TRIBUTE TO JOEL ASCUTIA

Bayani ng mga Tsuper at ng Mamamayan

 

Dakilang Transport Leader, Aktibista, Kaibigan, Kasama

 

Posted May 16,  2012

/p

 

 

     
   

 

Joel Ascutia

(Setyembre 27, 1966 - Mayo 8, 2012)

Bayani ng mga Tsuper at ngMamamayan

Dakilang Transport Leader, Aktibista, Kaibigan, Kasama

 

Si KasamangJoel Ascutia ay dating manggagawa sa URC at naging myembro ng unyon. Taong 1989, nang magsimula siyang mamasada bilang isang tricycle driver sa Legazpi City.

 

Dalawang dekadang masigasig na naglingkod sa mga kapwa niya tsuper at sa mamamayan (1991-2011). Isang mahusay na Transport Leader sa Bicol at sa buong bansa.

 

1991-1994:Naging opisyal siya ng MOTOR-CONDOR ang pinaka-militanteng tricycle organization sa Legaspi City.

1995 -2005 :Gumampan bilang Secretary General ng CONDOR-PISTON-Bicol mula noong Nobyembre 1995.

2005 - 2011:Nahalal bilang Regional president CONDOR PISTON- Bicol sa ika-5 Kongreso nito noong Abril 25-26, 2005.

-      

           Masigasig si Ka Joel sa pag-oorganisa sa mga tsuper sa 3rd district ng Albay, at sa mga driver ng bus at van sa buong rehiyon.  At masipag siya sa pagbibigay ng mga pag-aaral kaugnay sa PAMATO at sa mga isyung Oil Price Hike.

-         

            Umikot siya sa mga terminal at mga local na organisasyon ng jeep at tricycle para sa mga konsultasyon at upang alamin ang mga problemang kinakaharap ng mga maliliit na tsuper at transport operators.

-         

             Sa Sorsogon, isa siya sa mga tumulong upang mapalakas ang pederasyon ng transport organizations sa buong prubinsya. Mula sa Provincial Transport Association (PORTA) ay na transporma ito sa militanteng CONDOR-PISTON-Sorsogon. 

-         

             Sa Catanduanes, tumulong siya sa pagbubuo ng Federation of Virac Tricycle Operators and Driver Organization (FEDVITODA).

 

2003 – 2011: Nahalal bilang kagawad ng National Council at National Executive Committee ng PISTON;

2003 - 2007:Nahalal bilang National Auditor ng PISTON;

2007 - 2011:  Nahalal bilang National Deputy Secretary General ng PISTON sa ika-3 Kongreso ng PISTON. At nag-resign sa tungkulin noong Hunyo 2011.

 

   
   


 
/p

/p
Photos courtesy of CONDOR PISTON BIKOL
           
     

x

Pahayag sa Midya
Mayo 11, 2012
Sanggunian: Eduardo Ferreras, Pangulo-CONDOR

Pinakamataas na pagpupugay at pagkilala ang iginagawad ng pamunuan, buong kasapian ng CONDOR-PISTON Bicol at lahat ng drayber at maliliit operator sa rehiyon para kay Kasamang Joel Ascutia: Drayber-Obrero, Bayani ng Sambayanan!

Ipinanganak noong September 27, 1966 sa Daraga, Albay at lumaki sa Antipolo City kung saan nanirahan ang kanyang buong pamilya. Panganay sa 7 magkakapatid mula sa mga magulang na mala-manggagawa at hikahos sa buhay. Dahil laki sa hirap, likas na malapit ang kanyang puso sa mga hinaing at adhikain ng mahihirap.

1980’s sa napakabatang gulang ay pumasok na ito bilang manggagawa ng Unibersal Robina Corporations. Dito siya namulat sa isyu ng mga manggagawa at kalaunan ay naging myembro ng unyon ng Robina. 1989 lumipat sa Bikol at naging tricycle driver sa Legaspi City at nahalal bilang Secretary General noong 1991 ng association ng mga tricycle drivers at maliliit na operator sa Legaspi. 1994, dahil sa nakikitang kahalagahan ng pag-oorganisa sa sector ng transportasyon ay nagpasya siyang kumilos bilang full-time organizer. Nang magkongreso ang CONDOR-PISTON Bicol noong Nobyembre 1995 ay nahalal siya bilang Secretary General, sa ika-5 Kongreso nito noong April 2005 ay nanungkulan siya bilang Panrehiyunal na Pangulo at 2008 sa ika-3 Kongreso ng PISTON-National siya ang hinalal bilang Deputy Secretary General.

Sa buong panahon ng kanyang pamumuno at pagtataguyod ng CONDOR-PISTON Bicol, buong sigasig nitong itinaguyod ang mga prinsipyo ng organisasyon para sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagkikilos sa bandila ng tunay, militante at makabayang pederasyon ng mga drayber at maliliit na operator. Sa panahon ng kanyang panunungkulan, naging malakas at masigla ang paglaban ng mga bikolano sa Oil Dergulation Law, mataas na presyo ng langis, pagpapabasura ng 12% VAT at overpricing. Welgang transportasyon ang tugon ng buong sector kasama ang mga mamamayan. Matagumpay din na nalabanan ang pag-implementa ng Common Carrier Tax noong 2007 at ang DOTC Department Order 38 at 39 na nagtatakda ng mataas na singil sa mga violations.

Subalit ang militante at progresibong paninindigan ni Joel ay tinangkang kitlin ng mga ahente ng gobyernong Arroyo sa ilalim ng marahas na pagpapatupad ng Oplan Bantay Laya II. Noong July 13, 2009, 4:30 ng umaga habang nagse-set-up para sa isasagawang Pambansang Welgang Transportasyon binaril siya ng 2 lalaking nakabonet at sakay ng motorsiklo sa tapat ng Petron Daraga na malapit din sa police outpost.

Kasabay ng pagpapagaling ay hinihintay din nya ang magiging resulta ng imbistigasyon ng pulisya subalit hanggang sa ngayon ay walang naparuhasang kriminal. Nagdulot ito ng pangamba para sa kaligtasan nya at kanyang pamilya. At noong August 2011 ay nagsumite ito ng pormal na resignation letter sa Regional Executive Council ng CONDOR-Bicol at sa PISTON-National.

Ang pagkakapaslang kay Kasamang Joel ng mga sundalo sa engkwetro na nangyari sa Donsol, Sorsogon noong Mayo 8 ng umaga kasama ang iba pang myembro ng Bagong Hukbong Bayan ay nagdulot sa amin ng pagkabigla gayunpaman lubos naming kinilala at nirerespeto ang naging sariling pagpapasya ng kasama.

Taas kamaong nagpupugay ang CONDOR sa mahigit 2 dekadang walang pag-iimbot na paglilingkod ni Kasamang Joel para sa sector ng transportasyon. Lubos din kaming nagpapasalamat sa mga anak, asawa at pamilya ni Ka Joel dahil sa pagbibigay nila sa amin ng isang lider na mapagpakumbaba, maalalahanin at masigasig. Ang kanyang pagkamatay ay inspirasyon namin para sa marami pang pakikibaka at paglaban sa mga ganid na multinasyunal sa langis at inutil na gobyerno.

 

     
           
     
     
     

x

Pahayag at Pagpupugay ng PISTON kay Joel Ascutia

dating Pangulo ng CONDOR-PISTON-Bicol at mandirigma ng NPA-Sorsogon

 

Bilang National President ng PISTON, sa ngalan ng pambansang pamunuan ng PISTON ay taos puso kong ipinapaabot ang pagdalamhati at pakikiramay ng lahat ng opisyales at kasapian ng PISTON sa asawa at mga anak ni Ka Joel pati na sa lahat ng kanyang mga kamag-anak, kaibigan at sa lahat ng mga kasapi at kapanalig ng CONDOR-PISTON-BIKOL.

Si Ka Joel Ascutia o "JA", ay naging traysikel driver sa Legaspi Cty at dating opisyal ng pinaka-militanteng traysikel organization sa naturang syudad. Dahil sa taglay niyang dedikasyon kumilos para ipaglaban at itaguyod ang interes ng mga tsuper at maliliit na operators, sa kalaunan ay naging regional president siya ng CONDOR PISTON BICOL (Regional Chapter ng PISTON sa Bicol). Gayundin si Ka Joel ay naging pambansang opisyal ng PISTON. Mula 2003 hanggang 2011, siya ay naging kagawad ng National Council at National Executive Committee ng PISTON. Partikular siyang nahalal at gumampan bilang National Auditor ng PISTON noong 2003 hanggang 2007 at bilang National Deputy Secretary General mula 2007 hanggang 2011.

Si Ka Joel ay isa sa pinakamasipag at pinaka-prinsipyadong naging lider ng PISTON sa bicol at sa buong bansa. Pinangunahan niya ang mga pakikibaka ng mga tsuper at mamamayan ng Bicol at isinanib ito sa mga pambansang pagkilos at welga ng mga tsuper at mamamayan lalo na ang laban kontra sa overpricing sa langis, oil deregulation law at vat sa langis. Napakalaki ng inambag ni Ka Joel sa pagpapalakas ng CONDOR-PISTON sa Bicol at sa pagpapalakas ng PISTON at ng pakikibaka ng mga tsuper at maliliit na operators sa buong bansa.

Si Ka Joel bukod sa pagiging masipag at prinsipyado ay masayang kasama dahil sa kanyang pagiging pala-kwento at palabiro na siyang dahilan kaya lagi siyang kinagigiliwan ng mga tsuper at mamamayan na kanyang nakakahalubilo. Ang kanyang paggagap sa mga problema ng mga tsuper at mamamayan sa Bicol at ang kanyang simple pero klaro pagpapaliwanag dito at pag-uugnay niya sa pambansa-demokratikong pakikibaka ng sambayanang Pilipino ay naging daan upang umani siya ng respeto mula sa iba't ibang organisasyon ng mga driver at operator sa Bicol gayundin sa iba pang sektor at personahe sa naturang rehiyon.

Dahil sa kanyang pagiging epektibong lider ng mga tsuper at mamamayan sa Bicol, siya ay pinagtangkaang paslangin ng mga military death squads sa Daraga, Albay na ikinasa sa ilalim ng Oplan Bantay Laya ng nagdaang rehimeng US-Arroyo. Isinagawa ang pamamaril kay Ka Joel sa kasagsagan ng nationwide transport strike at people's protests noong July 13, 2009 na pinangunahan ng PISTON laban sa Oil Ovepricing at DOTC Department Order 2008-39 na nagpataw ng sobrang napakamahal na multa sa mga tsuper at maliliit na operators.

Sa kabutihang-palad ay hindi naging malubha ang tama kay Ka Joel at dahil dito ay nabigo ang maitim na balak ng military death squad ng nagdaang rehimeng US-Arroyo na paslangin at patahimikin si Ka Joel. Matapos ang paggaling ng kanyang sugat ay muling bumalik si Ka Joel sa kanyang gawain bilang Pangulo ng CONDOR-PISTON-BIKOL at bilang National deputy Secretary General ng PISTON.

Subalit di nagtagal ay nagpatuloy muli ang mga death threats kay Ka Joel.

Ito ang isa sa mabigat na dahilan sa kanyang pagdesisyon na magbitiw bilang Pangulo ng CONDOR-PISTON-BIKOL at bilang National Deputy Secretary General ng PISTON noong 2011.

Subalit sa halip na matakot at umatras, ay ipinakita ni Ka Joel ang kanyang wagas na hangarin na ipagpatuloy ang kanyang paglilingkod sa sambayanan sa pamamagitan ng pagtungo sa kanayunan at lumahok sa mas mataas na landas ng pakikibaka at sakripisyo bilang mandirigma ng NPA sa Sorsogon na kung saan siya ay kabilang sa tatlong NPA sa Sorsogon na napaslang sa encounter sa 31st IBPA ng Philippine Army sa Donsol, Sorsogon noong nakaraang araw.

Niirerespeto ng PISTON at humahanga ito kay Ka Joel sa naging dedikasyon at tapang nito na paglingkuran ang sambayanan sa pamamagitan ng pagtungo sa kanayunan upang ipagpatuloy ang kanyang paglilingkod sa sambayanan batay sa kanyang sariling pagpapasya.

Ang mga katangiang ni Ka Joel bilang mahusay na lider at organisador ng mga tsuper at mamamayan. Ang kanyang pagiging prinsipyado, matatag, pala-kwento, masayahin at lalo na ang kanyang pagiging maalalahaning kaibigan at kasama ay hinding-hindi namin malilimutan. Siya ay magsisilbing institusyon at inspirasyon sa mga tsuper, maliliit na operators at mamamayan sa Bicol at sa buong bansa upang maging matatag gaya ni Ka Joel upang buong tatag at giting na ipaglaban ang pambansang kalayaan, demokrasya at hustisyang panlipunan dito sa ating bayan.

Si Ka Joel ay magsisilbing bayani ng mga tsuper at mamamayan. Siya ay dakilang Transport leader, Aktibista, Kaibigan, Kasama at Proletaryong Rebolusyonaryong walang pag-iimbot na naglingkod sa mga drivers at mamamayan.

Pagpupugay sayo Ka Joel Ascutia!

 

George San Mateo

National President

Pagkakaisangmga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON)

 

------------------------------------------------------------------------------------------------------------------

 

 

TAUS-PUSO AT TAAS-KAMAONG PAGPUPUGAY KAY KASAMANG JOEL ASCUTIA.

BAGONG ALYANSANG MAKABAYAN-BICOL
664 G/F Encarnacion Bldg., Brgy. 17 Rizal St., Legazpi City

TAUS-PUSO AT TAAS-KAMAONG PAGPUPUGAY
KAY KASAMANG JOEL ASCUTIA.


Itinulak ng taus-pusong pagmamahal sa masa at sa makabayang hangaring lumaya ang Sambayang Pilipino mula sa makauring pagsasamatala at pang-aapi ng imperyalismo, burukrata-kapitalismo at pyudalismo, walang pagsasaalang-alang sa sarili na inialay ni kasamang Joel Ascutia ang kanyang buhay.

Itinalaga niya ang kanyang sarili sa paglilingkod sa sambayanan at inilaan angbuhay sa pakikibaka para sa pambasang demokrasya at kalayaan. Naging mahusay na organisador at matapang na lider aktibista sa sektor ng transportasyon. Nahalal bilang pangulo ng CONDOR-PISTON-BICOL sa taong 2005-2011. Matapat, mahusay at masigasig na pinamunuan niya ang organisasyon sa transportasyon sa matatagumpay na pakikibakang masa.

Nagingbiktima siya ng mabangis at madugong Oplan Bantay Laya I & II. Tinangka ng mga ahente ng reaksyunaryong Gobyerno na siya ay nyutralisahin sa pamamagitan ng mga malisyoso at gawa-gawang mga paratang upang sirain ang kanyang kredibilidad sa masa. Dumanas din siya ng harassment at pananakot. Noong Hulyo 13, 2009 habang pinapangasiwaan niya ang regional transport strike sa pakikiisa sa koordinadong isinasagawang nationwide transport strike noon ay patraydor siyang binaril subalit na bigong siya ay patayin.

Mulat at tanggap ni kasamang Joel ang katotohanan na ang kahirapan, sakripsiyo at kamatayan ay di maiiwasang bagay sa pakikibaka para sa pambansang demokrasya at kalayaan. Kailan man ay di natinag ang kanyang prinsipyo at paninindigan sa kabila ng mga pagtatangkang siya ay nyutralisahin at patahimikin. At dahil pinanday ng pakikibakang masa ang sarili, hindi siya bumitaw. Bagkus ay higit pa siyang nagpunyagi.

Marahil upang lubusang ialay ang sarili para sa paglaya ng Sambayanang Pilipino mula sa makauring pagsasamatala at pang-aapi ng mga naghaharing uri, mapagpasyang pinili niya ang pinakamataas na porma ng pakikibaka – ang armadong pakikibaka. Mulat sa katotohanang sa pag-alay ng buhay ay di maiiwasan ang kamatayan. Si kasamang Joel ay isa lamang sa dumaraming martir ng bayan na biktima ng mapanlinlang at marahas na Oplan Bayanihan ng rehimeng US-Aquino.

Katulad ng libo-libong mga martir ng bayan na nag-alay ng kanilang buhay para sa bayan, ang kamatayan ni kasamang Joel ay kayamayan na kasing bigat ng Bulkang Mayon. Marapat lamang na ibigay natin sa kanya ang pinakamataas na pagpupugay na laan sa mga martir ng bayan.

Mainit na pagpupugay sa lahat ng martir ng bayan!
Mabuhay ang Sambayang Pilipino
Isulong ang pakikibaka para sa pambansang demokrasya at kalayaan!

 

 

 

     
     

Funeral, Parangal ▼
 

     
     
     
     
           
     
     
     

x

 

Pahayag sa Midya Sanggunian: Eduardo Ferreras
Mayo 10, 2012 Regional Chairman

Pagpupugay ng CONDOR- PISTON- BIKOL kay Kasamang Joel Ascutia
sa 21 taong paglilingkod sa sektor ng transportasyon at sa sambayanan (1990- 2011)

Mula sa buong pamunuan ng CONDOR-PISTON-BICOL at kasapian, marubrob na ipinapaabot ang mahigpit at makabuluhang pakikiisa sa panahon ng pagdadalamhati ng pamilya at mga kaibigan ni Joel Ascutia sa kanyang biglaang pagpanaw. Ipinapaabot din ng organisasyon ang isang mataas na pagpupugay sa kabayanihan at walang pag-iimbot na paglilingkod niya sa sektor ng transportasyon at sa sambayanan.

Taon 1990 ng siya ay nagsimulang kumilos at aktibong nakibaka bilang tricycle driver sa Legazpi City para ipaglaban at itaguyod ang interes ng mga tsuper at maliliit na operators. Noong 1991 siya ay nahalal bilang pangkalahatang kalihim ng MOTOR-CONDOR- Albay. Pangkalahatang Kalihim ng CONDOR-PISTON-BICOL noong 1995 at naging Tagapangulo noong 2005-2011 nito. Naging miyembro ng PISTON National Executive Council mula 2003-2011; Nahalal at gumampan bilang National Auditor ng PISTON noong 2003-2007 at bilang National Deputy Secretary General mula 2007 hanggang 2011, at noong Marso 2011 siya ay nagbitiw sa lahat ng kanyang tungkulin sa CONDOR-PISTON at PISTON National.

Sa loob ng 21 taong paglilingkod sa sektor ng transportasyon at sa sambayanan hindi matatawaran ang kanyang matibay na paninindigan at determinasyn para itaguyod at ipaglaban ang interes ng aping mamamayan. Pinatunayan ito noong July 13, 2009 sa isinasagawang national transport strike at protesta ng mamamayan nang siya ay brutal na barilin sa harapan ng petron sa Daraga, Albay. Sa halip na manahimik at matakot sa terorismo ng estado, siya ay nagpatuloy na nakibaka para sa minimithing katarungan, kalayaan at demokrasya.

Magsisilbing bayani ka, Kasamang Joel para sa mga tsuper at mamamayan!
 

           
     

x

 

 

Pagpupugay kay Joel Ascutia, dakilang lider ng mga
tsuper, manggagawa, at mamamayan

12 Mayo 2012

Pinakamataas na pagpupugay ang iginagawad ng buong kasapian at pamunuan ng
Kilusang Mayo Uno kay Kasamang Joel Ascutia, dakilang lider ng mga tsuper,
manggagawa, at mamamayan. Kaalinsabay, ipinapaabot namin ang aming taos-pusong
pakikiramay sa kanyang naiwang pamilya, mga kaibigan, at kasama.

Pumanaw man si Kasamang Joel, ang kanyang diwa ng lubos na paglilingkod sa uring
manggagawa at sambayanang Pilipino at pagsusulong ng pambansa-demokratikong
rebolusyon ay patuloy na magliliyab sa ating puso at isipan – hanggang sa pagkakamit
natin ng isang lipunang malaya sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo
at sa pagsasamantala ng tao sa kapwa-tao.

Inalam ni Kasamang Joel ang mga ugat ng kagutuman, kahirapan, at pambubusabos na
dinaranas ng mga kapwa-maralita na siyang bumubuo sa nakararami sa ating lipunan.
Mahigit dalawang dekada ng kanyang buhay ang inilaan niya sa pakikibaka para pawiin
ang naturang mga ugat, laban sa paghahari ng mga imperyalista at naghaharing uring
burges-komprador at panginoong maylupa.

Bilang lider sa sektor ng transportasyon, pinamunuan niya ang hindi mabilang na
matagumpay na aksyong protesta at welgang pantransportasyon sa Bicol. Naging
mahusay siyang lider ng paglaban sa pagkaganid sa tubo ng monopolyo sa langis at
pakikipagsabwatan dito ng magkakasunod na rehimen. Sa batayan ng naturang
paglaban ay nagmulat, nag-organisa at nagpakilos siya ng hindi mabilang na tsuper at
mamamayan para sa tunay na pagbabago.

Dahil sa kanyang mahusay at epektibong pamumuno sa paglaban ng mga tsuper,
manggagawa, at mamamayan ng Bicol sa monopolyo sa langis at naghaharing rehimen,
tinangka siyang paslangin noong Hulyo 13, 2009, habang naghahanda ng welgang
pantransportasyon. Hindi nagpatakot si Kasamang Joel. Kinondena niya ang tangkang
pagpatay sa kanya. Iniharap niya ang kaso sa International Labor Organization High-
Level Mission sa bansa noong taon ding iyun.

Alam ni Ka Joel, gayunman, na madali para sa gobyerno at militar na paslangin siya
habang nananatili siya sa kalunsuran. Kaya naman pinili niyang gawin ang ginawa ng
maraming lider-progresibo na humarap sa pandarahas at bantang pagpaslang ng militar
at gobyerno: sumapi siya sa New People’s Army. Sa kanyang mga liham sa mga kasama,

malinaw kay Ka Joel na ang kanyang pagsapi sa NPA ay hindi lamang pag-iwas sa banta
sa kanyang buhay kundi pagpapatuloy at pagpapaigting ng kanyang paglilingkod sa
masang tsuper, manggagawa, at sambayanan.

Namatay si Ka Joel bilang NPA, patuloy na lumalaban para sa uring manggagawa at
sambayanang Pilipino. Isa siyang magiting na mandirigma ng uri at sambayanan na
dapat nating tularan. Isa siyang bayani ng uri at sambayanan na dapat nating tuluy-
tuloy na parangalan at gunitain. Isa siyang martir ng uri at sambayanan na ang dugo ay
hindi masasayang dahil ipagpapatuloy natin ang ating pakikibaka para sa isang bukas
na malaya, maunlad at naglilingkod sa nakararami.

Mabuhay ang diwa ni Kasamang Joel Ascutia!
Paglingkuran ang sambayanan!
Makibaka, huwag matakot!
Isulong ang pambansa-demokratikong pakikibaka!
Mabuhay ang uring manggagawa at sambayanang Pilipino!

 

---------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------

 

 

KALIPUNAN NG DAMAYANG MAHIHIRAP
Militanteng Sentro ng Maralitang-Lungsod

Pagpupugay kay Kasamang Joel Ascutia! Drayber-Obrero, Tunay na Bayani ng Maralita!

Mataas na pagpupugay at pagkilala sa kabayanihang ipinakita ni kasamang Joel Ascutia ang ipinaabot ng Pambansang Komiteng Tagapagpaganap ng KADAMAY sa kanyang pamilya, mga kasamahan at buong pamunuan ng CONDOR-Piston Bicol.
 

Hindi matatawaran ang buong pusong paglilingkod na inialay ni kasamang Joel sa mamamayang inaapi at pinagsasamantahalan. Sa loob ng mahigit 3 dekadang pagkilos niya sa hanay ng manggagawa, maralitang lungsod at magsasaka ipinapakita lamang ng kasama ang tunay na esensya ng “Paglingkuran ang Sambayanan”.
 

Si kasamang Joel ay naging bahagi rin ng pakikibaka ng maralitang lungsod para sa karapatan ng disenteng paninirahan at kabuhayan. Naging miyembro siya ng KADAMAY- National Council bilang representante ng maralitang lungsod sa rehiyon ng Bikol. Taong 2008, ikatlong Kongreso ng KADAMAY isa si kasamang joel Ascutia na naging bahagi ng makasaysayang pagbubuo ng programa at plano nito.
Bagamat hindi naging madali para sa kanya ang ipagpatuloy ang pagkilos sa hanay ng manggagawa at maralitang lungsod dulot ng mapanupil na gawain ng reaksyunaryong militar sa Kabikolan, hindi pa rin natinag bagkus mas piniling tunguhin ni kasamang Joel ang landas para sa mas mataas na uri ng pakikibaka. Ang pagsapi sa BHB, ang pagsusulong ng armadong pakikibaka laban sa reaksyunaryong gobyerno.


Kaya’t mula dito, muli pinakamataas na pagpupugay ang iniaalay namin kay kasamang Joel para sa kanyang walang pag-iimbot, tunay at sinserong paglilingkod sa sambayanan. Isa kang martir ng maralita at mamamayan, tunay na rebolusyonaryo!

Mabuhay si Kasamang Joel!
Mabuhay ang Sambayanan!
Tuloy ang Laban!

 

-------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------

 

PINAKAMATAAS NA PAGPAPUPUGAY KAY KASAMANG JOEL ASCUTIA AT TAOS-PUSONG PAKIKIDALAMHATI SA PAMILYA, ANG IPINAPAABOT NG MGA ORGANISASYON SA PRUBINSYA NG CAMARINES NORTE!

Nagtapos na ang byahe ni Kasamang Joel. Byahe na nagbigay linaw sa mga matang binulag na ng kabulukan ng sistema. Byahe na nagbigay tinig sa alingawngaw na di marinig. Byahe na nagturong umawit sa dilang makailang beses na pinilipit. Subalit nagtapos na nga ba ang byahe ni Ka Joel?

Isang malaking HINDI! Nagkamali ang mga kaaway sa hinuhang madidiskaril ang byaheng may lulan kay Ka Joel.

Si Ka Joel, katulad ng iba pang mga kasama, ay naging boses ng masang anakpawis sa buong rehiyon. Ang kanyang matalas na pagsapol sa mga isyung nakakaapekto sa buhay ng bawat masang api ang kanyang naging sandata sa masikhay at desididong pagkilos. Tuloy-tuloy niyang tinanganan ang gawain sa sektor na ito hanggang sa siya ang nagsilbing tagapagsalita ng CONDOR-PISTON sa buong rehiyon. Walang kapaguran siya sa pagtuligsa sa kaliwa’t kanang pagtaas ng presyo ng langis dulot ng Oil Deregulation Law hanggang sa pagpapanawagan ng pagbasura nito. Partikular sa aming prubinsya, malaki ang naging ambag ni Ka Joel sa pagbubuklod ng sektor ng transportasyon at hindi makakailang may naging binhi ang kanyang mga pinagsumikapan.

Naging mahusay na lider at hindi nagpakahon sa takot dulot ng terorismo ng estado na dahilan ng kaliwa’t kanang pamamaslang sa ilalim ng Oplan Bantay Laya 2 ng nagdaang rehimeng Arroyo. Gayunman, naging target nga si Ka Joel ng OBL2 subalit nabigo siyang mapaslang ng mga kaaway. Daan upang matanaw ang kawastuhan ng mas mataas na porma ng paglaban, ang armadong pakikibaka. Ang byaheng siyang maghahawan sa pagwawakas ng naghaharing sistemang patuloy na nambubusabos at nagsasamantala sa sambayanang Pilipino. Kasama ng mayorya ng aping uri – ang mga magsasaka, mas naging matatag si Ka Joel sa mithiin ng paglaya ng bayan hanggang sa pagkakapantay-pantay ng bawat tao.

Subalit hindi nakaligtas si Ka Joel sa bigwas ng Oplan Bayanihan ng rehimen ni Aquino. Nakakapangngalit ang isang iglap na pagkitil sa buhay ni Ka Joel. Subalit bahagi ito ng sinumpaang tungkuling ialay man ang buhay para sa bayan. Ang berdugong kamay ng reaksyunaryong estado ay pagbabayarin natin sa anupamang paraan.

Bawat isa marahil sa atin ngayon ay tutulo ang mga luha. Hindi ito simbolo ng ating pag-atras at panghihina ng loob kundi pagtitiyak kay Ka Joel at sa maraming biktima ng pagpaslang at paglabag sa karapatang pantao na tuloy-tuloy tayo sa paghahanap ng tunay na hustisya.

At tayong mga naiwan ni Ka Joel, kasama natin ang sambayanang Pilipino sa byahe na siyang nagpayabong sa buhay ni Ka Joel, na kailanman ay hindi tumitigil o nasisiraan kundi tuloy-tuloy na tumatahak para sa landas ng mapayapa, malaya at walang uring daigdig.

Natatapos na nga dito ang buhay ni Ka Joel pero hindi ang kanyang diwa na pagsilbihan ang mamamayang Pilipino hanggang sa tagumpay. Kaya kami sa aming prubinsya, ay hindi bababa sa byahe. Tiyak na marami pa ang aangkas lalo na at papasok na ang pagkapatas.

Paalam Ka Joel.. Salamat sa inialay mong buhay.. Padagos sa byahe….
 

     
     
     
           
     
=  
 


 
==          
           

x

 

 

REVOLUTIONARY COUNCIL OF TRADE UNION
BICOL

Mayo 13, 2012

PAGPUPUGAY KAY KASAMANG JOEL: BAYANING TSUPER AT MARTIR NG URING MANGGAGAWA

Ang buong kasapian ng RCTU-Bicol ay nakikiramay sa pamilya, kaibigan at sa lahat ng naulila ni kasamang Joel Ascutia. Bilang rebolusyunaryong samahan ng mga manggagawa ibinibigay din ng RCTU-Bicol ang pinakamataas na pagpupugay sa kanya sapagkat siya’y isang tunay na proletaryong nag-alay ng kanyang buhay sa paglilingkod sa uri lalo na sa hanay ng sektor transportasyon, maralitang lungsod at inaaping mamamayan sa rehiyon. Sa kabila ng samu’t saring kahirapan, kahinaan at mga sakripisyo umabot din sa higit dalawang dekada si ka Joel bilang isang rebolusyunaryo bago kitilin ang kanyang buhay ng mga pasistang militar sa ilalim ng rehimeng US-Aquino III.

Si ka Joel ay inspirasyon ng bawat rebolusyunaryong manggagawa dahil lagi itong panig at handang kumikilos para sa kapakanan ng mga inaapi’t pinagsasamantalahan. Sa ganitong mahusay na katangian at aktitud ng kasama, hindi nakakapagtakang kung ilang ulit nang binantaan ang kanyang buhay ng mga ahente ng AFP na tuta ng mga mapagsamantalang uri noong siya’y aktibo at kumikilos pa sa ligal at hayag na kilusang masa. Ang kalagayang ito ang nagtulak kay kasamang Joel na kumilos sa kanayunan noong huling bahagi ng 2011.

Hindi naging mahirap para ki ka Joel na mamulat at tanggapin ang teorya at praktika ng demokratikong rebolusyong bayan sa bansa dahil lumaki ito bilang maralitang taga-lungsod, naging manggagawa, estudyante at sa kalauna’y naging tsuper hanggang sa pumaloob sa hayag na samahang masa. Naranasan niya ang mahirap at aping buhay bilang ordinaryong mamamayan. Subalit lubos niya itong naunawaan ng sumapi siya sa RCTU hanggang sa maging tunay na proletaryo. Si ka Joel ay isang mahusay na organisador, instruktor at propagandista. Nang kumilos siya ng buong panahon sa hayag na kilusang masa, hindi malilimutan ng mga kasama na laging kompleto ito sa gamit pag-aaral kaya’t saan mang parada o komunidad ay nakakapagbigay o nakakapamuno ito ng mga talakayan hanggang sa makapagbuo ng mga samahan. Dahil sa kanyang kahusayan nakilala si ka Joel sa buong rehiyon bilang tunay na lider ng sektor transportasyon at kasama ang iba pa pinangunahan nila ang mga ilinunsad na welga ng tranportasyon sa nagdaang dalawang dekada sa rehiyon at nahalal din bilang kasapi ng Pambansang Komiteng Tagapagpaganap ng PISTON. Halos ito na ang naging gawain niya hanggang siya’y magkapamilya. May mga naging kahinaan din sa ka Joel pero hinarap at iwinasto niya ang mga ito. Tinahak niya ang wastong landas bilang isang rebolusyunaryo at tunay na proletaryado.

Ang pagpanaw ni ka Joel ay hindi nangangahulugan ng pagkawala niya at ng mga mabubuting mithiin niya para sa sambayanan. Kailan man ang mga alaala niya ay hindi mabubura sa kasaysayan at sa isipan ng bawat manggagawa at mamamayang bikolano. Ang paglisan ng kanyang katawan ay magsisilbing tanglaw sa bawat rebolusyunaryo upang ipagpatuloy ang mga gawain para sa tunay na kalayaan, katarungan at demokrasya ng ating bayan.


MABUHAY ANG URING MANGGAGAWA!
KASAMANG JOEL, MARTIR AT BAYANING TSUPER!
ISULONG ANG DEMOKRATIKONG REBLUSYON NG BAYAN!


Ka VLADIMIR de CASTRO
Tagapagsalita
 

     
     
           
     
     
 
     

x

 

National Democratic Front of the Philippines
Bicol Region

 

 

 

PULANG PARANGAL KAY KASAMANG JOEL ASCUTIA

Ipinapaabot ng National Democratic Front - Bicol ang taas-kamaong pagpupugay kay Kasamang Joel Ascutia - rebolusyonaryong lider-masa, kaibigan at kasama ng mga drayber, manggagawa, magsasaka, mamamahayag at karaniwang mamamayan; isang mabait at responsableng ama at asawa sa kanyang pamilya; at magiting na pulang mandirigma.

Bakit naging pulang mandirigma ng sambayanan si Joel Ascutia?

ANG BULOK NA SISTEMA NG LIPUNAN AT ANG KAAPIHAN NG ORDINARYONG MANGGAGAWA AT MAGSASAKA ANG NAGMULAT KAY JOEL AT NAGHUBOG NG KANYANG PANININDIGAN. Ang walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo at mga pangunahing bilihin, mababa at kakarampot na kita ng mga drayber, matinding kahirapan ng pamilya, at iba pang mga isyu sa lipunan - ito ang kinagisnang kalagayan ni Joel na humubog sa kanyang pagkatao at paninindigan. Matalas na nagagap ni Joel ang mga ugat ng kalagayang ito, naunawaan niya ang maigting na tunggalian sa lipunan at ang pangangailangan ng pagbabago upang maiahon sa abang kalagayan ang mga inaapi't pinagsasamantalahan.

ANG MATINDING HANGARING LUMAHOK SA PAGBABAGO NG LIPUNAN ANG NAGTULAK KAY JOEL NA KUMILOS AT LUMABAN. Mula sa pagiging karaniwang drayber ay naging organisador siya ng mga drayber, naging propagandista't edukador, naging mobilisador. Nang maging tagapangulo ng CONDOR-PISTON sa rehiyong Bikol, pinamunuan niya ang masigla at militanteng anti-imperyalista at anti-pasistang mga pakikibaka. Ilan sa mga isyung kanilang nilabanan ay ang imperyalistang "globalisasyon", ang pagpapahirap ng mga dayuhang kumpanya sa langis, ang pandarambong at pagwasak ng kalikasan dahil sa dayuhang pagmimina, at armadong interbensyon ng imperyalistang tropa ng US sa anyo ng Balikatan Exercise.

ANG PASISTANG PANDARAHAS AT PAMAMASLANG NG MERSENARYONG AFP AT PNP ANG NAGREKRUT KAY JOEL SA BAGONG HUKBONG BAYAN. Hindi siya kayang patigilin ng panghaharas ng reaksyunaryong estado. Hindi siya kayang paatrasin ng panggigipit at pananakot. Kaya't tinangka siyang patahimikin ng death squad ng 9th Infantry Division sa pamamagitan ng bigong pagpaslang noong Hulyo 2009. Ngunit hindi pa rin natinag ang kanyang paninindigan. Sumapi siya sa Bagong Hukbong Bayan at niyakap ang armadong pakikibaka. Bilang si Ka Pepe sa BHB, lubos at buung-buo niyang tinangan ang pinakamataas na antas ng paglaban para sa pambansang kalayaan at demokrasya.

ANG PUNGLO NG BERDUGONG 31st IB-PA ANG NAGBUWAL KAY JOEL, NGUNIT NAGTANGHAL NAMAN SA KANYA BILANG MARTIR AT BAYANI NG SAMBAYANANG PILIPINO. Nagtagumpay ba ang pasistang kaaway na igupo si Joel? Hindi kailanman naigupo ng kaaway ang paninindigan ni Joel para sa interes ng mga inaapi't pinagsasamantalahan. Buhay na buhay na dumadaloy sa diwa ng masang anakpawis na pinaglingkuran ni Joel, at sa lahat ng kanyang kaibigan at mga kasama ang kanyang ala-ala at kontribusyon sa pakikibaka.

Marami pang magbabangon at magpapatuloy sa landas na tinahak ni Joel Ascutia mula sa hanay ng mga karaniwang drayber at manggagawa, mga kababaihan, mga kabataan at estudyante, petiburgesya at maliit-na-propesyunal, at maralita-sa- kalunsuran, at mula sa malawak na hanay ng masang magsasaka sa kanayunan.

DAPAT NATING PARANGALAN SI KASAMANG JOEL ASCUTIA! DAPAT NATING GAWING INSPIRASYON ANG KANYANG KABAYANIHAN AT MAGSILBING DAGDAG NA LAKAS SA ATING PAGKILOS AT PAKIKIBAKA! Hindi madadaig ng kaaway ang pinakamarangal na mithiin ng bawat

rebolusyonaryong Pilipino: na maging malaya sa pang-aapi at pagsasamantala ng dayuhan; maging malaya sa pambubusabos ng mga ganid at sakim sa lipunan; magkaroon ng demokrasya at karangalan ang bawat api; at magkaroon ng masaganang bukas.

Dapat tularan ang di-makasariling pag-aalay ng lakas, talino, at buhay ni Joel Ascutia para sa sambayanan. Kailangang paigtingin ang mga kilos-protesta at pakikibakang masa ng mga drayber at masang anakpawis sa kalunsuran. Higit sa lahat, ang pinakamataas na pagpaparangal kay Kasamang Joel Ascutia ay ang pagpupunyagi sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa kanayunan.

Taos-puso at taimtim na pakikiramay sa inyong lahat.

Ka Greg Bañares NDFP-Bicol Mayo 13, 2012
 

     
           
     

x

 


BAGONG HUKBONG BAYAN
Celso Minguez Command
SORSOGON
 

 

 

 


Parangal Kay Joel “Ka Pepe” Ascutia

Nagpupugay ang Celso Minguez Command – Bagong Hukbong Bayan sa dakilang pag-aalay ng buhay ni Joel "Ka Pepe" Ascutia para sa paglilingkod sa sambayanan.

Bagamat ilang buwan lamang sumampa bilang mandirigma ng BHB si Ka Pepe, buong tatag niyang niyakap ang mga kahirapan at sakripisyo sa pakikibaka. Sa kanyang pasyang sumampa sa BHB, ipinakita ni Ka Pepe ang pagpapahalaga sa armadong pakikibaka bilang pinakamataas na anyo ng pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya.

Napakalaking inspirasyon ang pagyakap ni Ka Pepe sa armadong pakikibaka para sa lahat ng mga aktibista at masa upang walang takot at wastong harapin ang tumitinding pasismo ng reaksyunaryong estado. Gagap din niya na tanging sa pagsusulong ng armadong pakikibaka malulutas ang napakalubhang krisis sa ekonomya, at ganap na lalaya ang mamamayang Pilipino sa pang-aapi at pagsasamantala.

Sa ilang dekadang pagiging lider-organisador ng ligal na makabayang organisasyon ng sektor ng transportasyon, buong sigasig na isinulong ni Kasamang Joel ang mga panawagan para sa kagalingan ng mga karaniwang tsuper, transport operators at maralitang mamamayan. Isa siya sa mga nanguna sa pakikiisa at pagsuporta sa iba't ibang pangmasang pagkilos sa rehiyon ng Bikol para isulong ang demokratikong karapatan at interes ng mamamayan.

Sa pagiging mahusay na militanteng lider sa sektor ng transportasyon, naging target si Ka Joel ng mga 'death squad' ng AFP-PNP noong Hulyo 13, 2009 sa ilalim ng Oplan Bantay Laya 2 ng Rehimeng Arroyo. Matapos ang bigong-tangkang pagpatay sa kanya ng 'death squad' , buong tapang at walang pagdadalawang-isip na nagpatuloy siya sa pagkilos sa ligal na demokratikong kilusan.

Sa mga sumunod na taon, nakaranas pa siya ng mga pananakot, panggigipit at mga pagbabanta mula sa mga intel operatives ng 9th ID. Ginipit siya ng estado upang siya'y mapatahimik at mapatigil sa paglaban. Nalagay sa panganib ang buhay niya at ng kanyang pamilya.

Batid ang pamalagiang banta sa kanyang kaligtasan,nagtungo siya sa kanayunan at nakipamuhay sa masang magsasaka sa lalawigan ng Sorsogon.Niyakap niya ang armadong pakikibaka at nagpasya siyang maging fulltime na mandirigma ng BHB.Sumanib si Ka Pepe sa BHB nitong huling bahagi ng 2011.

Napangibabawan niya ang kahirapan sa mahahabang lakaran, karga ang kanyang mabigat na backpack, sa kabila ng kanyang limitasyong pisikal dulot ng pagkakaopera mula sa gun-shot wounds nang maging target siya ng death squads ng AFP-PNP.

Nang kinitil ng bulok at marahas na estado ang kalayaan niyang mamahayag at mag- organisa sa sektor na kanyang pinanggalingan, itrinansporma ito ni Ka Pepe sa masigasig na pag-oorganisa at pagmumulat sa masang magsasaka sa kanayunan. Tinahak niya ang landas ng armadong paglaban, bilang pangunahing porma ng pakikibaka para sa pagkakamit ng ganap na kalayaan at hustisyang panlipunan.

Sa maiksing panahon sa hukbo, lubos na nagagap ni Ka Pepe ang pangangailangan para sa armadong pakikibaka bilang natatanging solusyon sa napakalubhang krisis ng lipunan. Buong kagalakan niyang tinanggap ang isang ripleng M16, nang ma-isyu ito sa kanya. At biro pa niya, “at least ngayon hindi na ako mai-EJK o madi- desaparecido ng reaksyunaryong estado”. Nais niya sanang ipamalita sa kanyang mga kaibigan, kamag-anak at dating mga kasamahan sa ligal na demokratikong kilusan ang pasyang pagsampa sa BHB ngunit hindi pinahintulutan ng kalagayan ng kanyang seguridad.

Maging sa kanayunan, taglay ni Ka Pepe ang makauring pagkiling para sa mga maralita at inaapi, makikita ito sa kanyang matiyagang pakikinig at pakikipagtalakayan sa mga maralitang magsasaka at manggagawang bukid.

Nakilala si Ka Pepe ng masa at mga kasamang nakahalubilo niya bilang kwela at madaldal na kakwentuhan at matiyagang magpaliwanag sa mga isyung panlipunan. Ayon kay Ka Pepe, ang mahahabang pakikipagtalakayang-buhay sa masa at mga kasama ay paraan niya rin upang pangibabawan ang pangungulila sa kanyang pamilya at sa kanyang dating gawain.

Ang pagpanaw ni Ka Pepe nitong umaga ng Mayo 8 ay ikinalungkot ng mga kasama sa BHB, ng malawak na masang magsasaka at ng libu-libong drayber-obrerong kanyang minulat at inorganisa, at pati ng ilang kagawad ng midya na nakasubaybay sa kanyang buhay at pakikibaka.

Taas-Kamaong Pagpupugay sa mga Bayani ng Sambayanan! Kailanma'y hindi malilimutan ang kanilang pag-aalay ng lakas at talino para sa paglilingkod sa sambayanan.

SamuelGuerrero Ka Samuel Guerrero Tagapagsalita
 

     
     
           
     

 

 

 

 

x

           
     
     
     
   
     
     
     
           

 


ComScore

 

/p

  
 

Google