| |
PAGBATI SA PAMUNUAN AT MGA BALANGAY NG ANAKBAYAN
SA MATAGUMPAY NA PAGDAOS NITO NG IKA-5 KONGRESO
Ni Prop. Jose Maria Sison
Tagapangulong Tagapagtatag
Kabataang Makabayan
30 Mayo 2008
Nagagalak akong magpaabot ng pagbati sa pamunuan sa iba't ibang antas at
lahat ng balangay ng Anakbayan sa matagumpay na pagdaos ng ika-5
Kongreso ng Anakbayan nitong 27 hanggang 30 Mayo 2008.
Tumpak ang inyong tema: Paigtingin ang kilusang masa para patalsikin ang
papet, pasista, pahirap na rehimeng Arroyo! Isulong ang pambansa
demokratikong kilusang propaganda! Magsikhay sa pusupusang pag-oorganisa
ng Anakbayan sa paraang solido't papalakas!
Dahil sa kongreso, ibayong nauunawaan ninyo ang kalagayan ng ating
bayan, ang mga hamon sa kabataan at sambayanang Pilipino, ang katayuan
ng Anakbayan at mga tungkuling dapat ipatupad upang palakasin ang inyong
organisasyon at isulong ang kilusang pambansang demokratiko.
Malaki ang aking tiwala na ibayo kayong magsusumikap na umani ng
maraming tagumpay sa pagpupukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa
kabataan bilang handog sa pagbubunyi ninyo ng namimintong ika-10
anibersaryo ng Anakbayan.
Napakalubha ang krisis sa ating bayan. Walang humpay ang paglala ng
pagsasamantala at pang-aapi. Susunud-sunuran ang rehimeng Arroyo sa mga
patakarang neoliberal na globalisasyon at global na terorismo ng
inperyalismong US. Kaakibat sa pagiging papet ang pagiging korap,
sinungaling at makahayop ng rehimeng ito.
Lubhang ikinamumuhi ng malawak na masang Pilipino ang rehimen. Lubhang
hiwalay at itinatakwil ito dahil sa malawak at matinding paghihirap nito
sa taumbayan at dahil din sa ating patakaran ng malawak na nagkakaisang
hanay. Lubhang lantad ang kabulukan hindi lamang ng kaaway na
naghaharing pangkat kundi ng buong sistemang malakolonyal at malapyudal.
Kung gayon, maliwanag ang pangangailangan ng kilusan para sa pambansang
kalayaan at demokrasya.
1. Dapat kayong magsagawa ng kilusang propaganda upang pataasin ang
damdamin at kaisipang lumaban sa kaaway. Gumawa ng mga islogan para sa
ahitasyon ng malawak na masa ng kabataan. Nais nilang ibulyaw ang mga
hinanaing at mga dapat gawin sa pakikibaka. Dapat ding may mga nakasulat
na propaganda sa anyo ng mga polyeto, mga artikulong madaling basahin at
unawain at mga akdang komprehensibo at malalim sa pagsusuri.
Naisasagawa ang kilusang propaganda sa napakaraming tipo at lugar ng
pagtitipon: sa mga tambayan at kainan, kabitbahayan at kumunidad, mga
seminar at komperensiya, mga silid paaralan, sa kapaligiran ng mga
pabrika, mga opisina at mga lansangan. Paagusin sa lahat ng dako ang mga
damdamin at kaisipan ng pakikibaka para sa kagyat na layuning patalsikin
ang rehimeng Arroyo at para sa matagalang layuning tuparin ang
pambansang kalayaan at demokrasya.
2. Laging tandaan na ang Anakbayan ay isang komprehensibong organisasyon
ng mga kabataan. Saklaw nito ang mga kabataan sa hanay ng mga
manggagawa, magsasaka, mangingisda, mga estudyante, mga propesyonal, mga
alagad ng kultura at mga negosyante. Dapat itayo ang mga balangay ng
Anakbayan sa mga haiskul at kolehiyo, mga kumunidad, pabrika, bukirin,
palengke, opisina at mga institusyon at asosyasyon ng mga propesyonal.
Pinakamahalaga ang pag-oorganisa sa hanay ng mga kabataan ng anakpawis
subalit mahalaga rin ang ito sa hanay ng mga nasa panggitnang saray.
Binigyan ko ng diin ang pagtatayo ng mga balangay. Dito mapapalitaw ang
makapal na kasapian at dito mabubuo ang matibay at malawak na pundasyon
ng Anakbayan. Dito magkakabilangan ng kasapian at dito masusukat ang
husay ng inyong mga kadre at kasapi sa pag-oorganisa. Kailangan din ang
mga namumunong organo sa antas ng bansa, rehiyon, probinsiya, distrito,
siyudad at munisipyo. Ang mga organong ito sa bawat antas ang mamamahala
sa lahatang panig na pag-unlad ng Anakbayan.
3. Kinakailangan ang mga kampanya at malawak na mobilisasyon tungkol sa
mga isyu ng kabataan at mga isyu na multisektoral na may kinalaman din
sa kabataan, Sa pamamagitan ng mga malaki at malawak na pagkilos,
naipapamalas sa lahat (sa inaapi at nang-aapi, sa pinagsasamantalahan at
nagsasamantala) kung ano ang kahalagahan at kalubhaan ng isyu, ano ang
antas ng kagustuhan ng kabataan at sambayanang Pilipino at ano ang
kahandaan nilang ipaglaban ang kanilang mga karapatan at interes.
Ang mga kampanya at mobilisasyong masa ay pamamaraan sa pagpapalaganap
ng pangkalahatang linya ng pakikibaka at mga partikular na linya sa mga
partikular na isyu, sa paghimok sa ispontaneong masa, sa pagpapalawak at
pag-akit ng mga alyado at mga bagong kasapi, sa pagpanday sa Anakbayan
at sa masa sa pakikibaka, sa pagtuligsa o pagpapabagsak sa masamang
rehimen, patakaran o kalakaran at pagpapatupad sa mga pagbabago na
makakabuti sa buhay at kalagayan ng kabataan at sambayanan.
Umaasa ako na ang mensaheng ito ay makakadagdag pa ng liwanag sa mga
bagay na napag-usapan ninyo sa Kongreso, laluna sa pagbabalak ninyo, sa
pagdetalye at implementasyon ng mga balak upang palakasin ang Anakbayan
at isulong ang kilusang pambansa demokratiko. Gamitin ninyong maigi ang
kilusang pagpapatalsik sa rehimeng Arroyo upang kamtin ang
lahatang-panig na pagpapalakas para sa ikalawang dekada ng Anakbayan.
Isulong ang pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya!
Palakasin ang Anakbayan sa edukasyon, organisasyon at mobilsasyon!
Mabuhay ang kabataan at sambayanang Pilipino!
|
|