|
x
Part II
[Trilogy]
Sa papel na ito, Minarapat kong sipiin at suriin kapuwa ang salin
ni Bonifacio at ni Tolentino. Kapansin-pansing aral ang Pambansang Alagad
ng sining-eskultura at ang Supremong-sisne ng Katipunan sa estetiko at
batas o kodigo ng Tugma at Sukat, o ang Rima
Ferfecta ng
mga makatang Espanyol. Marahil kapuwa hinasa nila gaya ni Rizal, ang
kanikaniyang sensibilidad sa panulat, dignidad at moralidad upang harapin
at sagupain ang wikang hindi-likas at sadyang mapanakop sa mga Pilipino.
Subalit, may ilan lamang akong puna at panukala sa kanikaniyang salin sa
tula ng Pambansang Bayaning si Dr. Jose Rizal.
(Ang salin ng maisog na himig ng batang Tondo, Maynila ni Andres
Bonifacio.)
Pahimakas
ni Andres Bonifacio
Pinipintuho kong Bayan ay paalam,
Lupang iniirog ng sikat ng araw,
mutyang mahalaga sa dagat Silangan,
kaluwalhatiang sa ami'y pumanaw.
Masayang sa iyo'y aking idudulot
ang lanta kong buhay na lubhang malungkot;
maging maringal man at labis alindog
sa kagalingan mo ay aking ding handog.
Sa pakikidigma at pamimiyapis
ang alay ng iba'y ang buhay na kipkip,
walang agam-agam, maluag sa dibdib,
matamis sa puso at di ikahapis.
Saan man mautas ay dikailangan,
cipres o laurel, lirio ma'y patungan
pakikipaghamok, at ang bibitayan,
yaon ay gayon din kung hiling ng Bayan.
Ako'y mamamatay, ngayong namamalas
na sa silanganan ay namamanaag
yaong maligayang araw na sisikat
sa likod ng luksang nagtabing na ulap.
Ang kulay na pula kung kinakailangan
na maitina sa iyong liway-way,
dugo ko'y isabong at siyang ikinang
ng kislap ng iyong maningning na ilaw
Ang aking adhika sapul magkaisip
ng kasalukuyang bata pang maliit,
ay ang tanghaling ka at minsan masilip
sa dagat Silangan hiyas na marikit.
Natuyo ang luhang sa mata'y nunukal,
taas na ang noo't walang kapootan,
walang bakas kunot ng kapighatian
gabahid man dungis niyong kahihiyan.
Sa kabuhayang ko ang laging gunita
maningas na aking ninanasa-nasa
ay guminhawa ka ang hiyas ng diwa
hingang papanaw ngayong biglang-bigla.
pag hingang papanaw ngayong biglang-bigla.
Ikaw'y guminhawa laking kagandahang
akoy malugmok, at ikaw ay matanghal,
hininga'y malagot, mabuhay ka lamang
bangkay ko'y masilong sa iyong Kalangitan.
Kung sa libingan ko'y tumubong mamalas
sa malagong damo mahinhing bulaklak,
sa mga labi mo'y mangyayaring itapat,
sa kaluluwa ko hatik ay igawad.
At sa aking noo nawa'y iparamdam,
sa lamig ng lupa ng aking libingan,
ang init ng iyong paghingang dalisay
at simoy ng iyong paggiliw na tunay.
Bayaang ang buwan sa aki'y ititig
ang liwanag niyang lamlam at tahimik,
liwayway bayaang sa aki'y ihatid
magalaw na sinag at hanging hagibis.
Kung sakasakaling bumabang humantong
sa krus ko'y dumapo kahit isang ibon
doon ay bayaan humuning hinahon
at dalitin niya payapang panahon.
Bayaan ang ningas ng sikat ng araw
ula'y pasingawin noong kainitan,
magbalik sa langit ng boong dalisay
kalakip ng aking pagdaing na hiyaw.
Bayaang sino man sa katotang giliw
tangisang maagang sa buhay pagkitil;
kung tungkol sa akin ay may manalangin
idalangin, Bayan, yaring pagka himbing.
Idalanging lahat yaong nangamatay,
mangagatiis hirap na walang kapantay;
mga ina naming walang kapalaran
na inihihibik ay kapighatian.
Ang mga bao't pinapangulila,
ang mga bilanggong nagsisipagdusa;
dalanginin namang kanilang makita
ang kalayaan mong, ikagiginhawa.
At kung ang madilim na gabing mapanglaw
ay lumaganap na doon sa libinga't
tanging mga patay ang nangaglalamay,
huwag bagabagin ang katahimikan.
Ang kanyang hiwagay huwag gambalain;
kaipala'y maringig doon ang taginting,
tunog ng gitara't salterio'y mag saliw,
ako, Bayan yao't kita'y aawitin.
Kung ang libingan ko'y limot na ng lahat
at wala ng kurus at batang mabakas,
bayaang linangin ng taong masipag,
lupa'y asarolin at kauyang ikalat.
At mga buto ko ay bago matunaw
maowi sa wala at kusang maparam,
alabok ng iyong latag ay bayaang
siya ang babalang doo'y makipisan.
Kung magka gayon na'y aalintanahin
na ako sa limot iyong ihabilin
pagka't himpapawid at ang panganorin
mga lansangan mo'y aking lilibutin.
Matining na tunog ako sa dingig mo,
ilaw, mga kulay, masamyong pabango,
ang ugong at awit, pag hibik sa iyo,
pag asang dalisay ng pananalig ko.
Bayang iniirog, sakit niyaring hirap,
Katagalugang ko pinakaliliyag,
dinggin mo ang aking pagpapahimakas;
diya'y iiwan ko sa iyo ang lahat.
Ako'y patutungo sa walang busabos,
walang umiinis at berdugong hayop;
pananalig doo'y di nakasasalot,
si Bathala lamang dooy haring lubos.
Paalam, magulang at mga kapatid
kapilas ng aking kaluluwa't dibdib
mga kaibigan bata pang maliit
sa aking tahanan di na masisilip.
Pag pasasalamat at napahinga rin,
paalam estranherang kasuyo ko't aliw,
paalam sa inyo, mga ginigiliw;
mamatay ay siyang pagkakagupiling!
_______________________________
Ang
Tugma’t Himagsik
Pansining mabuti ang anyo ng tula/salin ng
makata; Walang ligoy na nilabag ni Bonifacio ang Tugma at Sukat sa
orihinal na porma o anyo, nabago rin kahit ang taludturan bukod sa himig
at persona ng tula. Sa puntong ito, maipapanukala ko na ang salin niya ay
may tuwírang láyon o sadyang nilihis sa orihinal na anyo/porma na may (16)
bawat linya, at binubuo lamang ng (14) na saknong. Kapuna-puna na hindi
konsistent ang mga bilang ng taludturan at maging ang saknungan mula
simula hanggang matapos sa ika-(28) na saknong na kaniyang salin. Sinadya
niya marahil upang umugit siya ng bagong porma na may iregularidad o may
kaguluhan ang bilang ng mga taludtod sa loob ng saknong at maging ang
himig na hayag na subersibo at sadyang may hugot sa kaniyang sariling
karanasan. Ang naturang galáw ng tagasalin, ay tatagurian ko ngayon na “neo-rima
alzamiento” O,
Ang Bagong Tugma’t Himagsik. Bagaman lihis ang kaniyang salin, naging
epektibo at madaling nagagap naman ito ng mga batang palabasa, ng mga
ama’t inang palakwento, ng mga barberong matalas ang dila, ng mga kargador
na tangan ang bigat ng balita, ng mga tuberong nangaghigpit ng siko’t
sinturon, ng mga bendor na pabulong ang alok, ng mga drayber na nagpasada
ng salaysay, ng mga mangingisdang nagpalaot sa isla’t talinghaga, ng mga
magsasakang nagbungkal ng salita at wika, ng mga obrerong tagaktak ang
pawis sa lakas-pagbasa at maging ng mga ilustradong pakape-café habang
nangagkuyakoy sa pagsuri’t pagbasa, at ng kalakhang-bilang ng mga
Pilipinong inabot ng salimbayang salin/tula sa buong kapuluan ng
Filipinas. At nuong matapos magluksa ang lahat sa pagkamatay ni Rizal at
habang nakaambang pumutok ang natipong galit-himagsik ng mga Katipunero-Pilipino
kontra Espanya ay mas sumidhi pa ang talab ng dagitab na
panulat-talinghaga ni Rizal—na salin ni Bonifacio. Batid kong layong
baguhin ng Supremo sa salin ang ilang puntos; At alam niyang mapapansin
iyon ng mga intelektuwal o bihasa sa anyo at himig ng tula, maging ng
kaniyang mga kapuwa makata’t katipunerong tinitingala si Rizal, at ng mga
paham sa Wika’t Panitikan na málay-na-málay sa padron ng Rima
Ferfecta
o sa
mismong mga akda/tula ni Rizal. Tungod sa aking unang haka’t panukala,
minarapat niyang baguhin ang himig upang mas higit na maunawaan ng masa o nakararami ang
kabuuhan ng tula ni Rizal, at inayon niya ang lengguwahe sa karaniwang
Pilipino na api at patuloy na binubusabos at dumaranas ng hagupit ng
rosaryong latigo at sinasakal-ng-paulit-ulit-na-dasal ng mahimalang kamay
ng Espanya. Upang sa gayo’y mas madaling maihalintulad ng mga
nakabasa-makakabasa ang sarili nila sa kalagayan ng persona sa
loob ng tula o ng mismong may akda na pinagbabaril sa Luneta ng walang
kalaban-laban.
Sa kabilang banda, hindi natin maikakailang
mas tanyag at madalas pa ngang gamitin ang salin ni Bonifacio tuwing may
mga okasyon o palatuntunang may kaugnayan sa kadakilaan ni Dr. Jose Rizal,
sa mga bulwagan/teatro ng gobyerno’t institusyong sining at kultural, sa
mga palimbagan na kinakalakal o mas-reproduksiyon ng kopya ng salin upang
isaaklat at ipagbili sa pribado at pampublikong unibersidad/pamantasan,
at maging sa dokyumentaryong pelikulang alay kay Rizal
inuulit-ulit-uulit-ulitin-taon-taon, at sa mga lansangan ng protesta’t
panawagan ng rebolusyon sa mga palengke, baryo at nayon at sa buong-kapuluan. Ang
"Pahimakas" ay isang sangkap o salik na siyang tunay na nagpaliyab sa puso
at diwa ng mga Pilipino na nagpunyaging mag-aklas kontra Espanya, upang
bihisan ng dignidad at itaguyod ang Kasarinlan ng Filipinas. At maging sa
kasalukuyang kalagayan ng Lipunan at Rebolusyong Pilipino, isang muhon o
panandang-bato sa dibdib ng Maynila—Filipinas ang dila ng Tugma't Himagsik
na salin ni Gat Andres Bonifacio.
See Part III ▼
|