabay nito, instruktor din siya ng Batayang Kursong Pampartido sa yunit na kanyang kinapalooban sa kanyang muling pagso- sona.
 

Sa kabila ng pagtataksil sa rebolusyon ng kanyang unang asawa at ama ng kayang unang anak, hindi siya pumayag na mahila siya nito at bumaba. Nanatiling mahigpit ang kapit niya sa rebolusyon at higpit ng hawak sa prinsipyong kanyang itinuturo. Maliwanag sa kanya ang hinaharap na tagumpay ng sosyalismo. Imbes na magpaapekto, lalo pa siyang nagsumikap na magpaunlad sa mga gawain- bilang rebolusyonaryong proletaryado.

 

2008 nang maging Opisyal sa Kabuhayan (P4) siya ng platun. Masinop at tulad ng dati, may kapursigehan pa rin si Ka Panyang sa pagtatrabaho bilang P4. Ayaw niyang nakikitang may nagugutom na mga kasama at kanilang pamilya. Maingat siya at sigurado sa mga hakbangin at plano upang maipatupad ang mga plano sa panustos ng yunit ng hukbo, gayundin ang kabuhayan ng masa sa mga lugar na kanilang kinikilusan. Panuntunan din niya palagi ang simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka kaya palagi niyang pinagkukunutan ng noo at pinag- iisipan kung paano maibibigay kahit mga personal na pangangailangan ng mga hukbo.
 

 

           
   
 
   

Some musical works of Ka Daniel

Musical
Election Jingles
Pasampa Musical
Kabataang Makabayan
Nabarbara Ngem Tikag Ti Armas Mi ita

 
   

 

 

MABUHAY ANG ALA-ALA NI KASAMANG CLARISSA STA. MARIA

Huwarang kababaihan, kabataan, kadre ng Partido Komunista ng Pilipinas at

mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan

 

Isang kababaihang estudyanteng aktibista sa Polytechnic University of the Philippines si Clarissa “Ka Penny” Sta. Maria noong 2002 nang makipamuhay sa kanayunan sa piling ng mga magsasaka. Di pa siya matagal sa sonang gerilya nang bigyan siya ng pagsasanay pulitiko-militar. Sa pagsasanay na iyon ay ipinakita niya ang kagustuhang matuto sa kabila ng mga limitasyon. Nang matapos niya ang pagsasanay, nagpahayag na siya ng desisyong sasampa na sa Bagong Hukbong Bayan.

 

Pinangibabawan niya ang patuloy na pangongosensya ng kanyang magulang na tapusin ang pag-aaral at i-angat ang kabuhayan ng pamilya. Siya ang panganay, nakatapos ng hayskul sa St. Theresa’s College-QC, at inaasahan ng pamilya na ang kita ay mula lamang sa pagpapasada ng kanyang ama sa sariling tricycle na pana-panahong tinutulungan ng ina sa pagtitinda ng lutong ulam sa harap ng bahay nila. Mahal niya ang magulang at mga kapatid, ngunit pinahalagahan niya ang katumpakan ng rebolusyonaryong pagbabago sa lipunan bilang pangmatagalang solusyon sa pag-aangat ng kabuhayan ng milyung pamilyang Filipino.

 

Una siyang kumilos sa North Front sa Cagayan. Dito siya kumilos sa loob ng apat na mabungang taon. Naging magaling siyang mandirigma at tagapagsilbi ng masa—inaalam ang problema nila at pinapamulatan sila. Naging mahusay siyang Giyang Pampulitika at Opisyal sa Panustos. Sa larangang gerilyang ito niya nakilala ang una na niyang naging asawa at nagkaroon sila ng isang anak.

 

Noong 2006, isa si Ka Penny sa napiling gumampan ng gawain bilang isa sa grupong tagapag-ugnay ng rehiyon. Hindi niya ito tinanggihan, tinaggap niya ng buong sigla ang bagong gawain kahit alam niyang malalayo siya sa asawa, at kahit maselan ang disposisyon at katangian ng gawain. Tumagal siya roon ng isang taon, kahit buntis at baguhan sa paggampan. Ilang buwan lamang pagkapanganak, nagpasya na siyang iwan sa magulang ang kanyang anak at gumampang muli ng gawain.

 

Ilang buwan matapos manganak, tumakas at nagtaksil sa kilusan ang kanyang asawa. Masakit sa kanya na ang asawang minahal ay naging instrumento ng kaaway. Tumangan siya sa prinsipyo para mapangibabawan ang demoralisasyon at sakit ng loob. Matatag siyang nanindigan na manatili sa rebolusyon—aniya’y mas mahalaga sa kanya ang rebolusyon kaysa sa asawa. Kasabay nito ang pangingibabaw pa sa ibang kahirapan, gaya ng muntik nang paghuli ng kaaway sa kanilang yunit.

 

Bumalik siya sa larangang gerilya ng Henry Abraham Front-East Cagayan noong 2008. Gumampan siya bilang Giyang Pampulitika at Opisyal sa Pinansya sa isang Seksyong Komite at OD ng Sangay ng Partido sa Platun. Buong husay at tuloy-tuloy niyang pinahusay ang kanyang pagtupad sa tungkuling ito. Sa taong iyon, muli siyang nakatagpo ng mamahalin at nagmamahal sa kanya, si Ka Martin, isang kasamang nakasama niya sa pagrerebolusyon hanggang sa huling hininga.

 

Masayahin si Ka Penny, sa kabila ng mga seryosong pagsubok na nakaharap na niya. Mahilig siyang “magpakain”— kung ano-anong simpleng gulay o delata, may sili madalas, na lulutuin niya ng maingat at titimplahin ng mabuti, saka malambing na ihahapag at hahati-hatiin para kainin ng lahat. Mapagmalasakit siya sa mga kasama; sa isang depensibang labanan noong 2009, hindi niya iniwan ang ka-buddy na integri kahit pa makapal ang putok ng kaaway.  

 

Mapagbiro siya at mahilig makipagkuwentuhan, pero seryoso kung gumampan sa trabaho. Nag-ambag siya sa pagsusulong ng kilusang masa, pagtataas ng antas ng organisasyong masa, pagbibigay ng pag-aaral sa mga magsasaka, pagrerekluta ng mga kasapi ng Partido at pakikipag-alyansa sa mga gitnang pwersa sa eryang kinilusan. Interesado siyang mag-aral, hindi siya nangingiming sabihin kung hindi niya maintindihan ang isang paksa at ipapaulit ito para mas maunawaan niya. 

 

Ipinanganak niya ang pangalawang supling noong Mayo 2011. Ipinaalaga niyang muli ang anak para makabalik na sa sona at gumampan sa trabaho. At noong Oktubre 28, isa si Ka Penny sa nasawi sa isang depensibang labanan sa Sityo Barang, Barangay San Miguel, Baggao, Cagayan.

 

Isang huwarang babae at kabataan si Ka Penny, isang komunistang matatag na nangibabaw sa mga problemang pampersonal. Mahahalaw na aral sa kanya ang katatagan at determinasyon na mapangibabawan ang mga balakid at limitasyon upang maipatupad ang gawain. 

 

Mabubuhay si Ka Penny sa aming ala-ala. Isulong ang digmang bayan tungong estratehikong pagkakapatas hanggang ganap na tagumpay!

 

 

 

Tularan si Ka Efi, Tumangan ng Armas at Ipagwagi ang Digmang Bayan

Parangal kay Kasamang Daniel Imperial, manggagawang pangkultura,

kadre ng Partido Komunista at mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan

 

Nagdadalamhati ang buong rebolusyonaryong puwersa sa Cagayan Valley sa pagpanaw ni Kasamang Daniel "Ka Efi" Imperial at tatlo pang kasama na nagbuwis ng buhay sa isang labanan sa Barangay San Miguel, Baggao, Cagayan noong madaling araw ng Oktubre 28, 2011. Nakapugay ang ating  mga sandata at nakataas ang ating mga kamao para kay Ka Efi—mahusay na kabataang kadre ng Partido Komunista, mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan, mahal na kaibigan at kapanalig ng mga masang magsasaka.

 

Ipinanganak siya sa Bicol noong Agosto 23, 1982, sa isang karaniwang panggitnang-petiburges na pamilyang mulat sa tunay na kalagayan ng lipunan at pangangailangan para sa rebolusyonaryong pagkilos. Gaya ng karaniwang kabataan, mahilig siya sa musika, kuwentuhan, at pamamasyal. Nag-aral siya sa University of the Philippines-College of Music. Naging aktibista siya noong panahon ng malawakang pambansang pagkilos para patalsikin ang bulok na rehimeng Estrada. Sumama siya sa isang pangmasang organisasyon ng mga aktibistang pangkultura. Nagsuri siya sa kalagayan ng mamamayan, sumama sa mga ligal na kilos-protesta, nakipamuhay sa mga maralita. Unti-unti, ang karaniwang petiburges ay naging di-pangkaraniwang tao.

 

Noong 2002, nagpasya si Ka Efi na lumabas sa unibersidad at magtungo sa kanayunan. Tinalikuran niya ang edukasyon sa unibersidad para makapag-aral ng mas matayog na kaalaman, yaong kaalaman na nakukuha mula sa pakikipamuhay sa masang magsasaka bilang isang hukbo ng magsasaka.

 

Una siyang kumilos noong 2002 bilang mandirigma ng noo'y bagong-buong platun ng Reynaldo Pinon Command-NPA sa San Mariano, Ilagan, Benito Soliven at iba pang bayan sa gitnang Isabela. Nakilala siya roon bilang si Ka Emil at Ka Dione. Gumampan siya bilang Cultural Officer, Opisyal sa Panustos, ED Officer at kagawad ng Regional Propaganda-Cultural Bureau sa magkakaibang panahon.

 

Mahusay siyang mang-aawit; isa na sa pinakamahuhusay na singer-kompositor mula pa nang mabuo ang rehiyon ng Cagayan Valley. Madali sana para sa isang mahusay na gaya niya ang magpayaman at magpasikat na lang. Pero hindi nga siya karaniwang mang-aawit—isa siyang rebolusyonaryong artista. Ginamit niya ang kanyang talento upang awitin ang mga hinaing ng masa, adhikain nila't mga kabayanihan. Siya ang paboritong singer-gitarista ng mga kasama at masa sa mga pagtitipong pangkultura. Hindi nagkasya si Ka Efi sa pagkanta sa loob lang ng studio o magarbong mga entablado. Mas ginusto niyang buong-panahong makipamuhay sa kanayunan at magtanghal kung saan naroon ang masa: maputik na baryo, pansamantalang mga ublagan at kampo, sa silong ng mga puno, masikip man na silid-aralan o maluwang na kagubatan. Pambihira ang katulad niyang manggagawang pangkultura; hindi lang gitara o mike ang hawak niya, tumangan din siya ng mahigpit sa sandata.

 

Isa siya sa mga nanguna sa paglalabas ng Radyo Gil-ayab, isang UG radio program na nagtalakay sa maiinit na isyu ng rehiyon at bansa. Gumampan siya bilang writer at voice talent, at siya ring gumampan sa online production nito. Kinagiliwan ng masa ang mga programa rito, lalo na ang mga radio drama na kanyang isinulat. Matiyaga siyang nag-trobolshut sa mga praktikal na problemang nasalubong sa pagpapalaganap ng gerilyang radyo—kasama na ang ilang-buwang pagbitbit ng 12 x 12 Motolite battery at laptop computer habang nasa gawaing masa upang makapag-recording.

 

Hindi niya ipinagdamot ang talento, nagturo siyang kumanta at mag-gitara sa maraming mga kasama. "Hugutin ang boses mula sa loob, inganga ang bibig!," paalalang lagi ng mga kasama, ayon sa kanyang turo. 

 

Isa siya sa mga nagpakilos sa masang magsasaka na nagtayo ng isang ligal na community radio ng mamamayan sa Baggao, Cagayan. Napagtagumpayan nilang maitayo ito at nang sinunog ng mga pasistang death squad ang istasyon noong 2006, nagpatuloy ang propaganda at pagkilos ng mga masa laban sa Oplan Bantay Laya.   

 

Isa rin si Ka Efi sa mga gumawa ng mga bidyo-dokumentaryo na nagpalaganap ng mga pagsusuri at panawagan hinggil sa mga kampanya sa rehiyon, gaya ng "Rukkuas!, Ang paglaban sa pangangamkam ng lupa sa Cagayan Valley," "Utang, utang," at "DY-nastiya".

 

Mahusay niyang napag-aralan ang wikang Iloko at matatas na nakapagsulat at nakapagsalita nito. Inaral niya ang lengguahe ng masa upang magampanan ang pagpapamulat at pagpapakilos sa kanila. Naging istap na manunulat siya ng Baringkuas, ang rehiyunal na pangmasang pahayagan ng rebolusyonaryong pwersa sa Cagayan Valley.

 

Ginamit ni Ka Efi ang kanyang boses at kasanayan para sa pagpapaalab ng damdamin ng masa. Isinulat niya ang lyrics at inawit ang mga sikat na jingles para sa kampanyang anti-pyudal, kalamidad at elektoral gaya ng "Agkebba-kebba...," "Dynastiya Dy," "Pumanaw kan, Gloria," at iba pa. Kasama siya sa tumulong upang mailabas ang "Dagiti Saniweng ti Tanap ti Cagayan (Mga Awit sa Lambak ng Cagayan)," ang songbuk ng rehiyon. Siya ang naglapat ng musika sa kantang "Nabarbara ngem Tikag ti Armas Iggem Tayo Ita (Mas mainit sa Tagtuyot Ang Armas Na Ating Tangan), at nagkomposo sa kantang "Kabataang Makabayan," na kapwa nailathala sa Ulos, 2006. Isa siya sa mga nagpakilala at nanguna sa musical play,  isang bagong pangkulturang porma sa rehiyon kung saan ikinakanta ng mga artista ang dayalogo, sa mga awit na adaptasyon mula sa mga kilalang kanta ng masa. Umiiyak ang masa sa katatawa, o lungkot at ahitasyon sa mga play na ito. Mas mahalaga kaysa anumang suweldo o palakpak para sa kanya ang pagtangkilik ng masa; ang pag-iingat nila ng mga kopya ng isinulat niyang mga polyeto, o ang paglalakad nila ng malayo makita lamang ang pagtatanghal ng mga Hukbo.

 

Pero hindi lamang siya gumawa ng kanta, o nagtanghal. Sumama siya sa paggampan ng iba't-ibang gawain sa larangang gerilya. Noong 2006, bilang si Ka Tori, kumilos naman siya sa Cagayan. Sa panahong ito, katatapos ikasa ng 5th Infantry Division sa Baggao, Cagayan ang Task Force Amiya. Isa itong partikular na kampanyang militar na nakaayon sa noo'y Oplan Bantay Laya ng rehimeng Arroyo na naglayong durugin ang rebolusyonaryong pwersa sa Baggao, na matagal nang simbolo ng rebolusyonaryong kasaysayan sa rehiyon. Isa siya sa mga nagpatuloy ng pagkilos doon. Hinarap nila ng mga kasama ang gawain sa pagpapanumbalik ng sigla ng kilusang masa sa kalagayang naghasik ng terorismo ang militar sa erya. Kasama siya sa matagumpay na pagsusulong ng kilusang masa sa pagpapababa ng interes sa pautang ng mga komersyante-usurero.

 

Matalas siyang mag-isip, mabilis at pulido kung magtrabaho. Isa siyang intelektwal, pero hindi ordinaryong intelektwal. Ginamit niya ang kanyang pambihirang talino at husay hindi upang makapagpayaman o makapaglingkod sa iilan, kundi upang maunawaan ang aplikasyon ng Marxismo-Leninismo-Maoismo sa aktwal na kalagayan ng eryang kinilusan at mag-ambag sa pangkabuuang pagpapaunlad ng rebolusyonaryong mga gawain sa rehiyon. Isa siya sa mga nagsikap makapagbigay ng Batayang Kurso ng Partido sa lokalidad. Itinuro  niya sa masa at mga kasama ang kanyang kaalaman sa pagbibigay ng pag-aaral at pagpopropaganda. Isinulat niya ang mga paglalagom sa mga pagkilos ng mga magsasaka, gayundin ang mga pagsisiyasat at pagsusuri sa uri sa mga eryang kinilusan. Kinumpleto niya ang propayl ng kasapian ng Partido sa lokalidad at Hukbo.

 

Isa siyang bakla, pero hindi pangkaraniwang bakla. Inalpasan niya ang hangal na mga de-kahong pagtingin sa mga bakla at naani ang tiwala at paghanga ng mga kasama at masa. Nang maglaon, gumampan na siya ng mas mabibigat na tungkulin, bilang Opisyal sa Edukasyon, Propaganda at Kultura ng Komiteng Larangan, kalihim ng isang Seksyong Komite sa ilalim ng isang Komiteng Larangan, kagawad ng Komiteng Larangan sa East Cagayan habang tagapagpahayag din ng BHB-Henry Abraham Command. Sa halos sampung taon niyang pagsisilbi sa masa bilang NPA, dalawang beses lang siyang dumalaw sa kanyang pamilya. Hindi na niya nakita pa ang kanyang mga magulang mula nang sumampa; hindi na siya nagmungkahi pang dumalaw nang bumigat na ang mga gawain.

 

Magdamag siya kung makipagkuwentuhan sa mga masa, sa lengguwahe at paksang interes ng magsasaka. Kaligayahan niyang makasama sila, matuto mula sa kanila. Nang maaral niya ng ilang buwan ang proseso ng pagtatanim at pag-aani, "Marunong na akong mag-araro at magtanim, in fairness," pagmamalaki niya sa isang sulat niya. Kasama siya ng masa sa pagpupuyat sa mga pulong ng pagtataktisa sa mga kampanyang masa, kung paano patataasin ang produksyon, paano lulutasin ang maliliit hanggang malalaking suliranin nila. Naging kaibigan at tagapagsilbi siya ng masa; mag-aaral siya at instruktor din nila.

 

Ano ang aral na iniiwan sa atin ng naging buhay ni Kasamang Daniel? Na kaya ng isang nagmula sa uring petiburges at isang bakla na magtagal sa piling ng magsasaka at lumahok sa armadong pakikibaka at maging lider ng rebolusyon. Ang susi ay ang tuloy-tuloy na pagpapanibagong-hubog—pagiging bukas na mapuna at magwasto, ang paglubog sa mahirap na pakikibaka at simpleng pamumuhay, at ang walang-tigil na pag-aaral sa teorya at pagsisikap na paglapat ng mga ito sa aktwal na kalagayan.

 

Ano ang hamon na iniiwan sa atin ng kanyang naging kamatayan? Na atin siyang tularan, siyang walang-tigil na nagsikap na hubarin ang negatibong mga tendensya ng uring pinagmulan at yakapin ang buhay ng anakpawis bilang buhay niya, upang maging karapat-dapat na hukbo at lider nila.

 

Mabigat ang kanyang kamatayan, para sa mamamayan ng Baggao at sa lahat ng mamamayang anakpawis na nawalan ng mahusay na kadre ng Partido at mandirigma ng NPA. Halina’t tuparin ang kanyang mithiin at mithiin ng masang magsasakang minahal at ipinagtanggol niya hanggang sa kanyang huling hininga. Halina’t tularan siya at tumangan ng mahigpit sa armas, ipagwagi ang digmang bayan! 

 

Mabuhay ang ala-ala ni Kasamang Daniel Imperial!

Kamtin ang estratehikong pagkakapatas hanggang tagumpay ng pambansa-demokratikong rebolusyon!

 

   
**          

 

/p

  
 

Google